Chapter 10

63.6K 3.4K 2.8K
                                    

SABADO.


Hawak-hawak ko ang ticket na bigay ni Isaiah sa akin. Para ito sa battle of the bands mamayang 9:00 PM sa plaza ng Malabon. Kapag may ticket ka ay makakaupo ka sa mga upuan na para sa mga sumusuporta sa mga banda. Dahil VIP ticket pa ang ibinigay sa akin ni Isaiah ay doon mismo ako makakaupo sa pinakaunahan. Nagsimulang magrigodon sa kaba at excitement ang dibdib ko. Ito ang kauna-unahang pag-attend ko sa ganoong event.


"Vi, tagal mo!" sigaw ni Kuya Vien.


Nagmamadaling itinago ko ang ticket at bumaba na ako sa baba ng bahay namin. May problema pa dahil hindi ko alam kung paano makakatakas mamayang gabi. Makakapunta nga ba ako? Pero nagbitiw na ako ng salita kay Isaiah na pupunta ako at ayaw ko namang bumawi ng pangako.


Isa pa, P250 ang VIP ticket. Masasayang kung di ko pupuntahan...


Napansin ni Kuya Vien ang pagiging balisa ko dahil magkasama kami na nag-ge-general cleaning sa bahay. Siya ang nagkukuskos ng sahig gamit ang bunot at ako naman ay nagpupunas ng mga gamit. "Hoy, in love ka, ano?" pabulong na sita niya sa akin. "Sino? Kay 'Eli Bantay-Salakay'?"


Nagusot ang ekspresyon ko. "Kuya naman! Palagi mo na lang akong inaasar kay Eli, ikaw siguro me gusto roon!"


Ngumisi siya. "Kung di pala si Eli, e kanino?"


Inirapan ko si Kuya Vien. "Maglinis na lang tayo dahil maluluto na ang tanghalian. Pagagalitan tayo ni Daddy kapag hindi pa tayo tapos maglinis."


"Vi, alam mo? Gusto ko namang matuwa kasi ngayon lang kita nakitang ganyan, iyong may buhay ang mata. Ang kaso, kinakabahan ako sa 'yo dahil parang in love ka talaga." Patingin-tingin siya sa akin. Alam ko namang concerned lang siya.


"Kuya, di ba normal lang naman sa edad ko ang magkagusto?" Hindi ko binanggit ang salitang 'boyfriend' kahit pa iyon talaga ang gusto kong sabihin.


Sumeryoso ang mukha ni Kuya Vien. "Hindi naman masama ang magkagusto. Tama ka naman na normal lang iyon lalo sa edad mo. Kaya lang, alam mo naman si Daddy di ba? Siguro kung kay Eli ka magkakagusto ay puwede pang maging okay sa kanya, pero kung sa iba..." Napailing-iling siya. "Naku Vi, wag na."


Lumabi lang ako at nagpatuloy na lang sa paglilinis.


Sa isip ko ay nababahala rin ako. Kahit pa sabihing ngayong buwan ay 18 na ako, bawal pa rin kahit ang magkagusto. Maski nga makipagkaibigan sa mga lalaki ay bawal.


Si Eli lang talaga ang hinahayaan ni Daddy na lalaking maging close sa akin maliban sa kanila ni Kuya Vien. Si Eli na nag-iisang anak ng namatay na matalik na kaibigan ni Daddy at inaanak din nito. Bukod doon ay nasubaybayan kasi ni Daddy ang paglaki ni Eli dahil nasa iisang lupa lang kami. Ang kinatitirikan ng bahay namin ay ang kalahati ng lupa ng namatay na papa ni Eli na binili noon ni Daddy. Hindi pa nga lang namin natatapos hulugan ang lupa sa mama ni Eli hanggang ngayon.



PAGSAPIT ng gabi ay handa na ako. Nakaligo na kanina pang 6:00pm. Nakapag-blower na rin ng buhok. Simple lang ang suot ko. Skinny jeans at pulang t-shirt, dahil sabi ni Isaiah ay magpula raw. Hindi ako nag-make up maliban sa manipis na lip tint sa labi. Hindi pa rin kasi ako sigurado kung makakatakas nga ako.

South Boys #3: Serial CharmerTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon