BYE, BOO. I LOVE YOU.
Para akong kinidlatan sa kinatatayuan. Wala na si Isaiah pero nakatingin pa rin ako sa pinto. Ilang beses kong tinakpan ang bibig niya kagabi, ilang beses ko siyang pinigilan. Bakit narinig ko pa rin ngayon ang mga salitang kagabi ko pa sinisikap na iwasan?
"Vi." Boses ni Eli na nagpalingon sa akin sa kanya.
Tiningnan ko siya. Wala na ang kaseryosohan sa maamong mukha niya, sa halip ang nababasa ko roon ay pag-aalala. Lumapit siya sa akin at hinawakan niya ako sa pisngi. Doon ko lang nalaman na puno na pala ako ng luha.
Namimilog ang mga mata ko sa takot. Napahikbi ako sa kanya. "Eli, ayokong maniwala sa sinabi niya," nangangatal ang mga labi na sabi ko. "Eli, ayaw kong umasa. Ayaw ko, Eli. Ayaw ko..."
Walang salita na maingat na hinila ako ni Eli para yakapin. Marahan niyang hinagod ang likod ko.
Ilang segundo na tahimik lang din ako habang tumutulo ang mga luha ko. Nang humiwalay ako kay Eli ay humindi ako ng pasensiya sa kanya. "Sorry, nakita mo pa ako na ganito..."
Nakakaunawang ngiti lang naman ang sagot niya sa akin. Kahit nang bumalik na ako sa pagtatahi ay hindi pa rin siya umalis. Hinintay niya na tuluyang okay na ako bago siya nagpaalam na umuwi.
VIEN-TRABAHO. Doon ko pinaikot ang buhay ko sa mga nagdaang araw at linggo. Pinipigilan ko ang sarili na isipin muna si Isaiah dahil paparating na ang birthday ni Vien, at ang target ko ay makaipon ng pera.
Mahirap lang talaga na hindi siya maalala, paano'y madalas ang mga araw na may dumarating na lang na delivery ng pagkain dito sa bahay. Paid na ang mga iyon. Napapabuntong-hininga na lang ako dahil Isaiah Gideon del Valle ang pangalan ng nag-book ng food delivery.
Sinubukan ko na i-chat si Isaiah sa Viber, hindi ko lang alam kung nababasa niya. Nag-text na rin ako sa kanya, pero wala siya maski isang reply. At tuloy pa rin siya sa pagpapa-deliver dito. Nanghihinayang naman ako na hindi kainin, minsan na lang ay dinadala ko ang pagkain sa kanila sa PK2.
Tuloy pa rin ako sa pag-aasikaso kay Vien sa umaga, pagkatapos ay mananahi na ako hanggang gabi, at nasisingit ko pa rin ang pagtitinda sa online. Nagre-resell ako ng frozen goods. Kapag may deliver ay pa-tricycle ako kapag medyo malayo at kapag tagarito lang sa Buenavista ay nilalakad ko na lang. Pagbalik sa bahay ay magtatahi na naman.
Tumatanggap na rin ako ng repair. Nagpaskil ako ng karatula sa gate. Busy ako at busy rin si Isaiah sa trabaho niya sa Manila. Sunod-sunod ang project niya, binabanggit sa akin ng mama niya kahit pa hindi ako nagtatanong.
May pagkakataon pa rin na nagkikita kami sa pagdaan pa ng ilang linggo. Nagtatama ang mga mata namin. Ako ang palaging nauunang umiwas ng tingin dahil kung hindi ko gagawin, ay baka abutin pa kami ng walang hanggan sa pagtititigan.
Nasunod pala talaga na ako ang mag-aasikaso sa birthday ni Vien. Ako ang naghanap ng event coordinator. Sa theme naman ay kinonsulta ko ang bata. Ang gusto nito ay Paw Patrol. Lahat ng kaklase nito ay imbitado. Twenty ang mga iyon, dagdag pa ang parents o guardians.
BINABASA MO ANG
South Boys #3: Serial Charmer
RomanceShe may be beautiful, but she is aware that she's quite the airhead and is pretty dense. As such, Vivi masks her weaknesses behind a snobby and haughty façade. Then she meets Isaiah, who sees through her from the get go, an existence that threatens...