HINDI AKO NAKATULOG.
Magdamag akong dilat. Kung nakakaidilip man ay naaalimpungatan din agad. Nasa kuwarto ako ni Vien. Mag-isa lang sa kama kaya kahit biling-baliktad ako sa paghiga ay ayos lang.
Nakatulog ako bandang 7:00 a.m. na. Hindi ko na namalayan ang oras. Maingay sa ibaba pagmulat ko. Alas dose na. Nakakahiya. Tinanghali ako ng gising. Napabalikwas ako ng bangon.
"Gising ka na pala, Vivi." Si Mama Anya ay may bitbit na bandehado na may sabaw. "Hindi na kita ginising dahil parang puyat ka."
Napatingin ako sa mesa. Nandito na si Isaiah. Pinagsasandukan niya ng kanin ang plato ni Vien. Hindi siya nakatingin sa akin.
"Elow, Mommy!" bati sa akin ni Vien nang makita ako.
Naupo na ako sa hapag. Habang kumakain ay patingin-tingin ako kay Isaiah. Anong oras siya bumalik?
Pagkatapos kumain ay ako ang nagligpit ng pinagkainan. Si Isaiah naman ay pumasok sa banyo para maligo. Pagkaligo ay binitbit niya na si Vien sa itaas para patulugin.
Naligo na rin ako pagkatapos maglinis ng kusina. Umakyat ako sa itaas. Wala si Vien sa kuwarto ng bata, kung ganoon ay nasa kuwarto ito ni Isaiah. Doon ako pumunta. Naka-lock na naman ang pinto.
Kumatok ako. Gusto ko siyang makausap. Mga limang katok bago siya nagbukas. Hindi naman siya mukhang nakatulog. "Bakit?"
"P-puwede ba tayong mag-usap?"
"Tungkol saan?"
Napalunok ako sa kalamigan ng tono niya. Gusto ko nang umatras pero nagpakatatag ako. "Tungkol sa atin, Isaiah. Mag-usap tayo."
Napatanga ako nang tumaas ang gilid ng bibig niya. "So you decide when you want to talk."
Lumabas siya ng kuwarto at pumasok sa kuwarto ni Vien. Sumunod ako sa kanya. Ako ang nagsara ng pinto. Nakatalikod siya sa gawi ko habang nakapamulsa sa suot na sweat pants.
"Isaiah, mag-usap tayo..." simula ko. "T-tungkol sa nangyari sa atin kahapon. Anong ibig sabihin non?"
Nanigas ang malapad na balikat niya.
"Isaiah, sorry dahil gusto ko lang malaman kung..."
Humarap siya sa akin. "Saan mo nakukuha lakas ng loob mo?"
Napaawang ang mga labi ko. Para akong sinampal dahil sa titig ng seryosong mga mata niya. Nangatal ang katawan ko at hindi ako makapagsalita.
Hindi na rin ulit nagsalita si Isaiah. Para bang naisip niya na isang malaking sayang sa kanyang oras ang makipag-usap pa sa akin. Iniwan niya akong mag-isa at tulala sa kuwarto ng anak namin.
Hindi ko alam kung gaano ako katagal ng nakatayo sa kuwarto ni Vien. Tulala lang sa pader, masakit ang dibdib ko pero ayaw kong umiyak. Kasalanan ko naman kasi, dahil ang tanga-tanga ko na isiping dahil lang may nangyari sa amin ay okay na kami.
BINABASA MO ANG
South Boys #3: Serial Charmer
RomanceShe may be beautiful, but she is aware that she's quite the airhead and is pretty dense. As such, Vivi masks her weaknesses behind a snobby and haughty façade. Then she meets Isaiah, who sees through her from the get go, an existence that threatens...