TINALIKURAN KO NA SI ISAIAH.
Paglabas ng gate ay pumara na agad ako ng tricycle. Naramdaman ko siya na sumunod hanggang labas, pero kahit sa rearview mirror ay hindi ko na siya tiningnan.
Naging abala ako sa mga sumunod na araw. Kailangang-kailangan ko nang makapagtrabaho. Paubos na ang ipon ko dahil nagalaw pa sa pagpapakabit ng kuntador.
Sa Epza na nga ako natuluyang mag-apply. Iyon ang pinakamalapit at madali ang proseso dahil kakilala ni Mama Anya ang nagpasa sa biodata ko.
Ang Epza o export processing zone authority ay kilala sa Cavite. Malawak na lugar ito na maraming iba't ibang kompanya at pabrika sa loob. Ang papasukan ko dapat ay factory garments pero nauwi ako sa electronics company.
Below minimum ang sahod dahil provincial rate. Gabi ang pasok at umaga ang uwi. Masakit sa kamay at mata ang trabaho na pagkakabit ng wire, pero kaya naman.
Start agad ng pasok. Mababait din ang mga katrabaho ko. May iba lang na kill joy ang tingin sa akin, dahil pagkatapos ng shift ay palagi akong tumatanggi kapag nagkakayayaan ng tambay o inuman.
Isang beses noong breaktime ay nagulat ako nang may lumapit sa akin, Isa itong babae na chubby at may makapal na make up sa mukha. "Ikaw ba 'yan, Vivi girl?!"
Napatitig ako rito. Naka-polo ito ng uniform na katulad ng akin. Cute ang mukha nito at may suot na purple contact lense. Isa sa kaklase ko noong high school. Si Doralyn.
Hinampas niya ako sa braso. "Ako 'to, si Dora. Best friend mo ako!"
Tinabihan niya agad ako at iniwan ang kanyang mga kasama. Katulad ko ay wala siyang baon. Bumili lang din siya sa canteen, pero mas marami ang binili niyang pagkain kaysa sa akin.
"Oy, Vivi! Akalain mo iyon, ano? Nagkita ulit tayo! E kumusta ka naman ba? Lalo tayong gumanda, ah!"
Hindi pa siya nakuntento, itinuro niya ako sa mga katrabaho namin na nasa kabilang mesa. "Si Vivi, kilala ko! Ganda, ano? Best friend ko 'to!"
Kinawayan din ako ng mga kakilala ni Doralyn. Kimi na ngumiti naman ako sa mga ito. Habang kumakain ay ang daming kuwento ni Doralyn. Nahinto pala siya sa pag-aaral mula nang makapag-asawa. May two years old na siyang anak.
"Nakatapos pala sina Rosethel at Paula sa pag-aaral." kuwento niya. "Si Rosethel, dito rin sa Epza nagtatrabaho. Sa office siya. Kow, yabang kamo!"
Tahimik lang naman ako habang nagsasalita siya.
"Vivi, ikaw hindi ka talaga nakapag-college, di ba? Nabuntis ka agad pagkatapos ng high school graduation. E kayo pa ba ng nakabuntis sa 'yo?"
Umiling ako habang nakayuko sa kinakain.
"Isaiah Gideon pangalan ng nakabuntis sa 'yo, di ba? Nakikita ko iyon dati na pumapasok sa Lyceum, e. Ang guwapo, kaso isnabero. Hindi ako pinapansin pag tinatawag ko."
BINABASA MO ANG
South Boys #3: Serial Charmer
Storie d'amoreShe may be beautiful, but she is aware that she's quite the airhead and is pretty dense. As such, Vivi masks her weaknesses behind a snobby and haughty façade. Then she meets Isaiah, who sees through her from the get go, an existence that threatens...