"MAGHAPON KA NA LANG NAKAHIGA."
I was about to get up from the bed when I heard a familiar voice. Buong-buo pero malambing na boses. Pupungas-pungas na napalingon ako sa pinto, at doon ay nakita ko ang isang matangkad na lalaki na nakatingin sa akin.
Ang maamo nitong mukha ay sumimangot. "Ano? Puro ka na lang tulog. Ako na naman ang naghugas ng mga plato."
Namasa ang mga mata ko nang makilala siya. "K-kuya Vien..."
Lumapit siya at naupo sa gilid ng kama. Tinitigan niya ako at pagkuwa'y napailing siya. "Nanghihina ka? Siguro hindi ka na naman nagkakakain. Ginugutom mo na naman ang sarili mo."
Napahikbi ako habang nakatingin sa kanya. "K-kuya..."
"'Wag ka nang umiyak. Hayaan mo, ibibili kita mamaya ng buy one take one na burger diyan sa labasan. Dadalhin ko rito mamaya sa kuwarto mo."
Mas sumargo ang masaganang luha sa aking mga mata. Hindi ko na natiis ang titigan lang siya. Dinaluhong ko siya ng yakap habang patuloy ako sa pag-iyak. "Kuya... Kuya ko...!"
Natawa naman siya bamagan gumanti ng yakap sa akin. "Tahan na, Vivi. Bakit ka ba umiiyak? Hindi naman na kita inaasar, di ba? Ikaw talaga, iyakin ka pa rin hanggang ngayon."
Wala akong pakialam sa panunukso niya. Iyak pa rin ako nang iyak. Miss na miss ko na siya. "Kuya... Kuya, mahal na mahal din kita. Kuya, miss na kita... Kuya..."
Humiwalay siya sa akin at hinaplos niya ang aking luhaang pisngi. "Paano mo ako nami-miss? Hindi naman ako nawala, ah? Nandito pa rin ako sa tabi mo. Di ba nangako ako? Hindi kita iiwan. Hindi ako aalis. Nasa tabi mo lang ako palagi."
Napalakas ang palahaw ko ng iyak.
Kahit may luha na rin sa mga mata ni Kuya Vien ay ngumiti siya sa akin. "Ang laki na talaga ng baby ko. Ang ganda-ganda, ang bait-bait pa rin. At hindi ako nagkamali sa paniniwalang kaya mo ring maging matatag at matapang. Sobrang proud ako sa 'yo."
"Kuya si Mommy..." iyak ko.
Mula sa labas ng pinto ng aking kuwarto ay nakarinig kami ng malamyos na boses, "Vien, gising na ba ang kapatid mo?"
Namilog ang luhaan kong mga mata nang mula roon ay dumungaw ang isang magandang babae. Naka-make up, ayos na ayos ang buhok, na akala mo ay may pupuntahan, pero may suot namang apron na pangkusina. Ang itsura niya ay ang itsura na nakatatak sa aking alaala.
Matamis na ngumiti siya nang makita ako. "Gising na pala ang maganda kong anak. Vivi, nagluto ako ng masarap na ulam. Puwede ka nang kumain ngayon ng kanin kasi tayo-tayo lang."
Nangatal ang mga labi ko sa paghikbi. "M-Mommy..."
Kaytamis-tamis ng ngiti ni Mommy na katulad na katulad ng naaalala ko. "Kumain ka nang marami, Vivi. Puwede na tayong kumain ngayon kahit gaano karami at kahit kailan natin gusto!"
BINABASA MO ANG
South Boys #3: Serial Charmer
RomanceShe may be beautiful, but she is aware that she's quite the airhead and is pretty dense. As such, Vivi masks her weaknesses behind a snobby and haughty façade. Then she meets Isaiah, who sees through her from the get go, an existence that threatens...