"SAKAY."
Nakatitig lang ako kay Isaiah na para bang isa siyang aparisyon. Kung kanina sa kanila ay siya ang nagulat sa akin, ngayon naman ay ako ang nagugulat sa kanya.
Nang maapuhap ko ang sariling boses ay saka lang ako nakapagsalita. "W-wag na."
Pero mukhang hindi siya tatanggap ng pagtanggi. Seryoso pa rin ang mukha niya. "Sakay sabi."
"Isaiah, hindi pa ako uuwi. Hindi pa ako puwedeng umuwi..."
Nagsalubong ang mga kilay niya. "Ano bang nangyari? Lumapit ka nga rito," utos niya sa akin.
Hindi ako sumagot pero parang may magnet ang mga salita niya na nagpalapit sa akin sa kanya.
Nagulat ako nang maingat na hablutin niya ang braso ko. Huli na para mabawi ko iyon sa kanya, sa tulong ng pinagsamang liwanag ng lamppost at ng ilaw ng motor niya ay naging malinaw ang nangingitim na pasa sa braso ko. "Daddy mo may gawa nito?!"
"Isaiah, okay lang ako."
"Ang tinatanong ko ang sagutin mo, sino may gawa nito?!" Napataas na ang boses niya. "Daddy mo ba? Sinaktan ka niya?!"
Sandali akong natulala sa reaksyon niya. Halos tumalsik ang laway niya sa mukha ko.
"Okay lang, Isaiah," pinakalma ko siya ng mahinahong boses ko. "Okay lang ako. Sorry, naabala kita. Pero okay lang talaga ako. Nagkamali lang ako sa pagpunta sa inyo. Bumalik ka na kasi baka ano pa ang isipin ni Carlyn sa pagsunod mo sa akin."
Nagtagis ang mga ngipin niya at ayaw niya pa ring bitiwan ang braso ko.
"Isaiah, bitiwan mo na ako, ha?" Maliit akong ngumiti sa kanya. "Maniwala ka, okay lang talaga ako..."
Napayuko siya. "Putangina."
Nakagat ko ang aking ibabang labi.
"Putangina talaga." Hindi ko makita ang kanyang ekspresyon nang mahina siyang magsalita, "May girlfriend ako e."
Napalunok ako. "A-alam ko naman iyon. K-kayo ni Carlyn, kaya nga bitiwan mo na ako kasi baka ano pa ang isipin niya kapag—"
"May girlfriend ako," ulit niya na tila ba hindi narinig ang sinabi ko. "May girlfriend ako. Kahit malabo iyong usapan namin, may girlfriend pa rin ako." Hirap na hirap ang boses niya na mas sarili ang kinakausap kaysa sa akin.
"Isaiah..."
Nang mag-angat siya ng mukha ay nakita ko ang sakit at paghihirap sa mga mata niya. "Vi, bakit mo pa ako ginugulo?"
Umawang ang mga labi ko.
"Sabi mo, tigilan na kita, di ba? Sinubukan ko, para lang maging okay ka na. Baka nga kasi kapag nagka-GF na ako ng iba, maging okay ka na. Baka maging okay rin si Carlyn. Saka baka maging okay na rin ako. Baka maging okay tayong lahat. Pero tangina, lalo lang yata tayong nagkagulo-gulo!"
BINABASA MO ANG
South Boys #3: Serial Charmer
RomanceShe may be beautiful, but she is aware that she's quite the airhead and is pretty dense. As such, Vivi masks her weaknesses behind a snobby and haughty façade. Then she meets Isaiah, who sees through her from the get go, an existence that threatens...