AKO, PAPAKIALAMAN NI ISAIAH? PAANO?
Palaisipan sa akin at naguguluhan pa rin ako. Dahil doon ay hindi na naman tuloy ako nakatulog nang maayos. Mabuti na lang at maaga akong nagising dahil sa pagtatalo nina mommy at daddy kaya hindi ako late na pumasok ngayon.
Pag-akyat ko sa hagdan ng building ng Grade 11 ay napahinto ako sa paghakbang. Nakatambay si Isaiah roon kasama ang tropa niya. Naghaharutan sila. Napatigil sila nang mapatingin sa akin ang tropa niya na si Asher. Siniko siya nito para ipaalam ang presensiya ko.
Nang lumingon sa akin si Isaiah ay nabura ang pagakakangisi niya at agad na lumamlam ang kanyang mga mata.
Nang magtama ang aming paningin ni Isaiah ay akma siyang ngingiti sa akin nang pasimple akong nag-iwas ng tingin. Sa gilid ng aking mga mata ay nakita ko ang pagkagulat niya.
Nagpatuloy ako sa paglalakad na ang ekspresyon ng mukha ay normal lang. Nang dumaan ako sa harapan nila ay abot-abot ang pagpapanggap ko na walang pakialam.
"Isaiah, ini-snub ka!" tukso sa kanya na nabosesan kong si Miko. "Shot puno!"
Gusto ko nang makalayo pero marahan ang aking paglalakad. Kahit nagmamadali ay dapat mahinhin pa rin at hindi mawawalan ng poise. Ang kaso, sa dami ng pagkakataon ay tila nang-aasar na ngayon pa umatake ang pagiging lampa ko. Kahit wala namang nakaharang sa daan ay napatid ako!
Namilog na lang ang aking mga mata dahil alam ko na hindi ko na mapipigilan ang nakatakda. At ang sumunod nga na pangyayari ay ang paglagapak ko sa sahig nang padapa.
"Isaiah, gago!" sigaw ni Miko. "Nadapa bebe mo!"
"Damputin mo agad, Isaiah! Pwede pa 'yan, wala pang 5 seconds!"
Ang palad ko ay at noo ay parehong nakalapat sa sahig habang ako ay nakadapa. Kahit hindi ako tumingin sa paligid ay alam ko na maraming nakakita. Hiyang-hiya ako. Hindi ko alam ang gagawin. Ipinapanalangin ko na sana maglaho na lang ako.
May pares ng kulay white na Nike sneakers na huminto sa harapan ko. Kahit hindi ko tingalain ay alam ko na agad kung sino. "Ayos ka lang?"
Inabot niya ang kamay niya sa akin pero hindi ko iyon tinanggap. Mainit ang pisngi sa hiya na mag-isa ako na nag sikap umahon mula sa pagkakadapa. Tinulungan niya ako sa pamamagitan ng paghawak sa aking siko pero tinabig ko siya. Wala naman siyang sinabi pero ramdam ko na nakatingin siya sa aking mukha.
Patayo na ako nang matapakan ko ang aking palda kaya muli akong napaluhod. Ang mga nakakita ay hindi napigilan ang pagtawa. Gusto ko nang maiyak sa kahihiyan pero nagpigil ako.
Itinukod ko ang aking palad sa sahig saka ako tumayo at nang ma-stretched ang aking binti ay nakaramdam ako ng hapdi. Nagitla ako sa isiping nasugatan ang aking mga tuhod.
Gumewang ako at akmang mapapaluhod ulit kung hindi lang may matigas na brasong pumigil sa bewang ko. Para akong nakuryente dahil doon. Napaangat ang aking mukha at nakita ko ang seryosong mukha ni Isaiah.
BINABASA MO ANG
South Boys #3: Serial Charmer
RomanceShe may be beautiful, but she is aware that she's quite the airhead and is pretty dense. As such, Vivi masks her weaknesses behind a snobby and haughty façade. Then she meets Isaiah, who sees through her from the get go, an existence that threatens...