Chapter 21

59.3K 3.1K 1.9K
                                    

NAKAKATANGANG COMEBACK.


Pareho kaming nasa lupa habang nasa gilid namin ang wasak na upuang monobloc. Napaungol si Isaiah dahil nakakalong ako sa kanya. Siya iyong nadadaganan ko sa lupa.


Napasugod naman si Eli sa amin. "Ayos lang kayo?!" Napasabunot siya sa kanyang buhok nang makita ang monobloc. "Yari ako kay Mama!"


Tinulungan akong makatayo ni Isaiah. "Ayos ka lang?"


Nahihiya akong tumango. "Ikaw?"


"Sakit ng pwet ko. Pero ayos lang. Buo pa rin naman."


Nag-iinit ang pisngi ko habang nagpapagpag ng shorts. Hiyang-hiya ako. Ano ba kasi ang pumasok sa isip ko at bigla ko siyang nilundag?


Natawa naman siya sa reaksyon ko. "Iba ka palang maka-miss. Nanlulumpo ka."


Napanguso ako. "Baliw..."


Ang boses ni Eli ang kumuha sa atensyon namin. "Ang saya niyo masyado. Lampas na iyong one hour na bigay ni Kuya Vien!"


Napalayo ako kay Isaiah. Oo nga pala!


Dinampot ni Isaiah ang sombrelo niya na nahulog sa lupa. Pinagpagan niya iyon. "Uwi na rin ako. Magpahinga ka na, Vi."


Sumama si Eli sa paghatid kay Isaiah hanggang sa gate. Ayaw ako nitong payagang mag-isa dahil nga raw sa gabi na. Hindi na tuloy kami nakapag-usap pa ulit ni Isaiah.


Kinamayan niya si Eli. "Pre, salamat. Uwi na ako. Ikaw na muna bahala kay Vivi."


Sumakay na si Isaiah sa motor. Hinagod niya ng mga daliri ang kanyang buhok saka patalikod na isinuot ang sombrelo. Pagkuwan ay nilagay niya na ang helmet sa ulo.


Bago niya i-start ang motor ay tumingin siya sa akin. "Vi, paano ba 'yan? Alis na muna ako."


Mahinay na kumaway ako sa kanya. "Ingat ka..."


Nang wala na si Isaiah ay napahawak ako sa aking pisngi. Napapadyak ako sa lupa habang nangingiti. Kami na ulit. Hindi ako makapaniwala na kami na ulit!


Ayaw ko pang umalis sa gate kung di pa ako itinulak ni Eli. "Uy, wala na si Isaiah!"


"Ano ba?" Nakalabing tinabig ko ang kamay niya. "KJ mo po!" 


Nakasimangot siya sa akin. "Bukas ka na lang ulit sumaya. Hanap ka na ng kuya mo, yari ka kaya tara na!"


Sa loob ng bakuran nila ay nangingiti pa rin ako habang nangangarap sa gabing madilim. Sa sobrang saya ko ay nakalimutan ko na iyong nasira naming upuan ni Isaiah kanina.


Si Eli ang dumampot ng upuan. Bubulong-bulong siya, "Tsk, sinaktan niyo na nga ang puso ko, sinira niyo pa upuan namin."

South Boys #3: Serial CharmerTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon