BAKIT HINDI MO NA AKO BINALIKAN?
Nakasubsob si Isaiah sa balikat ko na ngayon ay basang-basa na ng kanyang luha. "Vi, bakit? Bakit hindi ka na bumalik?" Basag na basag ang boses niya. "Bakit?!"
Tulala ako sa kisame habang ang aking mga luha ay nagsisimula na ring pumatak. Hindi ako makahinga, hindi dahil nasa ibabaw ko siya, kundi dahil sa pagsisikip ng dibdib ko. Nadudurog ang puso ko.
"Sobrang hirap, Vi. Sobrang hirap. Hirap na hirap ako..."
Hanggang sa tuluyan na siyang makatulog sa pag-iyak. Hindi ko siya itinulak paalis sa aking ibabaw kahit gaano pa siya kabigat. Tiniis ko. Hinayaan ko lang siya.
Tahimik akong umiiyak sa ilalim niya. Ang hapdi-hapdi na ng mga mata at lalamunan ko sa pigil na pag-iyak. Impit ang mga hikbi ko dahil ayaw ko na magising siya.
HINDI KO NA MATANDAAN KUNG KAILAN AKO NAKATULOG. Nang magmulat ako ay wala na si Isaiah sa ibabaw ko. Nakatagilid na siya habang nakayakap sa akin. Wala siyang suot na shirt at nakakalas ang sinturon ng kanyang jeans.
Nang gumalaw ako ay humigpit ang pagkakayakap niya sa akin. Saka ko napansin ang isang kamay niya na nasa loob ng aking blouse. Nag-panic agad ako, pero agad ding nakahinga dahil nasa bewang ko lang naman siya nakahawak.
Gayunpaman, nag-aalala pa rin ako. Wala naman sigurong ibang nakapa si Isaiah?
Marahan kong inalis ang braso niya na nakayakap sa akin para hindi siya magising. Bumangon na ako at inayos ang nagusot kong damit dahil sa pagkakahiga. Kinapa ko rin ang hook ng aking bra kung natanggal ba. Hindi naman.
Tumayo na ako at iniwan muna si Isaiah sa sofa. Kapag lasing siya ay gutom na gutom siya pag nagigising, kaya kailangan ko siyang ipaghanda ng makakain.
Pagkatapos maghilamos at magmumog sa banyo ay nakialam na ako sa kusina nina Carlyn. Ang tirang sinaing nila ay lulugawin ko bago mapanis. Lumabas ako para bumili ng sahog sa lugaw. Ang balak ko rin ay bumili ng pandesal sa bakery.
Paglabas ko ng gate ay napatingin agad ako sa malapit na tindahan ni Aling Barbara. Maaga pa lang ay naka-assemble na ang mga tambay na nanay sa harapan. Nakatingin na rin agad sila sa akin na para bang mga kanina pa nakaabang.
"Hala, diyan ka natulog, Vivi?" tanong agad sa akin ni Aling Barbara pagdaan ko. Lumabas pa talaga ito sa tindahan nito.
Kiming ngiti lang ang isagot ko sa ginang. Hindi pa rin naman ako tinantanan nito. Ang mga mata nito ay tila may sinisipat sa bandang leeg ko.
"Vi, kaibigan mo ba 'yang si Carlyn, ha? Kailan pa? Ang akala ko ay hindi ka palakaibigan? Kinakaibigan ka raw ng anak ko na si Barbie noong high school kayo, pero hindi mo raw siya pinapansin!"
"Kaibigan niya si Carlyn?" Sumabat na naman ang isang nanay roon. "Aba'y sabi ni Barbara ay asawa mo iyong naka-motor, di ba? Dang husay ano? Naging kaibigan mo pa ang ex ng asawa mo!"
BINABASA MO ANG
South Boys #3: Serial Charmer
RomanceShe may be beautiful, but she is aware that she's quite the airhead and is pretty dense. As such, Vivi masks her weaknesses behind a snobby and haughty façade. Then she meets Isaiah, who sees through her from the get go, an existence that threatens...