Secret 8

11 2 1
                                    

At dahil bastos daw ako at walang respeto pakatapos kong barahin si Ma'am Guidance, lalo pa tuloy akong naging makasalanan. Binigyan ako ni Ma'am ng 1 week suspension at pinapadala niya sa akin ang isang warning certificate kung saan nakalista doon ang ginawa kong kasalanan at pinapatawag ang magulang ko. Huwag ko raw susubukan na itapon ang nasabing papel dahil kapag hindi raw 'yun nakaabot kay Mama, hindi ko makukuha ang Certificate of Good Moral ko pakagraduate.

Hindi pa oras ng uwian pero pinauwi na ako. Inaamin kong nagpipigil ako ng iyak kasi first time kong mapagalitan sa school. Buti na lang at sinabi ni Grace na matagal na talaga akong binubully ni Tani. At dahil may naging kasalanan pa rin si Tani, may 1 week din siyang community service. Maglilinis siya ng CR sa buong building. Balita ko may warning certificate din siya na pinapatawag ang mga magulang niya.

"Dapat hinayaan mo na lang si Tani. Alam mo naman 'yon 'di ba. May pinagdadaanan din."

Dala ni Tanya ang clearbook ko habang naglalakad kami papunta sa gate. Ipinakita ko na rin sa guard ang gate pass.

"Matanda na siya Tanya. Alam na niya kung ano ang tama at mali. Kung magulo na ang isip niha, sana naman hanggang doon lang. Huwag na niya tayong idadamay."

"Carlo, sana naman nagpigil ka. Hindi na sana umabot pa sa ganito."

Ayoko na rin makipagtalo. Ayoko nang mangatwiran pa sa mga taong kahit kailan hindi ako maiintindihan. Basta 1 week akong liban sa klase. Marami akong makakaligtaan sa klase.

"May payong ka ba?"

Ha?

"Carlo, umaambon na. May payong ka? Baka mabasa ka ng ulan."

At unti-unti na ngang bumuhos ang malakas na ulan. Grrr.

"Oh eto. Payong ko. Gamitin mo muna yan."

Floral na nga, hot pink pa. Naku naman.

"May iba ka pa ba nito? Ang sakit naman sa mata!"

"Huwag ka ngang maarte, 'yan lang meron ako. Gamitin mo na yan."

Wala na akong choice.

Naglakad na ako pauwi. Ingat na ingat ako sa paglalakad dahil baka mabasa ang mga papel sa clearbook ko at baka maputik na ang pantalon ko.

"Oh, bakit napaaga ang uwi mo? At bakit ganyan ang payong mo? Kanino 'yan?"

Inabot ko ang warning certificate ko at alam ko, sermon na ang kasunod nito.

"Ikaw talagang bata ka! Bakit ka nakipagsuntukan, ha? Pinalaki ba kitang basagulero? Ano na lang sasabihin ng Tatay mo dito sa ginawa mo? Nakakahiya ka naman!"

At marami pang sinabi si Mama bago niya pirmahan yung certificate. Next week ang nakasulat na petsa kung kailan daw siya kakausapin ni Ma'am kasama ang mga magulang ni Tani.

"Ano bang makukuha mo sa pakikipagsuntukan sa kaklase mo ha? Paano kung malalang nasugatan yung kasuntukan mo? Kami ng tatay mo ang gagastos sa pagpapagamot noon dahil sa kagaguhan mo! Ano na lang sasabihin ng mga kapitbahay natin? Hay nako!"

Oo na. Ako na ang mali. Sinisigawan na ako ni Mama dahil daw sa "maling" ginawa ko. Bakit ba ganun? Kinukunsinti pa nila si Tani na walang ginawa kundi laitin ako. Yung halos isang taon niyang panunukso hindi man lamang pinapansin pero 'yung isang beses lang na pagsuntok ko sa kanya, hindi nila makakalimutan.

"Yan, isang linggo kang taong bahay! Hindi ka pwedeng pumasok. Tama 'yan! Para pag-isipan mo nang mabuti at pagsisihan ang kalokohang ginawa mo!"

Umakyat nalang ako sa kwarto matapos ang sermon ni Mama. Tumahimik na lang siya nang mapansin niyang hindi ako kumikibo. Nahiga nalang ako sa kama na hindi pa nagbibihis at doon na inilabas ang sama ng loob. Sa unang pagkakataon, napaiyak ako dahil wala man lang nakiramdam sa akin kung ano ba ang nasa isip ko bago ko suntukin si Tani. Hindi kasi nila alam kung ano ang damdamin ng mga nabubully. Kaya hindi nila ako maintindihan. Palibhasa sila yung nampipikon at nambabastos ng iba kaya wala lang sa kanila yung damdamin ng nasasaktan. Aminado akong di kagwapuhan ang itsura ko pero huwag naman sanang ipagduldulan pa. Tao din naman ako. At may damdamin din.

ConfessionsTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon