Secret 27

20 2 0
                                    

"Hoy Tanya. Ano ka ba naman? Kaya mo ba binigay sa akin 'tong payong para magpaulan? Tumayo ka nga diyan. Bakit ka ba umiiyak?"

Tumayo naman siya at sobrang pula na ng mga mata niya. Grabe pa rin ang iyak niya. Ano bang nangyayari sa kanya? Bakit ba siya nagkakaganito? Hindi siya nagsasalita. Nakatingin lang siya ng matalim sa akin.

"Hoy tinatanong kita. Ano bang problema mo?"

Kinuha niya sa akin 'yung payong, sinara at tinapon sa damuhan. Galit na galit ata siya. Kanina okay pa naman siya ah.

"Bakit mo tinapon 'yung payong, mababasa ako!"

"Yan ang problema sayo! Masyado kang selfish!"

Dinuro niya ako. Nakakabigla. Hindi ko inaasahan na ganito ang galit niya sa akin. Ano bang ginawa ko sa kanya? Hindi ko naman siya inaano ah. At wala akong natatandaan na sinaktan ko siya o kung ano man.

"Napakamanhid mo, napakaselfish, at sobrang PAASA!"

"Teka lang ha. Hindi kita maintindihan..."

"Kailanman hindi mo maiintindihan na matagal na kitang mahal!"

Mas nabigla ako sa sinabi niya. Eh all this time, tinutulungan niya akong mapalapit kay Nicole. Tapos sasabihin niya sa akin na mahal niya ako? Ang gulo niya din eh noh.

"Ang hirap maging tulay. Ang hirap makitang masaya ang mahal mo na nakatingin sa iba. Ang sakit isipin na wala akong karapatan magselos, maghinanakit at magreklamo kasi all this time, puros ka Nicole, Nicole, NICOLE!"

Unti-unti na akong nababasa ng ulan. Nakita kong kalat na ang make-up niya. Halos mawalan na siya ng hininga kakaiyak. Gusto ko siyang bigyan ng panyo. Pero galit siya sa akin. Ako ang dahilan ng sama ng loob niya.

"Alam ko, sa simula pa lang, talo na ako. Pero umasa ako na sana ako na lang. Sana ako na lang ang laman ng 'scrapbook' mo, ng isip mo, ng puso mo. Lagi akong nandito para sayo, tagakain ng tira mo, tagatago ng sikreto mo at tagapagtanggol kay Tani. Pero hindi mo naiisip na ginagawa ko yun dahil may nararamdaman ako sa'yo. Masyado kang tanga! Gago! Bulag!"

Pinagsusuntok niya ako sa dibdib at sa mukha hanggang sa mawalan na siya ng lakas. Naaawa ako sa kanya. Mas matindi 'yung paglilihim na ginawa niya.

"Akala ko talaga, nung binigyan mo ako ng ice cream sa harap ng mga kaklase namin, binigyan ng panyo nung natalo tayo sa play, sumakay ng ferris wheel, first dance sa prom, pinatuloy sa bahay n'yo at pinakilala sa Mama mo, nagbakasakali akong pwede pa talaga ako para sayo, hangga't hindi mo pa nasasabi kay Nicole. Pero nagkamali ako. Ang lakas ng loob kong umasa. At ang pinakamasakit, sana ako na lang si Nicole. Para noong inamin mo sa akin ang lahat, handa akong ibigay ang lahat para sayo. Para masuklian lahat ng paghihirap at paglilihim mo."

Naupo kami sa bench. Nagpapadyak siya ng kanyang mga paa na parang bata na nawalan ng kendi. Hindi ko inaasahan na may babaeng nagmamahal sa akin habang busy akong nakatingala kay Nicole.

"Tanya, ano bang gusto mong gawin ko? Na maging tayo na lang?"

"Hindi."

Tumayo siya dahilan para tumayo na rin ako. Malakas pa rin ang ulan at baha na rin ang kalsada. Tumingin siya sa akin at hinalikan ako. Matagal. At doon ko naramdaman ang lahat ng sakit at pagmamahal niya. Na hindi ko kayang masuklian.

"Ayokong masira ang efforts ko. Pinagtulakan kita kay Nicole para makita kitang masaya. Doon ka sa taong magpapasaya sayo. At hindi ako 'yon."

Kinuha niya sa damuhan yung payong na itinapon niya. Hindi na rin siya umiiyak. Napagod na ata siya. Tumitila na rin ang ulan. Katulad ng pag-iyak ni Tanya.

"Nga pala, sorry. Nagsinungaling ako sayo. Tinanong mo ako kung ano ang favorite color ni Nicole, at marami pang iba. Sa totoo lang, favorite colors ko 'yun. 'Yung mga nailagay mo sa scrapbook. Inaamin ko, inlove na ako sa'yo nun. Kahit 'yung kiss in the rain, akin 'yun. 'Yun ang ideal first kiss ko. Ginawa ko 'yun. Kasi...wala, mahal kita eh."

Napangiti na lang siya at nagbabye sa akin hanggang sa hindi na siya maabot ng liwanag ng. Naglakad na siya papuntang school at iniwan ako. Uuwi na rin ako. Maglalakad pauwi.

"HOY! IKAW! BAKIT KA NAGPAULAN?!"

Nakita ko si Mama na may dalang payong. Siguro susunduin niya ako. Paglapit niya, hinawakan niya ang tenga ko at araaaaaay, pinikot niya.

"Sabi mo kase, umuwi bago mag10. Eh wala akong payong. Sumugod na ako."

"Sana hinintay mo nalang ako! Ako na naman maglalaba niyang damit mo! Hindi mo ba alam na ang hirap niyan labhan?"

At marami pang sinabi si Mama na hindi ko na naintindihan. Basta ang alam ko, nagagalit siya na nagpaulan ako kasi siya ang maglalaba ng mga damit ko. Ganun. At pagkatapos ng sermon niya, nagkwento na siya nung napanood niyang teleserye. Para siyang TV na lumipat ng channel.

"Nakakaiyak ' yung katapusan. Alam mo 'yon, akala ko talaga hindi na sila magkakabalikan. Niloko niya tapos babalikan niya lang? Tapos tinanggap niya pa? Hay nakoooo!"

Nakarating kami sa bahay na ganun ang usapan. Naligo ako ulit at dahil inis sa akin si Mama, binigyan ko siya ng kendi na nasa bulsa ko para matuwa naman siya. Sabi niya, labhan ko raw yung basa kong damit. Naglaba ako at pumanhik na sa kwarto. Kinuha ko kaagad yung scrapbook ko. Naalala ko yung sabi ni Tanya na favorite colors niya pala ang nandito. At marami pang iba. Pero kahit na ganun, hindi ko na papalitan. Nandito na eh. Ilalagay ko nalang dito yung mga nangyari ngayong gabi.

Sa kauna-unahang pagkakataon, naglagay ako ng iba pang mga bagay bukod sa nararamdaman ko para kay Nicole. Sinulat ko ang mga nararamdaman ko tungkol sa mga bago kong kaibigan. Si Tani, 'yung taong kayang isantabi ang nakaraan para magbago at pinaghihirapan ang mga bagay na gusto niyang makuha. Si Tanya naman, kahit kalog, sensitive naman ang damdamin. May kahinaan pa rin, at pinapakita sa amin na tao pa rin siya, na nagagalit, naiinis, umiiyak at tumatawa.

Ubos na. Wala nang blangkong pahina na pwede pang sulatan. Tapos na rin ang love story ko. Sinulatan ko na ng THE END ang huling pahina. Pinagkasya ko ang lahat ng gusto kong sabihin. Pwede na kong magpahinga.

Good night.

ConfessionsTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon