Secret 19

13 2 0
                                    

"Talaga po? Ano po ba sinasabi niya tungkol sa akin?"

Baka naman mga negatibong komento. Baka sabihin niyang hindi ko inaalagaan mukha ko kasi marami akong tighiyawat. Baka naman sabihin niyang wala akong perang pampagupit kasi makapal na ang kulot kong buhok. Baka sabihin niyang--

"Magaling ka raw magluto. Mas magaling ka raw talaga kaysa sa kanya. Mabait ka rin daw na kaibigan kasi lagi mong sinasamahan si Tanya. Mahilig ka raw sa bata kasi gustong-gusto ka ni Carina at nakalimutan ko na 'yung iba. Basta lahat papuri."

Ay. Talaga. Nakakaflatter naman. Ganoon ba talaga ako?

"Sabi ko, oo, mabait na bata talaga si Carlo. Magiging maganda kinabukasan nun. Kaya magtino ka ha? Balita ko pa naman may scholarship ka na para sa kolehiyo. Walang limutan ha?"

Nako naman. Sigurado akong si Mama na naman ang nagpakalat ng chismis na 'to.

"Hindi ko po kayo makakalimutan. Si Carina po?"

"Ay, ipinasok ko na siya sa daycare d'yan sa barangay hall. Nag-aaral na siya."

Ay kaya pala walang makulit dito. Sabi ni Nay Lisa, hapon ang pasok niya kaya sa susunod, susubukan ko siyang sunduin para naman may kasabay ako sa paglalakad pauwi. Pero baka maunahan na rin ako ni Nicole kaya next time na lang siguro.

Pagdating ko ng bahay, naabutan ko si Mama na kausap si Papa sa telepono. Inayos ko muna 'yung container na ginagawan ko ng ice cream at nagsimulang maghalo ulit ng mga ingredients para palamigin magdamag.

"Castor ha. Wala kang babae d'yan."

Nakaloudspeaker pa ang telepono kaya rinig na rinig ko ang pag-uusap nila.

"Ikaw lang ang babae ko. Ikaw ang nag-iisang Mathilda ng buhay ko."

"Baka naman kasi may iba pang pangalan d'yan."

"Ano ka ba naman. Wala talaga. Trabaho lang ang ginagawa ko dito."

"Talaga?"

"Oo. Kahit magpakasal ako sayo ng paulit-ulit at kahit saang simbahan pa."

"I love you."

"I love you too."

Pwe. Yaks.

"Ay anak, tumawag dito 'yung principal ng school niyo. Akala ko nga may ginawa ka na namang kalokohan eh. Sabi niya, ayusin mo na raw 'yung requirements mo doon sa culinary school na papasukan mo. Isubmit mo na raw online."

Ah oo. May nakalagay doon sa application form na ipasa raw bago magSeptember. Halos makalimutan ko na sa dami ng ginagawa ko. Kailangan ko raw magsubmit ng GMC, TOR, Form-137, 5pcs na 2x2 picture, medical certificate, at marami pang iba. Bukod sa madaming requirements, aasikasuhin ko din ang mga mahahalagang dokumento para maagang makapagpaenroll.

Buti naman at may gagawin na ako. Busy silang lahat kaya ito nalang aasikasuhin ko. Mamimiss ko sila pagpasok ko sa kolehiyo.

************************************************************
Maaga kaming dinismiss sa klase kaya sinulit na ng mga tutors ang time para turuan ang mga classmates namin. Ang mga average students naman, free to go na. Yung iba, naglakwatsa, yung iba tumambay muna sa school, pero yung iba, umuwi na. Ako naman, pumunta muna sa Administration building para asikasuhin ang mga school records at mabilis naman akong nakatapos. Naalala ko si Carina kaya susunduin ko siya. Tutal, nadadaanan ko naman pauwi ang barangay hall. Baka kasi late nang makauwi si Nicole.

"Kuya Carloo!"

Tumakbo papunta sa akin si Carina. Saktong pauwi na din sila at nag-aayos kaya pwede ko na siyang sunduin.

"Kumusta ang school?"

"Maganda! Parang ako!"

HAHAHA. Oo na lang.

"May drawing ako Kuya Carlo oh. Tingnan mo."

May drawing siyang bahay at puno sa tabi. May mga stick figures ng tatlong tao. Yung isa matangkad at mahaba ang buhok at yung isa, matangkad lang. May maliit din na tao sa gitna nung dalawa.

"Ikaw ito. Ito naman si Ate Nicole. Tapos ako naman tong baby. Ang ganda di ba? Di ba Kuya?"

Hehehe. Ang cute naman kahit hindi masyadong straight ang mga linya, medyo sabog yung kulay pero masayang tingnan. Sobrang saya. Parang gusto kong idikit sa ref namin.

"Ang ganda naman. Ang galing mo pala magdrawing."

"Opo! Tinuruan ako ni Ate Tanya!"

Close rin pala talaga si Tanya at si Carina. Kaya pala pagtingin ko sa mga booklet niya, puros drawing lang. Mga tao, nilagyan niya ng Nanay, yung isa, Tanya, yung isa naman...Tani? Kilala niya rin si Tani?

"Carina, kilala mo si Kuya Tani?"

"Opo. Hinahatid niya si Ate Nicole pauwi. Tapos naglalaro kami."

Hala. Hinahatid? Hindi ko alam 'yun ah. Ano nang ibig sabihin nito? Napag-iiwanan na ba ako? Bakit ba wala man lamang sinasabi sa akin si Tanya? Bakit ganun?

Pag-uwi ko ng bahay, hindi ako mapakali. Ako nga isang beses ko lang nahatid si Nicole pero si Tani pala, nakailang beses na. Wala na ba akong pag-asa? Magiging sila na ba? Magpaparaya na ba ako?

Maliit na bagay lang ang simpleng paghatid sa kanya sa bahay pero kung aaraw-arawin, may mabubuong ugnayan. Ngayon ko lang narealize na hindi masaya maging torpe. Hindi advantage ang torpe. Parang sumpa na unti-unti akong pinapatay kapag umamin ako.

At naglagay ako ng drawing na naglalakad daw si Tani at Nicole na magkasama. Nakakalungkot. Isa na ata 'to sa mga nakakainis na pangyayaring naisulat ko sa notebook na ito.

Mabuti nga at mabenta pa rin ang ice cream ko kahit hindi ako masaya. Iniipon ko sa isang piggybank ang mga perang napagbentahan ko. Busy din ako sa mga requirements na kinakailangan kong tapusin kaagad kaya wala akong masyadong bakanteng oras para magtampo. Pumila ako sa NSO, nagfill-up ng mga forms, dumaan sa mga exams at interview, nagpadrug test, at marami pang iba. Halos mastress ako kasi malapit na rin ang exams at wala akong gaanong pahinga.

Campuswide ang exams namin kapag periodicals. Well, lahat naman ng school ganun pero iba ang sa amin. Lahat kami sa school auditorium nag-eexam at marami ang nagbabantay na examiners. Yun daw ay para maiwasan ang mga mandaraya at mabantayan ang lahat kaya sa isang open area ang venue. Sobra ang gap ng mga upuan at halos walang maririnig na ingay kapag nag-eexams. Buong araw din ito. Walang recess. Lunch break lang. Mas maaga din kaysa sa regular na pasukan. Dapat 6:45 pa lang ng umaga, nasa school na para mabigyan ng seat number at walang gaanong pila at saktong 7am magssimula.

Nang matapos ang madugong exams, masayang-masaya ang lahat. Pero mas masaya ako kasi natapos ko na ang lahat ng requirements, naisubmit ko na rin at 'yun nga, tapos na ang paghihirap. Parang gusto kong magbunyi, kaso malungkot pa rin ako.

"Kumusta ang exams mahal? Nahirapan ka ba?"

Ano daw? Mahal? Hala. Sila na ba? Bakit ba parang huling-huli ako sa balita?

"Ewan ko. Basta ginawa ko lang ang best ko."

Parang nabiyak ang dibdib ko. Nasan na ba kasi si Tanya? Makikibalita ako.

Nakita ko siyang tumatambay sa school garden. Nagpapahangin siguro. Nasa damuhan siya at binubunot ang mga clovers isa-isa.

"Tanya, sila na ba?"

"Sino?"

"Sino pa? Naku naman Tanya, wala na ata akong pag-asa eh."

"Masyado ka namang nega. Kung sila na, maghihiwalay din sila noh."

"IBIG MO BANG SABIHIN, TOTOONG SILA NA?"

Hala. Paano na ako?

ConfessionsTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon