"Kaklase n'yo ba yung Tani?"
Ay. Paano niya nakilala si Tani? Baka naman pati si Nanay Lisa nililigawan niya na rin. Namamanhikan na ba siya?
"Opo. Kaklase ho namin."
"Nagkita kami kanina. Sabi niya, gusto niya raw ligawan ang anak ko."
Walangya. Talagang hindi titigil hangga't hindi nakukuha ang gusto. Huwag niya naman sanang idadamay sa kalokohan niya si Nay Lisa.
"Ano ho bang sabi sainyo?"
"Ang sabi niya, bilang isang tapat na manliligaw, siya na raw mismo ang haharap sa akin. Nagpapaalam siya na kung pwede raw, liligawan niya si Nicole. Para daw kung sakaling sagutin siya ni Nicole, wala daw problema sa akin at legal daw sila."
Matagal na siyang nanliligaw pero ngayon pa lang nagpapaalam.
"Ang alam ko po, ayaw sa kanya ni Nicole."
"Talaga?"
"Opo. Lagi siyang tinatanggihan ni Nicole. Ang kulit niya nga po eh."
"Hindi ko gusto ang mga lalaking masyadong antipatiko. Masyado din siyang mahangin magsalita. Parang bolero. Naku, ang anak ko nga hindi pa nakakaisip magkaboyfriend. Pero siyempre, kung sino ang gusto ng anak ko, tatanggapin ko. Marunong naman sigurong pumili ng lalaki si Nicole eh."
"Pumayag ho ba kayo?"
"Hindi. Ang sabi ko lang sa kanya, magtapos muna siya bago manligaw sa anak ko. Kahit pa sa unang tingin hindi ko siya nagustuhan, wala naman akong nasabing masama sa kanya. Ayaw kong saktan yung bata. Mukha pa naman siyang determinado na makuha ang loob ng anak ko."
Nagbaon ako ng ulam pag-uwi para pasalubong ko kay Mama. Pagod na kasi ako para magluto pa ng hapunan. Pagdating ko sa bahay, kumain na raw siya sa labas kaya ako na lang kumain mag-isa. Naghilamos na rin ako at nahiga sa kama. At dahil may mahalagang nangyari sa akin ngayong araw, isusulat ko na naman ang mga nalaman ko:
Masaya akong nakausap si Nicole kahit boring siyang kausap. Siguro, hindi siya magiging maingay na asawa kapag nasa iisang bahay na kami. Nahihiya man siya o hindi, ang kabuuan niya bilang isang babae, ay lubos kong nirerespeto.
Naalala ko yung kwento ni Nay Lisa tungkol kay Tani. Alam ko masyado nang maswerte si Nicole. Iilan na lang ang mga lalaki ngayon ang talagang maghahabol sa babaeng mahal nila kahit pa ipagtulakan sila nito. Isa si Tani sa mga lalaking ganun. Pero ewan ko. Siguro kung meron pang mas maganda kay Nicole sa batch namin, baka ligawan niya rin. Pero mahigit isang taon na, marami na rin kaming nakilalang mga babae na pwede na ring masabing kasingganda ni Nicole na pwede o kaya available din kaya lang, si Nicole talaga ang gusto niya. Sigurado na talaga ata si Tani kay Nicolr, at hindi basta basta matatanggal 'yun.
Hanga rin naman ako kay Tani. Kung pagdating sa katatagan ng damdamin, may laban ako. Pero 'yung paulit-ulit na mabasted, bumangon at sumubok ulit, bilib ako kay Tani. Grabe yung paglunok niya ng pride niya para lang makarinig ng oo. Ako nga hindi ko pa rin masabi kay Nicole ang nararamdaman ko pero siya, halos araw-araw niyang ipinapaabot kay Nicole na hindi siya susuko.
************************************************************
Dumating na nga ang araw ng paghuhukom. Excited na ang lahat. Inaayusan na ng mga make-up artists si Nicole at ang ibang mga gaganap sa klase namin. Kaming mga props men, busy na kami sa pagccheck ng mga kinakailangan sa stage. Takbo dito, takbo doon ang ginagawa namin. Dapat bago magsimula ang program, nakahanda na ang lahat."Ayoko Grace. Ayoko talaga. Ayoko niyan. Huwag."
"Tani naman eh. Ang putla mong tingnan sa stage kung wala kang make-up. Dapat malagyan ka ng kahit konti."
"Huwag naman 'yung pink na lipstick oh. Masyadong matingkad ang kulay."
"Ano ka ba. Sige na kasi. Sayang oras oh. Bilisan mo na. Huwag ka nang magreklamo."
Ang arte. Si Nicole naman, inaayusan na rin ng iba naming mga kaklase. Nang matapos na, nagbihis na siya ng outfit niya na pang prinsesa at wow, halos hindi na matanggal ang paningin ko sa kanya. Mas lalo siyang gumanda.
Nakasuot siya ng matingkad na yellow at silk na damit. May mga makikinang na bato at palamuti sa bestida na iyon na nakapagpaganda sa kabuuan ng suot. Nilagyan rin siya ng korona sa ulo, kwintas at bracelet na puno ng mga pekeng diyamante. Pinasuot rin siya ng heels kaso hindi niya mabalanse ang sarili niya kaya huwag na lang raw ipasuot. Paulit-ulit naman siyang kinunan ng larawan ni Tani habang naghihintay na magsimula ang patimpalak.
"Nicole, sana naman, pumayag ka na kahit ngayon lang."
"Ano na naman bang kalokohan 'yan Tani?"
Ang cute niya tingnan lalo na kapag nagsusungit siya kay Tani. Parang nagbubukas ang langit kapag nakikita ko ang eksena nilang dalawa na tumatanggi si Nicole. Ibig sabihin kasi, biyaya sa akin na basted na naman si Tani.
"Magpapicture naman tayo together oh. Memories lang."
"Ayokong gumawa ng memories na kasama ka."
Nag-ouch naman ang mga kaklase namin. Grabe, kung ako siguro masasaktan sa sinabi niyang 'yon.
"Sige na. Ngayon lang naman eh."
Nag-agree naman ang buong klase kay Tani na matagal nang sumusubaybay sa loveteam nila. Parang naaawa na rin sila kay Tani.
"Papayag na yan! Pagbigyan mo na Nicole. Kawawa naman 'yung tao."
At makaraan ang ilang pagpipilit, sa wakas, umoo na rin si Nicole. Basta sa picture lang, wala ng iba. Nagtitili na naman ang buong klase sa nasaksihan.
Naging maganda naman ang output ng klase namin sa play. Hindi naman kami napahiya. Okay naman, umaasa kaming lahat na mananalo ang pinagpaguran namin. Todo ang effort namin kaya sana masuklian naman. Masuklian ng mas mabigat na paghahanda para sa susunod na DSCT.
Sa kasamaang palad, hindi kami nanalo. Nakakaiyak. Pero kahit papaano, may minor award kaming nakuha. Best in costume. 'Yun lang. Parang naawa lang sa amin ang mga judges. Mga first years ang nagchampion. Nakakahiya kasi tinalo pa kami ng mga mas bata pa sa amin. Pero kahit na ganun ang resulta, masaya kami para sa kanila. Nagsisimula pa lang sila sa buhay high school, may karangalan na agad sila.
"Nakakainis naman, biruin mo, ito lang nakuha natin? Mas maganda kaya 'yung atin."
Na kay Tanya yung certificate ng napanalunan namin. Masama pa rin ang loob niya. Nasa school garden kami lahat, nagtatanggal ng inis.
"Okay lang 'yan. Ginawa pa rin naman natin best natin 'di ba."
Naririnig kong kinocomfort siya ni Nicole. Medyo maluha-luha na talaga kasi si Tanya. Siguro talaga nag-expect siya ng sobra sobra na mananalo kami.
Umuwi na rin kaming lahat pagkatapos ng malungkot na experience. First time kong makita si Tanya na malungkot.
"Ang ayaw ko sa lahat yung napupunta sa wala ang mga efforts ko. Mapride na kung mapride pero binuhos mo lahat para doon hindi ba? Deserve natin 'yun. Magagaling tayo. Pero yung...makuha ang last place? Parang wala tayong binatbat."
Hinayaan ko lang siyang umiyak habang naghihintay sa sundo niya. Gusto ko na ring umuwi kaso hindi naman pwedeng iwan ko siyang umiiyak. Baka may makakita pa sa kanya sabihin hindi sports.
"Panyo oh."
"Wala ka bang tissue lang?"
"Oy demanding ka ah. Inaabutan ka na nga ng panyo maghahanap ka pa ng tissue."
"Eh lalabhan ko pa yan kapag ibinalik ko sayo."
"Kahit huwag mo nang ibalik. Marami kami nito sa bahay."
At kinuha niya na nga yung panyo. Kaya pala tissue ang hinahanap kasi sisingahan niya. Natigil na rin siya sa pag-iyak at nag-ayos ng sarili. Siguro naman okay na siya. Para makauwi na rin ako.
"Uhm Carlo?"
"Oh bakit?"
"Pwede bang...uhmm...wag na nga lang."
"Ano?"
