Ang ganda. SOBRA. Hindi ko ineexpect na ganito kaganda ang venue. 'Yung stage ay may mga malalaking lollipops at mistletoes na may bright pink at green na mga kulay. May mga cute at nakangiting mga humpty dumpties din sa tabi ng mga lollipops at punung-puno ng mga makukulay na balloons ang buong sahig. May mga nakabitin na mga piñata sa kisame at may mga paru-paro rin sa maaliwalas na paligid. May mga bubbles din na nagpapaganda sa ambiance ng wonderland at ang mga ilaw naman ay papalit-palit ang kulay mula sa lila, hanggang sa maging asul, berde, at marami pang iba. Ang mga guro naman namin ay nakasuot ng mga fairy costumes na parang mga fairy godmothers. Agaw-pansin din ang 'gingerbread house' at napakalaking chocolate fountain na nasa stage.
"Carlo. Hi. Looking good huh."
Binati naman ako ni Tani na nakasuot ng Peter Pan na costume. Huh. Mas disente akong tingnan sa kanya. Parang mga tinahing dahon lang ang suot niya eh. Pero kahit na ganun lang ang suot niya, matikas pa rin siyang tingnan at lubos na mas gwapo kaysa sa akin. Haaaaay.
"Salamat Pare. Si Nicole?"
"Wala pa. Wala pa ang Wendy ko."
Eh di ikaw na ang may partner.
"Eh si Tanya, nakita mo ba?"
"Wala pa rin. Halos iilan pa lang ang mga babaeng nandito. Tiyak na pabonggahan na naman ang mga babae kaya ang tatagal nila mag-ayos. Tara, magsnack muna tayo."
Dinala niya ako sa left side ng atrium kung saan nakadisplay yung house of candies. May isang table doon na puno ng mga iba't ibang klase ng mga chocolates. May mga stick-o at pretzels din sa tabi ng chocolate fountain. May mga bubblegums at jellybeans din, biscuits at cookies, caramels, at may cute na milk fountain din. Nakadagdag pa sa magandang pastry service yung mga waiters na nakasuot ng clown na costume. Hindi na nila kailangan ngumiti dahil nakakagood vibes talaga ang ganda ng venue.
Kumuha ako ng bread sticks at dumako sa chocolate fountain. Binigyan naman ako ng clown-- este ng waiter ng lalagyan para hindi ko matapon sa sahig ang mga tulo ng chocolate. Si Tani naman, kumuha ng kaunting cotton candy.
"Alam mo Carlo, pakiramdam ko, more than friends na kami."
"Hindi ko naman tinatanong kung kumusta kayo."
"Ang bitter mo namang kaibigan. At least inuupdate kita "di ba. Huwag ka namang ganyan."
Okay.
Unti-unti nang nagsidatingan ang ibang mga estudyante. Halatang pinaghandaan talaga nila ang gabing ito. May mga Disney Princesses ang outfit katulad ni Cinderella at Snow White, yung iba naman, Hansel and Gretel, Thumbelina, at marami pang iba. Pero wala pa rin si Tanya at si Nicole. Nasan na kaya sila?
"Sayang naman. Wala akong nakitang Ariel. Ang ganda pa naman ni Little Mermaid tapos walang gumaya sa kanya."
"Ano ka ba naman Tani, ang hirap kaya magsuot ng ganun. School activity pa rin ' to no.'
Quarter to 8 na at nagbibigay na ng last minute instructions si Ma'am at wala pa rin sila. Inip na inip na rin si Tani. Wala pa raw si Wendy niya. Ako naman naeexcite lang sa kung ano ang suot nilang dalawa at natagalan sila. Pinapila na rin kami ni Ma'am ng maayos para sa grand entrance namin sa stage. Si Tani naman, nasa unahan. Siya kasi ang Mr. Wisdom. Huwag daw munang magsimula na wala pa 'yung iba.
Maya-maya, dumating na sila Tanya at Nicole. Nakasuot ng Tinkerbell si Tanya at Wendy naman si Nicole. Pero grabe, kahit simpleng pantulog lang ang suot ni Nicole na pangWendy, may dating pa rin. Kaso nga lang, nakasimangot siya at halatang inis na inis.
"Ayaw ko talaga Tanya eh. Iuwi mo na lang ako oh. Nakakahiya talaga."
"Wag ka ngang KJ. Andito na tayo oh."
At nagsimula na ang program. Isa-isa kaming nagmartsa papunta sa upuan namin tapos may mga speeches na naganap mula sa mga personalities, yung pagpasa ng torch tapos ng key of responsibility at pagkanta ng batch song. Sumunod na 'yung napakagandang production number namin.
Nagpalakpakan ang mga nanunuod sa amin nang matapos ang aming performance. Natuwa ang mga teachers sa amin at sa 'di inaasahang pagkakataon, nagperform din ng ang mga faculty members at school administrators. Kaya pala lahat sila nakafairy costumes. Alam mo ba yung kantang "Barbie Girl"? 'Yun ang sinayaw nila. Ang cute nilang tingnan. Mas natuwa kami sa napakaganda nilang dance number.
Pagkatapos ng masayang program, inannounce 'yung king and queen of the night. Juniors yung nanalo. Yung babae nakaBarbie na costume at yung lalaki naman, Rumplestiltskin ang attire. Pagkatapos, nagdinner na kami at simula na ng sayawan. Tuwang-tuwa ang mga estudyante dahil nagpalit sa disco lights 'yung ilaw ng buong atrium. Parang nagkagulo 'yung lugar nang magpatugtog ng mga party music. Nagsayawan kaagad silang lahat. Pero kinalabit muna ako ni Tanya.
"Kumusta? Ang gwapo mo ngayon ah."
"Madilim eh."
"Hindi kaya. Bagay talaga sa'yo 'yang suot mo."
"Kumusta na si Nicole?"
"Ayun, galit pa rin sa akin. Ayaw niya raw sana mag-attend kasi wala raw siyang isusuot. Para mapilit ko, pinahiram ko na saka ko inaya. Kaya kami nalate kasi nag-away pa kami niyan mapapunta ko lang dito."
"Baka nahihiya."
"Siguro."
"Ang ganda mo ngayon ah."
"Salamat. Sana ganito na lang suot ko lagi. Para maganda ako."
Umalis muna si Tanya at sinamahan si Nicole. Medyo okay na rin si Nicole, hindi na mukhang inis. Nagsasayawan pa rin ang mga estudyante, yung iba, masyado nang wild. Kahit si Tani nakikisayaw na rin sa kanila, at pinapasali ang mga teachers namin na sumayaw din.
Nang ipatugtog ang sweet na music, nagsialisan kaagad sa dance floor yung mga estudyante. Inaalok na ng mga lalaki yung mga nakaupong mga babae para maisayaw. 'Yung principal naman namin may dalang ruler at nagccheck ng distansya ng mga couple na nagssayaw. Huwag daw masyadong malapit, at pinapalo niya talaga 'yung mga braso nila kapag sila'y masyadong malapit. Nakita ko si Tani na inaalok si Nicole. At parang pinipilit pa talaga ni Tani na pumayag na si Nicole kaya in the end, nagsayaw na sila. Lumapit na uli sa akin si Tanya na dala yung camera ni Tani.
"Oh, kunan mo raw sila."
"Nang-iinsulto ba siya? Ayoko."
"Sige na. Pagbigyan mo na 'yang kaibigan mo."
Tumayo na ako para kunan sila ng litrato. Kinakabahan na ako kasi naalala ko yung plano kong pag-amin. Tumingin silang dalawa sa akin at sabay na napangiti sa camera. Halos mabitawan ko na yung camera kasi...ang sakit tingnan. Ang sakit sa mata.
"Okay na."
"Salamat Carlo!"
Ipinahawak ko na kay Tanya yung camera at bumalik sa upuan ko.
"Carlo, okay ka lang ba?"