Secret 1

81 3 2
                                    

Secretary.
Tagasulat sa board.
Utusan ng teacher.

Maganda raw kasi ang sulat ko kaya gusto ako ng mga guro ko. Magkadikit man o hindi ang bawat letra, pantay rin daw ang bawat linya. Pero hindi ako sipsip, sila ang may kailangan sa akin.

Nerd.
Tambay sa library.

Ayoko sa classroom, masyadong magulo at maraming pasaway. Ayoko din sa canteen, masyadong maingay. Buti pa sa silid-aklatan, tahimik at hindi matao. Kaya kung may naghahanap sa akin, pumunta lang sila ng doon, makikita nila ako kaagad.

Pikon.
Binubully.
Biktima ng mga pasaway.

Simple lang ako sa klase. Hindi ako gwapo. Pero hindi naman ako pangit. Tama lang. Pero tampulan ako ng tukso kapag walang madiskitahan ang mga pasaway. May mga pimples ako sa mukha, kulot ang makapal kong buhok at medyo maitim ang kutis ko kaya lagi akong nilalait.

Humanda sila kapag kuminis ako. Hindi man ngayon, hindi man bukas, ay basta darating rin ang araw na iyon kaya humanda sila. Haha.

************************************************************

"Hoy pangit. Pakopya nga."

Kita mo na? Mangongopya nalang, manglalait pa.

"Ano ka ba naman. First honor walang assignment. Ayoko nga. Sa iba na lang."

Siya si Tani. Pinakamatalino sa batch namin. Siya kasi ang first honor namin last school year pero ngayon parang nagpapabaya na sa klase.

"Wala akong pakialam. Akin na nga yan. Masungit na nga, kuripot pa."

At tuluyan na nga niyang hinablot ang iniingatan kong notebook. Mataman ko siyang binabantayan habang busy siya sa pangongopya. Maya-maya, lumapit na sa kanya ang iba naming kaklase at nakikopya na rin. Maluha-luha kong pinagmamasdan ang pagpasa-pasahan nila ng notebook ko at unti-unting pagkagusot ng pinagpuyatan kong homework.

Nang biglang dumating si Ma'am, dali-dali silang nagsibalik sa kanilang mga upuan at tinapon sa akin ni Tani ang kwaderno ko, sabay nguso ng 'salamat'.

Sa totoo lang, hindi ko gustong makinig sa klase lalo na kung nakakaantok magturo ang guro. Umagang-umaga, history kaagad ang unang subject namin. At si Ma'am naman, parang tinatamad din magturo. Nakaupo lang siya habang nagbabasa ng libro at nagpapaliwanag ng kaunti. At dahil sa hulihan ako nakaupo, pwede akong matulog. Kaso hindi pwede, may hinihintay ako.

"Miss Avila! You're late again! How many times do I need to tell you that I hate latecomers?!"

Andito na siya. Sa wakas.

"Sorry po Ma'am. Pasensya na po talaga."

Siya si Nicole, ang crush ko. Maganda, matangkad at maputi. Halos lahat naman ng mga lalaki sa klase may pagtingin sa kanya. Pero mas maswerte ako sa kanila kasi katabi ko siya.

Araw-araw, nahuhuli siya sa pagpasok. Paano, may karenderya sila sa kanto malapit sa bahay namin. Tumutulong siya sa Nanay niya sa pagluluto at pagbubukas ng kainan nila. Minsan, pag mahina ang kita, maaga siyang bumabangon para maglako ng pandesal. Kapag gabi naman, nagttinda siya ng balot at chicharon. Para sa akin, wife material siya.

Sa kasalukuyan, palihim akong nakangiti. Ganito ako araw-araw. Pero dahil magaling ako magtago, hindi nila alam na patay na patay ako kay Nicole.

Hindi ito katulad ng mga love story na sobrang perpekto ng mga karakter na bukod sa magandang itsura ay nabiyayaan din ng talino. Maganda nga at masipag si Nicole ngunit hindi masyadong okay ang performance niya sa school. Mataas na ang 79 sa report card niya. Mababa din ang mga quizzes niya at bihira din magrecite. Siguro dahil na rin sa marami siyang iniisip at inaasikaso. Pero kahit ganun, gusto ko pa rin siya. Siya pa rin ang laman ng isip at puso ko. At laman ng likod ng diary at mga notebook ko.

Pero kahit na maswerte akong katabi siya ay hindi ko pa rin siya magawang kausapin. Kahit siya, hindi rin mahilig makipag-usap sa iba. Kahit nga magtanong na, "may extra ka bang ballpen?" o kaya, "pakopya naman ako" ay hindi ko pa naririnig sa kanya. Tanging si Tanya lang ang kinakausap niya, yung isa niyang katabi. Best friend niya. Kahit maliit, medyo chubby at hindi gaanong maporma, close na close sila. Kung absent si Nicole, sa kanya ako magtatanong. Kung walang masagot si Nicole kapag bigla siyang tinawag, kakalabit lang siya kay Tanya, masasagot na niya. Minsan naman, kapag nagkakaproblema si Nicole sa assignments, pinapakopya siya ni Tanya. Kung walang baon si Nicole, may handang extrang baon si Tanya para lang sa kanya. Ang galing ng friendship nila. Solid. Parang Batman and Robin. O kaya B1 at B2.

"Hoy Carlo. Recess na. Okay ka lang?"

Tanging kami na lang ni Tanya ang nasa classroom. Lahat na ata ng mga kaklase namin lumabas na. Nakangiti siya ng nakakaloko.

"Ah. Oo naman. Bakit?"

"Ayiiieeee."

Naano ba siya?

"Nicole pala ah. Ayiiiii."

Saka ko lang napansin na hawak niya ang diary ko. Hala. Nabasa niya? Paano na ito?

"Akin na nga 'yan! Hoy Tanya! Ibalik mo na!"

Kinakabahan ako. Grabe. Paano kung ikalat niya sa buong klase? Aasarin na naman ako nito.

Pilit kong inaagaw sa kanya yung diary ko hanggang sa dumako ang mga mata niya sa malapit na bintana. Isinilid niya yung kamay niya na hawak ang notebook at akmang ilalaglag ang pinakamamahal kong sikreto. Nasa second floor pa naman kami. Dapat makuha ko 'yon. Dahil kung hindi, mapipilitan akong tumalon sa bakod sa katabing sementeryo.

"Umamin ka muna. Crush mo si Nicole noh?"

Aaminin ko ba?

"Ilalaglag ko to o aamin ka?"

Hindi. Wala, walang aamin.

"Isa."

Bahala siya. Hindi niya naman yan kayang ihulog.

"Dalawa."

Dalawang daliri na lang ang pinanghahawak niya sa diary ko.

"Tatlo."

Bwisit. Nasa dulo na ng notebook ang daliri niya. Baka mahulog na talaga.

"Oo na. Basta ibalik mo na 'yan! Baka abutan pa tayo dito eh!"

Sa totoo lang, mahal na mahal ko yung diary na 'yon. Halos lahat ng gusto kong sabihin kay Nicole nakasulat na doon. 'Yung mga bagay na gusto kong itanong, 'yung mga bagay na alam ko tungkol sa kanya, at 'yung mga plano kong pag-amin. Nakasulat din doon ang walang kamatayang pagsulat ko ng flames sa buong pangalan naming dalawa, na lagi namang friends ang lumalabas. Paulit-ulit ko ding sinusulat ang pangalan niya katabi ng apelyido ko at pagguhit sa magiging pamilya namin, na ako ang tatay, siya ang nanay, at maraming anak. Nakaguhit rin doon ang paulit-ulit kong pagguhit sa maganda niyang mukha sa bawat pahina hanggang sa maperfect ko ang bawat anggulo.

Sa maikling salita, parang larawan ng buhay ko yung notebook na hawak ni Tanya. Hindi ko kayang hayaan lang na ihulog niya sa bintana ang ilang araw at buwan kong pinagpuyatan, pinagpaguran at itinago.

Paano niya nga ba nakuha yung diary ko?

"Ayan kasi. Nakangiti mag-isa. Para kang ewan eh. Buti nga at hindi ka napansin ni Ma'am eh. Hinuhugot ko na yung notebook mula sa desk mo hindi mo nararamdaman. Nabasa ko na lahat wala ka pa ring napapansin. Hay nako. Oh eto. Itago mo ng maayos."

Nakahinga ako ng maluwag. Halos atakihin ako sa puso eh.

"Wag kang mag-alala. Hindi ko sasabihin kahit kanino. Your secret's safe with me."

ConfessionsTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon