Shit.
Dampi lang yun pero parang tumigil ang mundo ko. Sobrang lakas ng tibok ng puso ko at kinakabahan ako kasi baka bigla niya akong sapakin. Feeling ko nakadikit pa rin ang labi niya kahit pa wala na. Pinagpapawisan rin ako. Ang masaklap, nakita pa ng buong klase. Sobrang nakakahiya.
"Alright we have a winner! Ay two winners pala! Congratulations Carlo and Nicole! Tanggapin niyo na ang inyong extra Christmas gifts."
Nagpalakpakan ang lahat. 'Yung ibang nakakita, biglang-bigla pa rin. 'Yung ibang mga babae, nakatakip pa rin ang bibig. Si Tanya naman, tuwang-tuwa at nakathumbs up pa. Si Tani naman, parang wala lang. Siguro hindi niya nakita. Ibinaba ko na si Nicole. Kahit hindi ko sinasadya, nagguilty pa rin ako.
"Sorry."
"Okay lang. Alam ko naman na hindi mo sinasadya. Hindi naman natin 'yun maibabalik."
Nakokonsensiya ako.
Kinuha na namin kay Ma'am 'yung regalo. Mga simpleng paper bags na parang lalagyan ng siopao. Gawa sa mga recycled papers 'yung pinambalot ni Ma'am sa mga regalo. May mga statements din na nakalagay, katulad ng 'please use me again', 'glad to serve', 'please don't throw me' at marami pang iba. Halos lahat ng mga statements patungkol sa environmental advocacies. Bawal kasi ang mga junk foods at plastic sa school.
Sobrang excited na ang mga estudyante dahil exchange gifts na. Malalaman na nila kung sino nakabunot sa kanila. Si Ma'am ang nagsimula. Si Chris ang nabunot niya. Sabi niya, ang laman daw ng gift niya ay tatlong t-shirts na spongebob squarepants. Nalaman kasi ni Ma'am na fan pala ng Spongebob si Chris. Tapos naman, si Chris ang sunod. Sinabi niya kung sino ang nabunot niya, and bla bla bla. Medyo iba ang pakiramdam ko ngayon. Nahihiya pa rin ako kay Nicole. Katabi ko pa naman siya ngayon. Halos hindi ako makatingin ng diretso. Medyo masaya sana ako ngayon kasi siya ang first kiss ko pero hindi naman sa ganitong sitwasyon na aksidente. At maraming makakakita. Mas sobra ang guilt at kaba ko. Baka kasi galit talaga siya sa akin.
"Huy Carlo, ikaw na raw."
Nabunot ako ni Bree. Hindi ko siya kilala basta ang alam ko, kaklase ko siya. Medyo malaki ang regalo niya, kasinglaki ng briefcase. Sabi niya, isang buong set daw yun ng fine dining utensils. Baka raw magamit ko 'yun sa culinary school na papasukan ko. Nagthank you ako sa kanya kasi ang ganda ng regalo niya.
Tapos si Grace naman, nabunot ko. Inamin ko sa buong klase na nahirapan akong mag-isip ng ireregalo ko sa kanya. Pero in the end, ang regalo ko ay isang daily planner para sa next year. Bilang president ng klase, deserve niya ang mga ganun para makatulong sa mga gawain niya.
Nabunot ni Tanya si Charles, isa na namang kaklase namin na hindi ko gaanong kilala. Si Tani naman, nabunot si Ma'am at si Nicole, si Terry ang nabunot. Masaya ang exchange gifts kasi nakikilala namin ang bawat isa. Akalain mo, 50 kami sa klase pero mahirap kilalanin ang lahat. Nagkaroon pa ng 'nice meeting you' sa classroom kasi ngayon lang nagkausap at kung anu-ano pa. Naging lively rin 'yung kainan namin dahil nag-intermission ang iba naming mga kaklase. Pakatapos, nagsayawan ng mga party music. At dahil wala na ako sa mood, nagpunta na lang ako sa garden.
"He loves me. He loves me not. He loves me. Yey!"
Teka, si Nicole 'yun ah. Bigla niyang tinapon na parang confetti yung mga clovers na pinunit niya at sumayaw sayaw. Ang ganda niya talaga pero aalis nalang ako. Baka makita niya ako at maalala pa 'yung nangyari kanina.
"Uy sandali!"
Nakita niya akong papaalis. Nahuli ako.
"Sorry. Sorry talaga. Hindi ko sinasadya. Sana mapatawad mo ko."
"Hindi ako galit."
Talaga? Baka kasi big deal sa kanya yung kiss. Nahihiya lang siyang magalit.
"Alam ko galit ka. Pero hindi ko talaga sinasadya. Sorry."
Pumikit na ako kasi nag-eexpect na akong sasapakin na niya ako. Pero wala, wala akong naramdaman. Tinitingnan niya lang ako.
"Anong ginagawa mo?"
"Ah, wala."
"Sabi nang hindi ako galit eh."
"Sigurado ka?"
"Oo. Wala na tayong magagawa."
Nakahinga ako ng maluwag. Hay salamat hindi siya galit. Pero alam ko dapat nagagalit siya eh. Dapat yung--
"Walangya ka! Kinuha mo first kiss ko! Inilaan ko pa naman 'yun sa mapapangasawa ko, magnanakaw ka! Ang daya mo! Hindi lang ako galit sayo. SOBRANG NAGAGALIT AKO! Bastos ka!"
At 'yun, nasapak na nga ako ng sobrang lakas na halos mamula na ang pisngi ko. Sinuntok suntok niya ang dibdib ko, sinigawan at nasapak nang paulit-ulit.
"Hah. Medyo makinis yang mukha mo ngayon ah. Pero ang kapal pa rin talaga ng mukha mo! Bwisit ka!"
Okay lang pero masakit talaga, promise. Dumugo yung ilong ko. Pero sabi ko nga, deserve ko 'yun. Ang alam ko kasi sa mga babae, big deal sa kanila ang first kiss, kaya hinayaan ko siyang saktan ako.
"Oh. Okay na?"
"Dumudugo ilong mo."
"Ako na bahala dito. Basta nailabas mo galit mo, okay lang ako."
At umuwi na ako. Pero bago pa man makarating ng bahay, inayos ko na ang sarili ko. Baka kasi makita ni Mama na may pasa ako, sabihin niyan nakipag-away na naman ako.
Finally, after 1234567890 years, masusulatan ko na naman ang 'scrapbook' ko. Ito na ang pinakamasayang Christmas Party ko. Siguro tama yung sinabi ni Tanya, patience is a virtue. Wala pa akong ginagawa niyan.
Nicole, sorry kung ninakaw ko ang first kiss mo ha. Pero kung bibigyan mo ako ng pagkakataon, handa akong ibalik sayo ang ninakaw ko. Pwede ba?
************************************************************
Lumipad kami papuntang France para makasama namin si Papa ngayong pasko. Sobrang saya ni Papa kasi surprise namin yun sa kanya. Nagdate sila ni Mama sa Eiffel Tower, nagtour sa buong lungsod, at nag-enjoy sa magandang view. Pinag-usapan naman namin ni Papa ang tungkol sa culinary school na papasukan ko pagkakuha ko nung schedule ng entrance exams at interview.Okay naman ang Christmas at New Year ko. Napakaganda ng lugar. Lagi akong pumupunta sa Love Lock Bridge kung saan naglalagay ako ng padlock sa fence ng tulay kasabay ng wish ko tapos itatapon yung susi sa ilog. Halos araw-araw ako tumatambay sa bridge na yun, kahit pa kadalasan mga couples ang nandun. Nagppromise sila at kapwa nila itatapon sa tubig yung susi.
Pag-uwi namin ng Pilipinas, naghanda na ako para sa entrance exams ko sa college. February daw kaya mapipilitan akong mag-aral ng mabuti. Kapag nakapasa ako sa exams, sa March naman ang interview. Kaya dapat paghandaan ko ng mabuti para matuwa sa akin si Papa.
First day of classes this year. Masyadong maingay ang buong school. Kumustahan. Batian. 'Yung ibang mga babae naman bagong rebond. 'Yung iba naman may bagong gamit. At meron namang iba na wala pa ring ipinagbago. Hahahaha.
"Hi Tanya!"
"Aba. Blooming ah. Kumusta yung kiss?"
"Ssssh. Wag ka nga. Papasok ba si Nicole?"
"Hindi. Hindi siya makakapasok."
"Bakit?"
"Kasi...sinugod sa ospital si Nanay Lisa last week."
