Secret 26

13 2 2
                                        

"Oo. Okay lang ako."

"Akala ko kasi--"

"Pwede ba kitang maisayaw?"

Gusto kong madistract. Isasayaw ko na lang si Tanya. Masakit na rin kasi ang pwet ko kakaupo. Bored na nga ako rito, pinagselos pa ako ni Tani. Dinala ko sa gitna si Tanya. Doon kami pumwesto.

"Carlo?"

"Nakakawalang gana na. Parang ayoko na."

"Carlo naman eh. Umabot ka ng mahigit isang taon tapos ngayon susuko ka?"

"Masaya na siya, guguluhin ko pa ba ang buhay niya? Tama nang ganito na lang kami."

"Pero ituloy mo pa rin 'yung plano mo. Sayang lang eh. Matagal ka nang nag-iipon ng lakas ng loob tapos kung kelan malapit ka na ngayon ka pa aayaw."

Pagkaraan ng ilang minuto, umupo na kami. Si Tani naman, sinasayaw na ang lahat ng babaeng nakikita niya, kahit 'yung mga teachers at waitresses na nandun. Sabi kasi ni Ma'am, may plus points daw kapag sinayaw mo lahat ng babae. Kaya ayan, laban naman siya.

"Carlo, chance mo na."

"Sa tingin mo, papayag kaya siya?"

"Naku naman. Siyempre oo. Iniisip niya gusto mo rin ng additional points kaya mo siya isasayaw. Ano ka ba."

At 'yun, tumayo na ako at nilapitan ko siya. Sana talaga, pumayag siya. Sa ngayon, kumakain siya ng lollipop na may kulay sa bibig. Hindi niya ata alam na may kulay yon. Pero okay lang, ang ganda niya pa rin.

"Uhm, Nicole?"

"Po?"

"Pwede ba kitang maisayaw?"

"Ay sige."

Woah. Akala ko talaga hindi siya papayag. Malamig na naman ang mga kamay ko. Pinagpapawisan ako kahit airconditioned naman ang atrium. Kinakabahan na ako. Tumingin sa akin sa Tanya at nagthumbs up. Tumango naman sa akin si Tani na katabi lang si Tanya. Katulad ng ginawa ko kay Tanya, dinala ko rin siya sa gitna. Hinawakan ko ang kamay niya at sumunod kami sa music.

"Carlo, ang gara mo tingnan ngayon."

Hehehe.

"Ahm. Salamat."

"Ako nga dapat magpasalamat sayo eh. Salamat sa pag-aalaga kay Carina."

"No problem. Ah Nicole, may sasabihin ako sayo."

"Ano?"

"Gusto ko lang magsorry at ninakaw ko ang first kiss mo. Sana patawarin mo na talaga ako."

"Nakalimutan ko na 'yon. Ano ka ba. Last year pa 'yun noh."

"Baka kasi galit ka pa rin sa akin."

"Sorry kung pinadugo ko ilong mo. Sorry talaga. Sobrang nagalit talaga ako."

"Okay lang. Gusto ko sanang sabihin sayo na..."

At biglang nagshift ng party music ang tugtugan. Walangya. Sayang. Napilitan tuloy kaming umupo. Nakakapeste. Nabitin ako. At shit, mag-aalas diyes na! Kailangan ko nang magawa ang plano ko. Baka biglang sumugod dito si Mama!

"Oh Carlo, kumusta? Nasabi mo na ba?"

Excited na masyado si Tanya. Kumakain siya ng chocolates. May dumi pa nga siya sa labi.

"Hindi! Pesteng music, hindi pa kami tapos mag-usap! Bwisit!"

"Tumakbo siya papuntang wash room. Parang nagmamadali eh."

Pumunta ako ng girls' washroom at hinintay siyang lumabas. Ang tagal ah. Pero willing akong maghintay. Itong sasabihin ko, hindi na ito makakaabot hanggang bukas, dahil hindi ko alam kung anong mangyayari kung papatagalin ko pa 'to.

Paglabas niya, sinalubong ko siya kaagad. Walang masyadong tao sa washroom.

"Carlo? Anong ginagawa mo--?"

"Nicole, gusto ko lang malaman mo na gusto kita. Matagal na. Simula nung last year na una kitang nakita, hanggang sa nakatabi kita, nalaman kong magkapitbahay tayo, at noong naging suki ako ng karinderya niyo."

Napatingin siya sa akin na parang nabigla, pero wala na akong pakialam kung ano man ang reaksyon niya. Basta masabi ko ang lahat bago pa man ako umalis, para wala akong pagsisihan.

"Umabot ng isang taon itong nararamdaman ko para sayo. Lagi kitang tinitingnan at binabantayan. Sumali ako sa Master Chef, baka sakaling mapansin mo na parehas tayo ng hilig sa pagluluto, araw-araw akong bumibili sa karinderya niyo dahil nagbabaka-sakali akong mabibilhan kita, nagpakinis ako at nagpaputi para naman kahit papano maayos naman akong tingnan kapag umamin na ako sayo, pero lagi na lang nandiyan si Tani, si Tani na mas gwapo, mas matalino, mas malakas ang loob. Kaya ka niyang pasayahin, hindi tulad ko na palihim lang ang pagtingin sayo."

"Pero Carlo--"

"Masaya ako at masaya ka kapag kasama mo si Tani. Nakikita ko yung mga ngiti mo na kailanman ay hindi magiging ako ang dahilan. Hindi kita kayang akbayan sa harap ng mga kaklase natin, bigyan ng bulaklak na pinitas sa school garden, maging leading man mo sa play, maging supplier ng laruan ni Carina, pero kung kailangan mo ng babysitter para kay Carina, kaibigan ni Nanay Lisa, tagaluto sa karinderya niyo, tagasulat ng mga assignments mo at kahit tagacomfort kay Tanya kapag absent ka, tawagin mo lang ako, gagawin ko 'yun para sa'yo."

Napansin ko na nagpahid siya ng mga mata. Peste, pang teleserye ata yung mga sinabi ko.

"Ang tanging nagawa ko lang, yung sa paper dance. Binuhat kita para magkasya tayong dalawa, tapos aksidente pa kitang nahalikan. Eh ano naman kung nakaiskor ako sayo, kung nagalit ka naman sa akin. Siguro, kung magiging tayo, sakit lang ako sa ulo. Sana malaman mo na ngayon pa lang, handa na akong pakawalan ka. Masaya ako kasi dahil sa'yo, natuto akong kiligin, natuto akong maging mabait na kaibigan, naging mapagparaya, at higit sa lahat, natuto akong magmahal. Tandaan mo, ako lang ang tanging lalaking umamin sayo sa harap pa talaga ng banyo."

At binigay ko sa kanya yung chocolate na lollipop na hugis sunflower na may smiling face. Yung parang sa plants vs zombies. Nakuha ko yon na nakadikit sa may bubong ng 'house of candies' kanina. Natawa siya sa sinabi ko pero tumalikod na ako at umalis. Pwede na akong umuwi. Pero pagdating ko sa labas, umuulan pala. Shit. Wala akong payong.

"Grabe ka Carlo. Epic 'yun ah. You deserve a clap clap."

Biglang sumulpot si Tanya sa likod ko at mahinang pumalakpak. Todo pa talaga ang ngiti niya ah.

"Oh eto. Wala ka na namang payong. Ito na lang gamitin mo."

Na naman? Floral at hot pink na payong?

"Eh ikaw?"

"Susunduin ako ng kotse namin."

NagCR muna ako sandali at inayos ang sarili. Halos pumutok na ang tiyan ko dahil sa sobrang kaba kanina. Gumaan din ang pakiramdam ko, na parang wala na akong dalang mabigat na bag sa dibdib ko. Nabunutan na ako ng tinik. Para akong tanga na nakangiti sa salamin. Hay. Salamat at tapos na ang aking problema.

Nagpaalam na ako kay Tani na kasalukuyang kinukunan ng litrato ang mga estudyante at mga teachers. Trabaho niya rin 'yun kasi siya ang photojournalist ng school paper.

"Umuwi na daw si Tanya. Nagpaalam na ba sayo?"

"Ah, pinahiram niya sa akin tong payong eh. Sabi susunduin siya."

"Ganun ba. Ako na lang maghahatid kay Nicole."

"Sige Pare. Ingat kayo."

"Ikaw din. Ingat ka sa daan. Ang gwapo mo pa naman ngayon."

"Hahaha. Loko ka talaga. Sige."

Nahirapan akong makahanap ng tricycle. Paano, gabing-gabi na at malakas pa ang ulan. Binuksan ko na ang payong at nagsimula nang maglakad pauwi. Halos magkakalayo ang mga streetlights kaya medyo mabagal ang pag-usad ng mga paa ko. Nag-iingat din ako dahil ayaw kong mabasa. Papagalitan ako ni Mama nito pag-uwi.

Malayo-layo na ako sa school nang may makita akong anino na nasa malapit ng isang streetlight. Nakaupo sa bench at tila basang-basa sa ulan 'yung anino. Hindi ako matatakutin sa mumu pero nakakakilabot pa rin dahil masyado pa namang tahimik 'yung paligid. Habang papalapit ako, naririnig ko ang mahinang pag-iyak nito.

Naka-green siyang gown, may korona din siya sa ulo, at parang kanina pa siya dito. Nakayapak din siya at--

"Tanya?"

ConfessionsTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon