Secret 23

7 2 0
                                    

Halos lumipad ako papuntang ospital para mapuntahan si Nanay Lisa. Si Nicole ang nagbabantay sa kanya. Kasama ko si Carina kasi sinundo ko na rin siya sa Day Care. Sabi niya sa akin, hindi raw siya pinayagan ni Nanay Lisa mag-absent. Hindi siya makulit ngayon. Tahimik at halos walang imik. Nagpakarga siya sa akin kasi ayaw niya daw maglakad hangang sa makatulog siya sa balikat ko.

"Carlo, napadalaw ka. Naku. Nakakahiya, masama ang kalagayan ko. Ay nakatulog na pala ang bunso ko."

Nandoon rin si Tanya at si Tani. Sabay raw silang pumunta dito. May dala silang mga prutas at mga pagkain. Si Tani naman, kinuha muna sa akin si Carina at itinabi kay Nanay Lisa. Napansin kong nagwalkout si Nicole. Pakiramdam ko, iniiwasan niya pa rin ako.

"Nay Lisa, ano po bang nangyari?"

May mga nakatusok sa kanya at inaamin ko, nakakaawang tingnan. Hindi ko inaasahan na aabot siya sa ganito. Gusto kong maiyak.

"Sus. Trangkaso lang 'to. Huwag kang mag-alala. Gagaling din ako."

"Nay Lisa naman. Huwag po kayong magpapabaya ha?"

"Oo naman. Pero pasensya na ha, hindi ko mabebenta 'yung mga ice cream mo."

"Okay lang po. Huwag niyo na pong isipin 'yun. Magpagaling po kayo ha?"

Nang makatulog na si Nanay Lisa, napagdesisyunan na rin naming tatlo na umuwi na. Medyo masungit talaga ang tingin sa akin ni Nicole. Hindi tuloy ako komportable. Hindi niya pa rin ba nakakalimutan 'yung nangyari sa party?

"Oh Tani, magkwento ka naman. Kumusta na kayo ni Nicole?"

"Ah. Going strong?"

Loko talaga 'tong si Tani. Hindi pa sila niyan pero sobrang saya na ang nararamdaman niya. Sana ako rin. Pero hindi pwede, kasi kung masaya ako, malulungkot siya. At hindi ko naman deserve na kunin ang nakakapagpasaya sa kanya kasi pinaghihirapan niya talaga at masyadong unfair 'yun para sa isang kaibigan.

Nang makasakay na si Tani at makapagpaalam sa amin, hinarap ko naman si Tanya. Isang taon na ang nakalipas, inis pa rin sa akin si Nicole. Ikinuwento ko sa kanya 'yung nangyari sa garden. Tawa na naman siya ng tawa.

"Ito talagang baboy na 'to. Lagi mo na lang akong tinatawanan eh."

"Sobrang big deal talaga kay Nicole ang first kiss. SOBRA. Kasi raw, gusto niya, sa taong mahal niya at mahal din siya. Tapos ang gusto niya raw na experience sa first kiss niya, kiss under the rain."

"Ngee. Ano ba naman kayong mga babae, ang hihilig sa mga ganyan. Ang corny."

"Corny ka diyan. Para kasi sa amin, masyadong sentimental ang ganun. Nakaka...kiliiiiig. Pero nakakakilig na rin yung first kiss n'yo ah. Para kayong bagong kasal."

"Ewan ko sainyo. Pero iniiwasan niya ako, tapos galit pa siya sa akin. Ano gagawin ko?"

"Hindi ko alam. Eh di hayaan mo lang. Mapapagod din yan."

"Grabe ka. Ayoko naman ng ganun. Ayaw ko talagang may nagagalit sa akin."

"Carlo, hindi mo siya girl friend na dapat suyuin mo kapag may ganung eksena. Huwag ka namang magpakatanga oh. Hayaan mo siyang magalit. Alam niya naman kasing hindi n'yo naman ginusto 'yun, nagtatampo lang siya. Nako. Pinapahirapan mo pa sarili mo eh."

************************************************************
Hindi na naman ako pinapansin ni Tanya. Sabagay, tama naman siya. Hindi naman kami ni Nicole eh. Bakit pa ba ako magsasayang ng oras kakaisip kung paano mawawala ang galit niya?

"Uhh. Tanya. Huy."

Hindi pa rin siya tumitingin.

"Tanya. Tanya naman oh."

Nakatingin na sa akin si Nicole. Medyo naguguluhan din siya kasi parang may hindi kami pagkakaintindihan.

"Tanya. Kailangan kita."

Nakatingin ang buong klase sa amin. Recess kasi. Malapit na rin magtime kaya marami nang nasa loob ng room. Nagsimula nang mag'ayiiieee' ang mga kaklase ko. Yung iba kilig na kilig. May sumigaw pa nga ng, 'akin na lang yan!'

"Bakit ba? Ano bang kailangan mo sa akin? Kailangan mo lang naman ako kapag may problema ka. Pero pag wala, WALA! Ang galing mo din eh noh?"

"Kailangan talaga kita. Promise."

"BAKIT NGA?!"

Inilabas ko yung container na hawak ko kanina pa. Medyo tunaw na nga eh.

"Kailangan kita para maubos na 'tong ice cream. Nasira kasi ref namin eh. Sa'yo na lang 'to oh."

Biglang nagliwanag ang mukha niya. Kinuha niya agad yung ice cream. Sa totoo lang, hindi naman talaga nasira yung ref eh. Gusto ko lang kasing magpasalamat kasi hanggang ngayon sikreto ko pa rin 'yung mga sikreto namin. Natutuwa lang ako sa kanya.

Nang dumating si Ma'am, may mga dala siyang mga scented papers. Pink at purple yung kulay. Para saan kaya yun?

"Ready na ba kayo sa JS Prom?"

Nagsigawan sa sobrang tuwa ang mga kaklase ko. Si Tanya naman niyuyugyog na si Nicole sa sobrang tuwa. Masyadong hyper ang lahat. Nakakabingi nga eh.

"The theme of this year's JS Prom is Candy Wonderland. Meaning, dapat mga bright colors ang mga ball gowns at coats na issuot niyo. No black or dark outfits allowed."

Nanggigil ang mga girls sa sobrang tuwa. Ang cute daw kasi ng concept. Paano naman kami? Pati ba tuxedo o suits na gagamitin namin, dapat bright colors?

"Tomorrow magsisimula ang practice n'yo. But there's a twist. No cotillion dances. Walang partner partner. The most exciting part is, ang magiging performance ng mga juniors and seniors ay isang musical. Mga choreographers from DSCT ang magtuturo sainyo."

Wow. Musical? Ang galing.

Since marami naman ang mga singers sa batch namin at mga members ng Glee Club ng school ang mga juniors, okay lang naman. Pero lahat daw kami kakanta at sasayaw. Wala daw tatakas. May mga mahiyain pa rin naman sa mga schoolmates namin. Pero dahil taga-labas ang magtuturo sa amin, sinabihan kami ni Ma'am na umayos at huwag magpapasaway kasi nakakahiya daw sa mga bisita. Three weeks kaming nagpractice. Ang galing ng choreography. May mga steps na robotic daw kaming gagalaw, tapos dapat daw laging nakangiti at full energy sa paggalaw. Huwag daw masyadong matipid sa kilos para magandang tingnan. 10 minutes ang performance namin, tapos sa huling part, para kaming nagfflash mob. Ang galing.

Sabi ni Ma'am, okay lang daw kung maraming manonood na outsiders kasi pinagplanuhang mabuti ang program. Engrande at formal kaya welcome daw ang lahat na masaksihan ang efforts ng lahat.

"Mama, anong isusuot ko?"

"Kilala mo si Willy Wonka sa Charlie and the Chocolate Factory? Gayahin mo nalang siya. Oh kaya si Mad Hatter ng Alice in Wonderland. Baka manalo ka pang 'king of the night'"

Grabe naman yun. Pero pwede rin naman siguro.

Nagpabili ako kay Papa ng costume ni Mad Hatter at nakapadala siya kaagad. Sabi nga ni Mama, bagay daw sa akin kasi kulot naman daw ang buhok ko. Alam ko kapansin-pansin ang isusuot ko.

Pagkatapos ng practice namin, hinanap ko kaagad si Tanya. May sasabihin kasi ako sa kanya. Gusto ko, siya ang unang makaalam ng plano ko. Alam ko magiging masaya siya para sa akin.

"Uy Tanya! Sandali!"

Nakita ko siyang pauwi na. Ang aga naman ata. Wala pa naman sundo niya.

"Uuwi na ako. Magbbeauty rest kasi ako eh."

"May sasabihin ako."

"Ano?"

"Bukas, isasayaw ko si Nicole. Tapos aamin na ako sa kanya."

Bigla siyang natahimik. Parang inaabsorb pa ata yung sinabi ko. Tapos ngumiti siya at tumalon-talon. Sabi na kasi eh. Matutuwa talaga siya.

"Hay salamat! Lakasan mo loob mo ha. Good luck!"

"Oo. Sana maging okay ang lahat. Sure na sure na ako sa sasabihin ko."

"Talaga ha. Pero may tanong ako."

"Ano?"

"Carlo, paano kung gusto ka rin niya, tapos na ba ang friendship natin?"

ConfessionsTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon