"Bakit ngayon mo lang sinabi? Para ano, para wala na akong choice?"
Ang dugas talaga nitong Tani na 'to. Kaya naiinis sa kanya si Tanya eh. Dadalhin niya ako rito para magkalat sa restaurant ng Ninang niya. Eh paano kung magkamali ako?
"Eh kasi ano, ahm, hindi ko din naman inaasahan na papayag siya kaagad at gusto niya sa araw na ito. Siyempre magpapanik ako. Haay. Sorry na."
"Bakit, wala ba silang kusinero rito? Sandali lang ha. Bakit ako pa? Restaurant 'to Tani, imposibleng walang kusinero rito!"
"Kasi gusto ko ng personal kong kilala 'yung magluluto. Kasi baka mabigla si Nicole sa sobrang gara ng lugar. Hindi ko siya bibigyan ng menu para pumili ng pagkain. Ikaw na mismo ang pipili ng pagkaing ihahain na alam kong magugustuhan niya. Alam mo na, ayokong maoverwhelm siya. Gusto ko lang 'yung mukhang normal na dinner date pa rin."
Wala na akong magagawa. Nandito na ako eh. Tsaka hindi naman ako makakauwi mag-isa kaya susunod na lang ako. Magluluto ako dahil inutusan ako.
"Anong oras ba usapan n'yo?"
"Alas otso. Susunduin ko siya ng kotse mamaya."
Napakasosyal naman ng kumag na 'to. Naiinggit na naman ako. Sabi ko nga, hindi ko kinakaya ang mga ginagawa niya para kay Nicole. Hanggang background lang ako sa mga plano niya. Katulad nung Teatro Filipino namin, sila ang couple, ako naman ang nagsulat ng script nila. Hanggang dito ba naman sa date nila, ako ang tagaluto? Bwisit. Ang sarap nilang lasunin eh.
Nakakahiya, nakatingin sa akin 'yung mga crew. Tinitingnan nila kung ano ang gagawin ko. Asan ba yung recipe? Yung kalan? Yung ingredients? Ano ba naman si Tani, basta-basta na lang ako itutulak dito nang walang pasabi kung ano bang gusto niyang ipakain ko sa kanila. Bahala na.
Una, ang alam ko, mahilig yun sa tinapay si Nicole. Minsan kasi tinapay ang baon niya sa school kaya tinapay din ang main ingredient ng isserve kong appetizer para sa kanila. Gusto kong itry ang simpleng bruschetta. Sa main dish naman, pwede na ang pasta salad. Naalala ko bigla si Carina eh. Mahilig yun sa spaghetti. Baka sakaling mahilig din siya sa pasta, ittry kong lutuin 'yon. At last, yung dessert, ang tatawagin kong Italian Love Cake. Para tunog romantic.
5:45 akong nakapagsimulang magluto kaya 7:45 pa lang, nakahanda na 'yung appetizer at main dish ko. 'Yung dessert, mamaya pa 'yun. Punung-puno 'yun ng pagmamahal kaya sana, masarap ang luto ko. At dahil mabait ako, tinulungan ko na rin 'yung ibang crew na magserve sa mga customers.
Sa totoo lang, kinakabahan na ako. Gusto ko nang umuwi. Papagalitan ako ni Mama nito. Pawisan na rin ang polong suot ko. Pakiramdam ko ang baho baho ko na. Kaso wala pa si Tani, kailangan ko na talagang makapagpaalam.
8:15 na nang dumating si Tani kasama si Nicole. Sinisilip ko sila mula sa pinto. Umupo sila sa may bandang bintana, malapit sa stage na may violin at piano. Maya-maya, narinig ko ang napakasweet na tugtog na nagmumula sa violin. Nakangiti si Nicole. At nakita kong nagsenyas si Tani sa waiter na dalhin yung pagkain, at kasabay ng pagbigay ko ng appetizer sa waiter, may isinilid akong letter sa kanya para ibigay niya kay Tani. Pagbalik nung waiter...
Sige na Carlo. Nakakatakot pa naman yung Nanay mo. Hahaha. Sumakay ka na lang sa kotse na nasa labas. Ingat ka. Salamat ulit.
Nagpaalam na ako sa mga bagong kaibigan ko at binigyan nila ako ng apron na may tatak ng restaurant. Dumaan ako sa likod at sumakay sa kotse na sinakyan nila Tani. May driver doon at katabi ko si Tanya.
Eto na ata ang pakiramdam na awkward.
"Hi Tanya."
"Hi. Bakit ka nandito?"
"Ahm. Nagpaalam na ako kay Tani na uuwi na ako. Baka pagalitan ako ni Mama."
"Ang KJ mo naman. Panoorin mo na sila oh."
"Ayoko. Sasaktan ko lang sarili ko."
"Bakit, noong pinagluluto mo sila, hindi ka nasasaktan? Noong nagsulat ka ng script para sa kanila, hindi ka nasaktan? Noong sinabi mo kay Nicole na kay Tani nalang siya, hindi ka ba nanghihinayang? Gabi na rin naman, lubusin mo na. Umuwi ka man ngayon o mamaya pa, parehas lang naman, papagalitan ka."
"Ang bad influence mo naman."
"Hindi naman sa ganun. Dapat makita mo na rin, sa huling pagkakataon, na masaya na ang mahal mo sa iba."
At 'yun nga, pinagmasdan namin sila na kumakain, nagtatawanan, at nagkukwentuhan. Ang ganda ni Nicole. Ang saya ni Tani. Nakita kong nakatapos na silang kumain. Nagthumbs up pa si Nicole kay Tani. Maya-maya, tumayo na sila at sumayaw sa saliw ng musika. Wow. Narealize ko na, gumawa ako ng love story na hindi ako ang bida, hindi rin kontrabida, ngunit isang dakilang extra.
"Nga pala Tanya, bakit ka nandito?"
"Hiniram ni Tani 'tong sasakyan. Napakawalang hiya noh? Binigla niya lang rin ako. Pauwi na kami ni Manong driver nang humarang bigla sa harap namin. Muntik pa ngang masagasaan eh. Sabi hihiramin daw kaya ayun, pinahiram na namin."
Peste na 'yun. Hindi lang pala ako ang nabiktima niya.
"Tara na Tanya, uwi na tayo."
Nagkwentuhan kami ni Tanya sa biyahe. Pinagtawanan namin 'yung kalokohan namin na nagpaulan kami nung prom. 'Yung mga kadramahan namin nauwi nalang sa katatawanan. 'Yung mga iniyakan namin noon, pinagtatawanan nalang namin ngayon.
"Ah. Carlo?"
"Oh?"
"Huwag mo kong kalimutan ha. Pati na rin si Tani na inagaw ang lovelife mo."
"Kayo lang naman mga kaibigan ko. Bakit ko naman kayo kakalimutan? Huwag ka ngang madrama. Sa mga pelikula lang yang mga linya na 'yan. Sus. Pero hoy, tulungan mo akong mag-isip ng dahilan."
"Anong dahilan?"
"Ano sasabihin ko kay Mama kung bakit late akong umuwi?"
"Ah. Sabihin mo yung totoo, na ikaw ang nagluto para sa date nila Tani at Nicole."
"Hindi yun. Iba naman."
"Ah, nagdate tayong dalawa?"
"Ano ka ba hindi rin pwede 'yun."
"Ang choosy naman nito. Ah, wala na akong maisip eh."
"Hmm. Bahala na."
Pag-uwi ko, ayun, nakapameywang na si Mama sa gate. Nakakahiya, ang lakas ng boses niya na nagsesermon sa akin. Nasa labas pa naman kami, rinig na rinig na ng mga kapitbahay namin. Napansin ko rin ang bagong gupit niyang buhok. Bob cut ata yun. Tapos bagong manicure din siya at pedicure. At neon colors pa.
"Ang ganda mo ata ngayon Ma."
"Bolero. Ano? Mag-aasawa ka na? Nagdate kayo nung Tanya mo? Saan kayo galing ha? Lakwatsero ka masyado ah! Bata ka pa para sa mga ganyan!"
Nagpalit na ako ng pambahay at nagluto ng hapunan namin. Pagkatapos kong kumain, inayos ko na ang mga kalat ko sa kwarto. Sa kalagitnaan ng pag-aayos, nakita ko 'yung scrapbook ko na wala nang susulatan. Napansin kong may nakaipit na yellow paper. Teka, wala akong natatandaan na may naidikit akong papel doon. Binuksan ko at nakaipit iyon sa page na isinulat ko 'yung sa Campus Master Chef.
Hmm, ano kayang laman nito?
