HUMAN REALM
“Kumusta ang Jinx Stone, may balita na ba?” malamig na tanong ng isang matangkad na lalaki na mayroong matipunong katawan. Katakot-takot ang ekspresyon ng mukha nito habang masamang naka-tingin sa apat na lalaking nasa harapan niya. Ibinato niya ang hawak na upos ng sigarilyo tsaka ito tahimik na nagmura.
Hindi naman maikubli ng apat na lalaki ang kanilang takot para sa kanilang mga buhay. Alam nila at ramdam nila ang naguumapaw na galit ng pinuno. Wala silang nagawa kundi ang tahimik na magdasal para sa kanilang kaligtasan. Na sana kapag natapos ito sa pag-se-sermon at paglalabas ng sama ng loob ay makalabas pa sila ng buhay at mayakap ang kanilang pamilya.
“Diarja tas judas!”
Nagkatinginan ang apat tsaka sila sunod-sunod na lumabas ng kwarto. Mas nabalot ng katahimikan ang buong kwarto dahil sa pag-alis ng apat, nabawasan na rin ang tensyon. Tahimik at tulalang naiwan ang pinuno.
-----
“Hindi pa rin ba nahahanap si Mistress Eve?” tanong ng isa sa mga kasambahay. Tahimik lang sila sa isang sulok habang pabulong na nag-uusap. Nag-iingat dahil baka mayroong makarinig sa kanilang pinag-uusapan.
“Hindi pa. Balita ko walang ginagawang hakbang ang Madame,” pabulong na sagot ng isa. Umakto naman na parang nagulat ang isa.
“Dugo‘t laman niya si Mistress Eve pero bakit kaya gano'n niya siya itrato?”
“Bago ka ba? Syempre hindi naman tunay na Anak ni Madame si Mistress Eve kaya gano'n. Lihim lang ito ng palasyo kaya manahimik ka ah? Sinabi ko lang sa‘yo dahil tulad ko isa ka lang naman alipin ng kanilang pamilya.”
Para namang hindi makapaniwala ang mukha ng isang tagapag-silbi. Napatitig pa ito nang matagal bago bumalik ang kaniyang ulirat matapos siyang tapikin ng kasama. Agad siyang lumingon at nagbigay galang sa Madame. Agad siyang nagtaas ng tingin matapos nito silang lagpasan. Pinanood niya ito na maglakad palabas ng malaking palasyo.
Inikot niya ang kaniyang mga mata bago sinundan ang kasama niyang tagapag-silbi. Lihim niyang pinanood ang bawat pagkilos ng ibang tagapag-silbi na may kaniya-kaniyang kilos. Maraming bantay ang nakakalat.
“Iwan na kita rito. Mamaya na ang usap. Dito ka naka-duty ngayon. Ayusin mo ang paglilinis dahil mamaya mag-iikot si Head para i-check kung tama ba ang ginawa mo,” paalala sa kaniya ng kasama.
Matamis siyang ngumiti, “Oo naman. Maliit na bagay para saakin ang bagay na ito. Sisiguraduhin kong mas mabango at mas makintab na ‘tong banyo pagpunta niya.”
Ngumiti rin ito sa kaniya. Tinapik siya nito sa kanang balikat tsaka siya nito nilagpasan upang lumabas. Mabilis naman na nagbago ang ekspresyon ng mukha niya tsaka niya mataray na nilingon ang pintuan na dinaanan ng kasama. Nilapitan niya ang pinto upang isarado at i-lock. Tumaas ang kaliwa niyang kilay matapos niyang pindutin ang kung ano mang bagay na nasa likod ng tenga niya. Naglakad siya papalapit sa salamin sa banyo at doon tiningnan ang mataray na itsura.
“May nakuha ka ba?”
“Tatawag ba ako kung wala. Boba ka rin. Pakausap nga kay Uno,” mataray na sagot ng babae. Narinig niya ang mahinang pagmumura ng kausap na babae sa kabilang linya pero tinarayan lang niya ito.
“Iniinis mo na naman si Tres,” nagbago ang mukha ng babae matapos niyang marinig ang malalim at bruskong boses ni Uno. Umikot siya at sumandal sa lababo bago niya naka-ngiting pinaglaruan ang sariling buhok.
“Hindi pa rin nakakauwi ang Mistress. Ayon sa nakalap ko walang balak ang Madame ng palasyo na hanapin ang kaniyang Anak. Oh! Mali. Hindi tunay na Anak,” ngising sagot niya.