Isang linggo akong naka-kulong sa mansyon. Hindi naman sa pinagbabawalan akong lumabas pero mas maganda raw ‘yun dahil mainit pa rin ang mata sa akin ng lahat. Lahat daw kasi ng mga taga-Elite City ay iniisip na tumakas ako at tinaguan ang aking Ina para sumapi sa mga rebelde. Alam ko naman ‘yun dahil hanggang sa Noble City, gano'n ang iniisip nila. Ikaw ba naman ang mawala ng isang buwan?
Paano naman ba kasi ako mahahanap kung hindi naman ako hinahanap? Kasalanan ko pa ba na ang Ina ko ay pekeng tao, hindi man lang ako pinahanap? Psh.
Wala tuloy akong ibang ginawa kundi ang matulog, at kumain. Minsan kapag boring na talaga lumalabas ako at nililibot ang buong mansyon. Wala rin akong masyadong kinakausap dahil ayoko naman pumeke na sobrang friendly kong tao. Baka kapag nagalit na ako tawagin pa nilang lumabas na ang totoong kulay ko. Hmp.
Hindi na rin masyadong tumatambay rito si Ina, palagi na siyang umaalis at babalik kapag gabi na. Pabor sa akin dahil minsan ko na lang siya makita. Sa umagahan na lang. Kapag hapunan na kasi nauuna na akong kumain dahil ayoko na makasabay siya. Neknek niya noh, hindi kami bati. Sobrang peke eh.
Si Kwatro rin ang nagsisilbi kong kadaldalan dito kahit ang totoo ayaw niyang lumapit-lapit sa akin. Hanggang ngayon kasi hindi pa umaamin ang lola niya kung ano ba talagang pakay nila rito. Kapag nandoon ang topic, umiiwas siya at hindi sumasagot. Kaya ako bilang dakilang amo, hinahayaan na lang siya dahil alam ko naman na nagiging tapat lang siya. Magsisinungaling kahit huling-huli na.
Lagi rin na siya ang kasama ko para mapalapit ang loob niya sa akin. Isang magandang paraan para madali ko silang maka-usap at maka-deal..
Wala na rin akong balita tungkol sa kasal, kung may nabago ba o wala. Hindi na kasi muling bumisita ang mga kamahalan, hindi rin naman nag-o-open ng topic si Ina tungkol sa bagay na ‘yun kaya hindi na lang ako nagtatanong. Ayokong naman na isipin nila na gustong-gusto ko ang plano nilang arrange marriage sa pagitan namin. Gusto ko lang talaga na mapalapit kay Sebastian para maging malawak ang koneksyon ko as his fiance. May disadvantage rin naman dahil hindi na ako malayang makakagala dahil halos lahat na panigurado ay malalaman kung sino ako.
Ayon naman sa napagkasunduan namin kailangan ko pa ng dalawang taon para maging malaya. Ang shala ‘di ba. Totoong kailangan ko ng dalawang taon para isagawa ang mga plano ko. Hindi kakayanin ng isang taon dahil magigipit ako sa oras. Sigurado naman kasi na sa yaman ng mga kamahalan, baka limang buwan bago ang kasal, hindi na sila mapakali sa kakaasikaso. Sa libro kasi gano'n ang nangyari. Ang usapan nila, bibigyan lang ng dalawang buwan si Mistress Eve para maging malaya pero iba ang nangyari. Sa loob ng dalawang buwan na ‘yun wala silang ibang ginawa kundi ang pag-planuhan ang kasal.
Pasalamat na nga lang ako dahil persuasive akong tao. Hindi maaaring matali ako sa isang tao. Gagawa ako ng paraan para hindi matuloy ang kasal. Anong akala nila sa akin tanga na mukhang pera? Totoo naman na mukha akong pera pero ayoko namang umasa sa pera ng iba. Gusto kong yumaman gamit ang sarili konh diskarte. Tsk.
Kaya nga ngayong gabi, aalis ako. Tatakas para puntahan sina Yugo. Alam ko na kasi kung anong oras ba ako binibisita ni Ina. Totoo, binibisita niya ako sa kwarto ko gabi-gabi. Malamang na tinitingnan kung nasa kwarto pa ba ako at hindi tumakas. Hindi ko alam kung bakit niya ginagawa ‘yun pero wala naman akong pakialam. Basta alam ko na kung anong oras niya ako madalas binibisita. 10:00 at 5:00 ng umaga. Ganitong oras kasi ‘to umuuwi. Kaya nga sobrang bilis ko lang dapat kumilos para maka-uwi ako ng mas maaga.
“Kwatro, si Madame?” tanong ko matapos ko siyang maka-salubong. Malamang na plano akong tawagin para kumain. Malas lang niya kasi may kusa ang katawan ko lalo na kapag gutom.
Huminto ito at nag-bow saglit bago deretso na namang tumayo at seryosong tumingin sa akin, “Mamaya pa uuwi ang Madame.”
Hindi na siya formal sa akin dahil ‘yun ang sinabi ko. Last time kasi na tumanggi siya, sinakal ko siya. Pasensiya na kung physical touch ang language ko.