“Anong gusto mong gawin ko?”
Para akong nabingi na ewan matapos kong marinig ang kakapalan ng mukha nitong batang nasa harapan ko. Gulat na lang ako kanina bago ako bumaba ng hagdan, nandoon siya nagtatago at hinarangan ako. Tinanong kung naka-sunod pa ba ang ‘munti’ niyang Ina.
Ngayon narito kami sa likod ng malaking apartment. Dito niya ako dinala dahil gusto niya raw na makipag-deal sa ‘kin. Ang lala ng tama sa utak ‘di ba?
“Ampunin mo ‘ko! Nakita ko kayo kagabi, may dala-dala kayong bag ng dyamante!”
Mabilis na tinakpan ko ang bibig ng bata dahil sa narinig. Nanlaki rin ang mata ko dahil sa narinig. Hindi ko in-expect na meron pa palang tao na gising kagabi. Kung meron man malalaman namin ‘yun dahil matalas ang pandama namin, lalo na ako. Kaya anong kalokohan ang sinasabi nitong bulunggit na ‘to?
Habang naka-takip pa rin ang palad ko sa bunganga ng bata. Sinubukan kong pakiramdaman ang paligid kung may iba pa ba talagang tao na maaaring maka-rinig nung sinabi niya. Pagkatapos ay agad kong binalik ang tingin sa bata, pinanlakihan ko ito ng mata.
“Paano mo nalaman ‘yan bata?” mahinang bulong ko. Sapat na sapat para marinig niya.
Pumikit-pikit naman ang bata tsaka niya tinuro ang kamay ko. Sumingkit muna ang mata ko bago ko binitawan ang maingay niyang bibig. Mukhang hindi naman siya maingay na bata, na-excite lang siguro siya kanina.
Natawa ako sa loob-loob ko matapos kong makita ang bata na pinunasan ang bibig niya. Hindi ko alam na natatakot pa rin pala ang mga germs sa kapwa nila germs. Pero syempre joke lang.
Lumapit ng konti saakin ang bata tsaka niya ako sinenyasan na yumuko para lumapit sa kaniya. Dahil nga sa matangkad ako at maliit siya, umupo na lang ako para maka-pantay siya. Pasalamat ‘tong maliit na ‘to mabait ako ngayong araw.
“Meron akong sikreto, Ate. Pero ngayon hindi na siya sikreto kasi sasabihin ko na sa‘yo,” inilapit niya ang bibig niya sa tenga ko saka siya bumulong, “Meron akong powers.”
Agad na lumayo ako sa kaniya matapos kong marinig ang sinabi niya. Pinag-singkitan ko siyang muli ng mata para malaman niya na hindi ako nakikipag-biruan. Pero mukhang hindi rin naman nakikipag-biruan at nagloloko sa akin dahil ganoon pa rin ang ekspresyon ng mukha niya. Sobrang inosente.
“Kung gano'n, anong klase ng powers ang meron ka?” maingat na tanong ko. Medyo lumayo na ako sa kaniya dahil medyo sensitive ang pang-amoy ko. Hindi naman sa jina-judge ko ‘tong bata pero mabaho talaga ang amoy niya. Understandable naman kasi mukhang ilang araw na siyang hindi nakakaligo, o pinapaligo.
Hindi rin naman talaga uso ang ligo at palit damit sa mga nasa Slave Area. Kulang sila tubig, gano'n din sa pagkain. Kaya nga karamihan sa mga naririto ay namamatay na lang sa gutom at sa sakit. At kaya rin karamihan ay napipilitang ibenta ang sarili o kanilang pamilya o Anak.
“Kaya kong itago ang sarili ko, Ate! Tulad nito!”
Gulat na napa-tingin ako sa hanging nasa harapan ko. Totoong nawala na siya na parang bula. Pero maya-maya bigla na naman siyang lumitaw habang naka-ngiti nang malawak. Ako naman ay wala sa sariling napa-ngiti habang iniisip kung gaano ka-importante ang bata na ‘to at kung anong potensiya niya ang maaari ko pang i-improve.
Another anakshit na naman pero ayos lang, kung ganito ba naman ang mga anakshit na darating sa akin. Ako pa mismo ang mag-t-thank you sa kanila dahil ang ako ang pipiliin nila. Hehehe.
“May iba ka pa bang powers maliban diyan?” tanong ko sa kaniya. Pilit na tinatago ang excitement.
Tumango-tango naman siya saakin, “Kaya kong itago ang sarili kong aura kung gu-gustuhin ko! ‘Yun ang dahilan kung bakit hindi niyo ako nahuli kagabi. Hihihihi.”