Ang tahimik na Mansion ng mga Salvadore ay nasira matapos maka-rating sa kanila ang balitang mayroong nagpadala sa kanila ng isang malaking regalo galing sa isang hindi kilalang tao. Sa kanilang pagbukas, gulat ang rumehistro sa kanilang mga mukha matapos makita kung ano ang nasa loob ng malaking box. Kaniya-kaniyang sigawan at iyakan ang ginawa ng mga tao sa Mansion. Aligaga namang tumawag ang Butler ng pamilya sa palasyo upang ipabatid ang nangyari.
Mabilis na kumalat ang balita kinabukasan. Ang limang kilalang tao na isang buwan nang pinaghahanap ay sa wakas, nahanap na. Ngunit ang problema, lahat ng ito ay patay na. Mas marami ang lihim na natuwa sa nangyari, sila ang mga taong naka-saksi at naka-ramdam ng paghihirap sa mga kamay ng limang lalaki. May ilang tao naman ang naawa dahil sa paraan ng pagkamatay ng mga ito, sila ang mga taong walang alam kung gaano nga ba kasama ang limang lalaki. At syempre mayroon din namang walang pakialam sa nangyari. Para sa kanila normal lamang ang bagay na ito at hindi dapat bigyan ng pansin. Ang pinagka-iba nga lang, mayaman at ma-pera ang namatay.
“Anong ibig sabihin nito?” kunot-noong tanong ng Hari matapos siyang puntahan ng isa sa mga tauhan niya.
Dahan-dahang yumuko ang lalaki, “Wala na ang isa sa mga Justice Master natin. Kasama na ang apat pang nawawala.”
Napa-lunok na lamang ang Hari sa inis at hinilot ang sintido habang patuloy na tinitingnan ang mga litratong dinala ng lalaki sa kaniya. Hindi niya maiwasan ang matakot at mandiri sa paraan ng pagpatay sa mga ito. Iniisip pa lamang niya kung anong ginawa nito sa mga ito, nandidiri na siya. Wala rin kahit na anong bahid ng dugo ang bawat parte ng mga katawan na para bang nilinisan muna ito bago ipadala sa mga bahay ng ito.
Ito ang pinaka-unang beses na nangyari ito sa kanila. Merong nilalang na nangahas na kalabanin ang mga mayayamang tao sa Elite City at Noble City. Hindi niya ito inaasahan dahil higit pa sa makapangyarihan ang mga taong biglaang nawala at namatay.
Ang isa sa mga Justice Master nila na siyang pumanaw ay ang isa sa pinaka-mayamang Justice Master. Ito ang siyang lubos na pinagkakatiwalaan ng ibang Justice Master dahil sa katandaan nito sa trabaho. Masungit ito ag mapagmataas kaya hindi na rin nagtatakha pa ang Hari kung bakit kasama ito sa mga nawala noon. Hindi na rin siya nag-ta-takha kung bakit ito pinatay. Sa sama ng ugali nito, marami itong kaaway. Mayaman man o mahirap. Isa siyang magaling na Justice Master pero pasakit din sa ulo ng Hari. Ngunit mas malaking kawalan ito sa kanila dahil hawak nito ang Slave at Commoner Area.
Sumandal ang Hari sa inuupuan niya saka nagpakawala ng malalim na buntong-hininga. Nanatili namang naka-tayo at naka-yuko ang lalaking nasa harapan niya. Tahimik lang din ito habang pinakikiramdaman ang mood ng Hari.
“Mayroon na ba kayong alam kung sino at anong klaseng tao ang gumawa nito?”
“Wala pa, Kamahalan. Wala kaming makuhang kahit na anong clue sa box na ipinadala. Malinis ang katawan kaya wala kaming nakuha na kahit na anong finger print,” magalang na sagot ng lalaki.
“Paano ang nagpadala? Hindi niyo ba tinanong ang mga taong naka-receive nung box kung anong itsura nung nagdala?”
Umiling ang lalaki saka deretsong tiningnan ang Hari sa mata, “Ayan ang isang problema namin. Sa kasalukuyan, iniisip namin na hindi normal na tao ang gumawa ng lahat. Ang kuwento ng mga bantay na nakakita, bigla na lamang daw lumitaw sa harapan nila ang box. Mayroon pa raw malaking papel na naka-dikit dito. Naka-sulat doon na isa itong munting regalo.”
Nagkaroon ng interes ang Hari matapos marinig ang sinabi, “Hindi normal na tao? Maaari. Ang gusto ko lang malaman, paano naka-kuha ng lakas ng loob ang limang ‘yun na kumalaban ng isang nilalang na alam nilang mas angat sa kanila?” natatawang tanong ng Hari.