Huminga ako nang malalim bago ginising ang dalawang naka-tulog na bata. Sa loob ng apat na oras na byahe, natulog lang sila. Saglit din ako na natulog, nagising din ako matapos naming dumaan sa mabakong daan.
“Ito na ba ‘yun, Yugo? Kinakabahan ako...” mahinang bulong ni Sadie habang tinitingnan ang labas.
Mukhang marami kaming kasabay na kararating lang dahil naka-pila ang sasakyan namin para doon maibaba mismo sa harapan ng mansyon. Halos malula na nga rin ako kanina habang naka-tingin sa lawak ng teritoryo ng pamilyang McKenzie. Gabi na ngunit maliwanag pa rin sa buong McKenzie.
“Anong gagawin namin kapag naka-baba na tayo?” tanong ko.
Iniabot na nila sa amin ng tuluyan ang imbitasyon, “Ipapakita natin ‘yan sa guwardya sa Main Door ng mga McKenzie. Kailangan niyo rin kaming ipakilala sa kanila para hindi na sila mag-takha kung sino ba kami.”
Aaminin kong kinakabahan ako sa mga oras na ‘to dahil masyadong mahirap para sa akin ang makipag-social interaction sa maraming tao. Hindi ako sanay na maraming tao sa paligid kaya hindi ko sigurado kung magagawa ko bang maka-tagal sa pagtitipon na ‘to.
Matapos naming makuha ang tyansa na makababa. Bumaba ang driver sa harapan at siya ang nagbukas ng pintuan para sa amin. Sinabi kanina nina Jane at Jazz na sa ganitong oras lang daw kikilos ang driver kaya hindi na ako nagulat.
Nauna akong bumaba, hindi ko inaasahan na maraming nakakasilaw na liwanag ang agad na bubungad sa akin pero nag-kunwari na lang ako na hindi nagulat sa nangyari. Humarap ako sa loob at inalalayan si Sadie na bumaba, mas dumami ang kumukuha ng litrato matapos bumaba ni Kei. Inalalayan ko rin sina Jane at Jazz na siyang kinagulat nila.
Hindi ako sanay na tratuhin bilang amo dahil ako ang tumatrato ng ganito sa amo.
Humarap ako sa driver at marahan siyang sinenyasan na maaari na siyang umaalis. Gusto ko pa sanang mag-bow sa kaniya bilang pasasalamat pero hindi ko naman puwedeng gawin. Inayos ko na lang ang suit ko saka ko hinawakan ang kaliwang kamay ni Sadie para alalayan siya. Sa likod naming dalawa ay si Jane, at nasa likod naman ni Kei si Jazz.
“OMG! Ang handsome naman niya!”
“Bubuka ang bulaklak sa gabing ito!”
“Ang unique ng suot niya. Sino kaya siya? Bakit parang kakaibang design ang mga damit nila? May ganiyan palang design ng damit?”
“Ang pogi!”
“Look! Ang cutie nung dalawang bata. Magkapatid yata, ibig sabihin may Asawa na siya?”
“Who is he? Hindi ko siya kilala.”
“Mah heart so hurt. Akala ko pa naman makikita ko na ang Daddy ko.”
“Invitation please,” bungad sa amin ng isang matangkad at malaking lalaki. Seryoso ang mukha habang naka-tingin sa amin.
Inabot ko ang tatlo saka ko bahagyang nilingon ang nasa likuran ko, “Personal Maids ng mga Anak ko.”
Tumango naman ang matangkad na lalaki, kinatok niya ang malaking pintuan sa likuran niya saka niya kami sinenyasan na pumasok.
Hindi ko mapigilan ang humanga sa laki ng mansyon ni Mistress Eve. Nagniningning sa ganda ang buong mansyon. Puro dyamante ang makikita ko sa maliwanag na mansyon. Buhay na buhay rin ang mansyon dahil sa tugtog at mga maharlikang tao na nakikita ko.
Tatlumpung minuto na lang at mag-u-umpisa na ang kasiyahan pero wala pa sa kalahati ang mga tao rito sa loob dahil karamihan nasa labas pa. Hindi naman sila mukhang hindi pinapapasok, mukhang sila lang itong mukhang may inaantay kaya ayaw pang pumasok.