Sabay-sabay na napatayo ang lahat ng bisita matapos makita ang lahi ng mga Fairy. Bakas sa kanilang mga mukha ang totoong pagkamangha at pagkalito. Hindi inaasahan ng lahat na may ganitong klaseng bisita ang pupunta sa pagdiriwang ng kaarawan ng Mistress Eve. May ilan din sa kanila na agad na nilingon ang puwesto ng tulala at gulat na Madame. Bakas sa mukha nito na kahit siya, hindi inaasahan ang pagpunta ng mga ito.
"Anong nangyayari? Sinong nag-imbita sa kanila?" takhang tanong ni Hera sa dalawang organizer na kasama niya.
"Hindi namin alam! Hindi sila kasama sa binigyan namin ng invitation letters, Miss Hera."
"Eh, anong ginagawa nila rito? Imposibleng papasukin sila ng gwardyang nasa labas kung wala silang dalang invitation letters?" takhang tanong ulit ni Hera. Agad niyang tiningnan ang direksiyon ng Mistress Eve. Patago lamang itong naka-tingin sa mga nasa baba upang hindi makita ng kahit na sino, "Imposibleng..."
"Malamang na ang Mistress ang mismong nagpadala sa kanila ng invitation letters, Miss Hera. Ikaw, kami, ang Madame at ang Mistress Eve lamang ang may karapatan na mag-imbita."
Hindi na sumagot pa si Hera. Nanatili na lang siyang tahimik habang naka-tingin sa hindi inaasahang bisita.
"Pagpasensiyahan niyo na, nahuli na ba kami?" medyo may kalakasang tanong ng isang matandang Fairy na nasa pinaka-unahan. Kahit na nasa katandaan na ito, hindi pa rin maisasawalang bahala ang kagwapuhang taglay nito. Kahit hindi nila tanungin, alam na ng lahat kung sino ang matandang Fairy na ito. Ang Haring Jinco ng Fairy Kingdom.
Naging tahimik ang buong mansyon na kahit ang mga musika ay pinatay.
"Haring.... Haring Jinco.... Natutuwa ako na makita kayong narito...." hindi maka-paniwalang sambit ng Madame na ikinalingon ng lahat sa kaniya. Pilit siyang ngumiti at kumalma, "Syempre naman hindi kayo nahuli, sa katunayan, nasa umpisa pa lang tayo ng pagdiriwang."
Kahit na hindi alam ng Madame ang nangyayari, nanatili na lang siyang kalmado. Mas magtatakha ang marami kung a-arte siya na para bang wala siyang alam sa pag-bisita nito. Mas makakatulong din sa reputasyon niya kung ipapakita niya sa lahat na mayroon silang malapit na pagsasama kahit ito pa lamang ang unang beses na nagkita sila.
Naging mabilis ang mga nangyari para sa mga bisitang naka-saksi ng pagdating ng hindi inaasahang bisita. Hindi pa rin nila mawari kung paanong nagkaroon ng koneksiyon ang pamilyang McKenzie sa mailap na lahi ng mga Fairy.
Hindi tinantanan ng mapanuring tingin ang grupo nina Haring Jinco. Halos lahat ay namamangha habang naka-tingin sa hindi kapani-paniwalang itsura ng mga Fairy. Karamihan sa kanila, lalo na ang mga batang henerasyon ay ngayon lang nakakita ng aktwal na Fairy. Pagkatapos ng apat na pung taon, ngayon lang nagpakita sa maraming tao ang lahing ito.
"Yugo? Ano sila?"
Agad na binalingan ni Yugo ang dalawang bata na katabi niya. Saglit niya pang tiningnan ang dalawang babaeng kasama nila na hindi pa rin maka-recover, kasalukuyan pa ring naka-tingin ang dalawa sa grupo ng mga Fairy. Binalik niya ang tingin sa dalawang bata saka niya lihim na tinuro ang direksiyon ng mga Fairy.
"Mga nilalang sila na kung tawagin ay Fairy. Ayon sa paniniwala, isa sila sa mga nilalang na lubos na pinagpala ng panginoon sa usaping kagandahan at kapangyarihan. Ang pinaka-normal na kapangyarihan ng isang Fairy ay ang panggagamot."
"Pamilyar na sa akin ang Fairy...." mahinang bulong ni Sadie.
"Paano?"
"Mabait talaga sila. Bago ako mahuli ng mga gwardya sa gubat, meron akong nakilalang lalaking Fairy!" medyo malakas na bulong sa kaniya ng bata, "Sugatan ako noon pero sa loob ng isang segundo, gumaling ako! Ang kaso pagkatapos no'n, umalis na siya. Nahuli din ako."