Tinakpan ko ang pareho kong mga tenga habang naka-tingin sa mga aninong nasa harapan ko. Wala akong marinig maliban sa malalakas nilang tinig. Para silang mga nagmamakaawa habang sumisigaw malapit sa tenga ko.
“Mistress Eve?”
“Mistress Eve!”
Para akong natauhan saka ako tumingin sa taong umalog sa kanang balikat ko. Ramdam ko na may luhang pumatak sa pisngi ko habang naka-titig kay Kwatro. Mukhang nagulat din siya at mabilis niyang pinunasan ang luhang ‘yon.
“I saw them. Kwatro did you hear them?” tumingin ako sa bahagi ng kwarto kung saan ko nakita ang mga anino.
“Sino? Saan?”
Hindi ako sumagot at umiling-iling na lang. Umiwas ako ng tingin dahil muli na namang pumatak ang luha sa kaliwa kong mga mata. Hindi ko rin alam kung ano ang nangyari sa akin.
Kasalukuyan akong inaayusan ni Kwatro at nagulat na lang ako matapos kong mapagtanto na napadpad ako sa ibang lugar. Para akong nilamon ng dilim at napunta sa ibang dimensyon. Bigla na lang akong nasa isang madilim na kwarto kung saan may mga aninong nasa harapan ko. Noong una naka-tingin lang sila sa akin pero katagalan bigla na lang silang nagsigawan. Malayo sila sa akin pero rinig na rinig ko ang mga sigaw nila na siyang nagbigay ng bigat sa dibdib ko. Pakiramdam ko may tumutusok at dumadagan sa dibdib ko kanina. Mabuti na lang inalog ako ni Kwatro.
“Kahapon mo pa sinasabi na may kakaiba sa ‘yo. Ano bang nangyari kahapon?” biglang tanong niya. Lumipat siya sa harapan ko, “Tatlong oras na lang mag-u-umpisa na ang party mo. Hindi mo gustong papasukin ang ibang tagapag-silbi para tulungan akong ayusan ka. Bakit ba parang balisa ka na hindi ko maintindihan?”
“Hindi ko alam. Kusa akong natatakot, kinakabahan sa bagay na hindi ko maintindihan. Kahapon nung magising ako, may nakita akong anino, doon sa terrace. Tingin mo ba, may kinalaman siya?”
Kahapon wala akong ginawa kundi ang matulog habang sila busy sa kung ano-ano. Nung magising ako medyo madilim na. Kitang-kita ko rin nung mga oras na ‘yun ang isang anino ng isang misteryosong tao na naroroon sa terrace. Naka-tingin siya sa akin no'n, balak ko pa sana siyang lapitan ang kaso nawala na siya.
Grabeng kaba at takot ang nararamdaman ko kahapon. Hindi mawala-wala sa dibdib ko hanggang ngayon. Binabangungot na rin ako kahit gising. Hindi ko alam kung anong nangyayari pero sigurado ako na may kinalaman ang nilalang na ‘yun sa mga nangyayari ngayon. Pilitin ko mang pigilan ang bwiset na kakaibang nararamdaman, hindi ko magawa. Para bang kusang nararamdaman ‘yun ng katawan ko, para bang may ibang kumo-kontrol sa nararamdaman ko.
“Bakit hindi mo sinabi?” naka-kunot na tanong ni Kwatro, “Malamang na isang, mahikero ang nilalang na sinasabi mo.”
Tumingin ako sa kaniya ng deretso.
“Alam ko, Kwatro. Nakakainis dahil pinaparamdam niya sa akin ang bagay na ‘to. Hindi niya rin ako tinitigilan hanggang sa panaginip,” naiinis na sambit ko, biglang sumakit ang dibdib ko kaya kumalma ako.
Maliban sa kaba at takot, wala na akong ibang puwedeng maramdaman. Kapag nakaramdam ako ng iba, sasakit kusa ang dibdib ko. Napatunayan ko ito kagabi nung mainis ako sa kung anong nangyayari sa akin. Hindi ko rin naman nagawang sabihin kahapon kay Kwatro ang nangyari dahil busy siya. Hindi ko rin nasabi sa kaniya kanina dahil wala akong ibang ginawa kundi ang mag-isip at pakalmahin ang sarili ko.
“Kakayanin mo ba mamaya?” tanong niya, “Paano kung ipaalam natin ang bagay na ‘to kay Madame?”
“Hindi, wala tayong ibang gagawin kundi ang kumalma.”
Pumikit ako at pinakalma ang sarili ko.
“Ituloy mo na ang pag-aayos sa mukha ko, pagkatapos ay ang buhok ko. Mamaya ko na susuotin ang gown dahil ayokong mainitan.”