"Ako nga, napakaganda ko hindi ba?"
Isang matamis na ngiti ang ibinigay ko sa huling bantay bago ko ito sinipa sa mukha.
Tinuluyan ko na sila para walang ebidensya. Pasensiya na lang sa kaluluwa nila dahil maling organisasyon ang sinalihan nila. Hmm.
Kasalukuyan akong nasa Black Arena. Planong nakawin ang isa sa mga manlalaro nila. Hindi lang pala isa dahil dalawa ang plano kong kuhanin. Hindi naman siguro sila magdadamdam kung mawala ang dalawa sa mga alaga nila?
Dumeretso ako sa loob ng Dungeon. Nataranta ang bawat tao sa loob ng mga kulungan matapos nila akong makita. Ngunit ngumiti lang ako saka nagpatuloy sa paglalakad. Kailangan kong mahanap agad ang dalawa kung may balak pa akong lumabas ng buhay. Dahil siguradong ilang minuto mula ngayon, malalaman na ng iba kung ano ang nangyayaring tahimik na kaguluhan dito sa loob ng Dungeon nila.
Huminto ako sa paglalakad matapos kong mamukhaan ang isa sa mga nakakulong sa isang lumang-lumang selda. Karamihan sa mga nakakulong dito ay may katandaan na, kasama na ang hinahanap ko. Pagod ang mga mata nito habang naka-tingin saakin. Puro sugat at dugo ang katawan kaya malamang na kakagaling lang niya sa laban. Kaawa-awang nilalang.
Dahil nga kontrolado ko na ang sampung porsyento ng kapangyarihan ni Mistress Eve. Madali lang saakin na buksan ang naka-lock nilang selda. Hinawakan ko lang at mabilis na itong nagbukas.
Mukhang nagulat naman ang mga taong nasa loob ng selda. Bahagya silang napa-atras matapos maging abo ang bakal na pintuan. Pumasok ako at dumeretso sa harap ng matandang lalaki na sugatan. Naka-upo lang siya sa upuan habang naka-tingin saakin. Magandang plano talaga na kunin ang lalaking 'to na maging isa sa mga bantay ko. Hindi siya marunong matakot sa mga taong mas mataas at mas malakas sakaniya.
"Maaari ba kitang isama palabas? Alam mo kasi dumayo ako rito para humanap ng maaari kong maging bantay. Kawal sa madaling salita. Mukhang malakas ka naman kahit mukha kang mahina. Maaari mo bang tanggapin ang paanyaya ko?" naka-ngiting tanong ko.
Mukhang nagulat naman ang iba sa mga matandang naroroon sa loob pero walang nagtangkang magsalita.
Naglabas ako ng isang maliit na bote. Tulad lang din 'to nung binigay ko sa puting lobo na hindi ko na muling nakita pa pagkatapos kong lumabas ng kuweba. Sigurado naman ako na magaling na 'yun kaya hindi na kailangang mag-alala. Ang pinagtatakha ko lang talaga ay kung paano siya napunta sa ganoong sitwasyon? Hmm.
Iniabot ko ang maliit na bote sa matanda. Hindi ito gumalaw, tinitigan niya lang ito kaya umupo ako nang bahagya para makapantay ko siya.
"Kailangan mong inumin ang bagay na 'to. Mukha lang 'tong kakaiba pero makakatulong ang bagay na 'to para matanggal ang mga sugat sa katawan mo. Sa loob ng isang minuto. Mawawala ang mga sugat mo, gagaling ka at babalik ang katawan mo sa dati. Kung ano ang kondisyon ng katawan mo bago ka ipasok sa mabahong lugar na 'to."
Mabaho talaga ang Dungeon. Masangsang ang amoy dahil sa mga tuyong dugo na nanggaling sa mga katawan nila.
Walang pag-aalinlangan na kinuha niya ang maliit na bote kaya tumayo na muli ako ng deretso. Hindi ko na suot ang balabal ko kaya nadumihan na ang suot kong puting bestida. Marahil kinakailangan ko nang bumili ng bagong mga damit. 'Yung komportableng damit hindi katulad ng suot ko ngayon.
Hindi niya ito sinubo at ininum agad. Tumingin muna siya saakin, "Tinatanggap ko ang paanyaya mo. Handa akong maging isa sa mga kawal na sinasabi mo basta lang mailabas mo ako sa impyernong ito."
Ngumiti naman ako at hindi na muling sumagot. Hinayaan ko na lang siya at paatras na naglakad upang makalabas. May isa pa akong kailangang hanapin kaya dumeretso ako sa pinaka-dulong selda kung nasaan nakakulong ang nag-iisang bata.