Maraming paraan para magising sa umaga. Una, iyong tilaok ng mga manok na pansabong ng mga kapitbahay mong tanggero. Sabay-sabay at parang nag-praktis na parang choir.
Hindi rin papahuli ang sigaw ng mga mangta-taho at syempre pa, ang potpot ng mga naglalako ng puto't kutsinta. Madalas, palakasan pa sila para maguluhan ka kung sino ang hahabulin at bibilhan.
Mayroon din talagang mga kapitbahay na kasing kapal ng kalyo ng mga paa ang mga mukha. Iyong tipong umagang-umaga, nag-vi-videoke na. Akala mo, may singing contest sa barangay. Ang masaklap pa, bihira ang mga hindi sintunadong kumakanta.
Madalas tuwing Biyernes ay akala mo, may demolition o sunog na nangyayari. Sa lakas ba naman ng mga natatarantang pagsigaw ng mga residente, "Basura! Basura!" tapos ang mga pahinante ng garbage truck, akala mo ay artista na pinagkakaguluhan. Minsan, para rin silang mga teacher na hinahabol mo para sa clearance.
Pero maliban sa mga iyon, walang tatalo sa pagkalansing ng mga kaldero—mga kalderong binabato ng galit mong tiyahin sa asawang inumaga ng uwi at walang natira sa sweldo.
"Utak-ipis ka talaga, Roberto! Mabuti pa ang manok mo, nakakatanggap ng daan-daan! Kami ditong pamilya mo ay wala ng pambiling bigas!"
Pababa pa lang ako ng hagdan ay rinig na rinig ko na ang galit na sigaw ni Tiya Selya. Tahimik akong pumasok ng bahay at hinakbangan lang ang kalderong halos mayupi.
"Babalik nga rin 'yun, Selya! Doble pa! Malaki ang balik kapag walong daan ang tinaya—"
"Walong daan?! Ang sabi mo ay limang daan lang! Hayop ka talaga, Berting!"
Naabutan ko sina Carlota at Jimboy na nasa hapag, nag-aalmusal. Tila balewala na lang sa kanila ang madalas na pag-aaway ng mga magulang.
"Makaalis na nga lang dito! Bwisit na buhay 'to!" huling saad ni Tiyo Berting bago nagmartsa palabas ng bahay.
"Mas bwisit ka! Madisgrasya ka sana!"
Tahimik din akong naglakad papalapit sa hapag matapos kumuha ng bakanteng tasa. Saktong may mainit na tubig pa sa thermos kaya binuhos ko na ito sa tasa at nagtimpla ng kape.
"'Di ba, ate? Parang character sa Tekken boypren mo."
Napakunot ang noo ko sa sinabi ni Jimboy. Si Carlota naman ay mukhang naiintriga.
"Boyfriend?"
"Iyong naghatid sa'yo kagabi, ate! Iyong gwapo!"
Kunot-noo akong sumagot. "Si Rio?"
"Rio? Ang gwapo ng pangalan," komento ni Carlota. Napapalatak ako.
"Kaibigan ko lang 'yon! Ano bang pinagkekwento mo diyan, Jimboy?"
Mukhang kanina pa nila pinag-uusapan.
"Pakilala mo na lang sa'kin," biglang bait na sabi ni Carlota.
"Hoy, hoy, hoy! Ano 'yan? Ano'ng boypren-boypren?!"
BINABASA MO ANG
'90s Clichés
عاطفيةSet in the 1990s, 19-year-old outgoing beauty, Tin Escalante, has always had the most cliché dream ever--to live a better life. Growing up unprivileged, she is ready to do whatever it takes to lift herself and her family out of poverty, even if she...