Sabi nga nila, mahihirapan ka lang sa umpisa. Hindi mo mamamalayan na nasasanay ka na rin pala.
Iyon ang isang bagay na napagtanto ko nang mabagal na lumipas ang dalawang linggo. Sa umpisa, napakahirap, nakakapanibago, napakabagal ng oras na bantayado. Pero kahit anong bagal ng paglipas ng mga araw ay nagulat na lang ako na dalawang linggo na pala akong nagtatrabaho rito sa Katangawan.
"Christina, mag-break ka na!"
Nakangiti akong tumango kay Ma'am Lourdes, supervisor ng store namin. Binilisan ko na ang pag-punch ng huling grocery item at diniretso sa plastic bag.
"One-hundred six po lahat, ma'am," sabi ko sa customer.
Matapos siyang suklian ay bumaling naman ako sa kasunod.
"Ma'am, sa kabilang counter na lang po muna. Salamat po."
Kinuha ko na rin ang karton na may nakasulat na 'close' at iniharap sa counter.
"Taga-Maynila ka?"
Nagulat ako sa tanong ng ginang. Ngumiti ako at tumango kahit pa tubong GenSan naman talaga ako.
"Kababalik ko lang po dito."
"Oh? Bakit ka pa bumalik? Mas maganda sa Maynila."
Ngumiti na lang ako. "Kailangan po, e..."
Tumango naman siya at naglakad na paalis. Pero bago pa man siya makalayo ay narinig ko ang kaniyang bulong.
"Sayang..."
Sayang. Iyon ang madalas kong naririnig sa mga taong nakakaalam na iniwan ko ang buhay sa Maynila para magtrabaho sa probinsya. Iyon din naman ang nararamdaman ko. Sayang.
Pero sa higit dalawang linggo ko rito ay natutunan ko na ang buong pusong pagtanggap sa nangyari. Mabilis naman akong nakapag-adjust. Mabilis akong masanay. At kahit may malaking pagbabago ang nangyari sa buhay ko ay hindi ko hahayaang tuluyan akong baguhin nito.
"Kaya inaway ko talaga. Sabi ko, may girlfriend 'yan si Rio at 'di hamak na mas maganda sa kaniya!"
Natatawa kong nginunguya ang kanin na may ginataang langka. Uminom din ako sa bote ng Mirinda bago nagsalita.
"Dapat hinayaan mo na lang. Isipin pa no'n, pangit ako kaya ganiyan ka ka-defensive."
Nakita ko pang napatingin sa akin si Ate Inday na server sa canteen. Ngumiti ako sa kaniya na ikinangiti niya rin. Close kami ni Ate Inday dahil ang bait niya. Siya ang nagre-reserve ng upuan ko malapit sa payphone kapag alas dose na ng tanghali. Alam niya kasing katawagan ko si Melanie.
"Hmp! Sabagay, 'di naman siya papansinin ni Rio. E, sa'yo inlababo 'yon, e!"
Dinaan ko ang sinusupil na ngiti sa pag-ismid.
"Inlababo ka diyan..."
"Totoo naman, ah! Bumalik ka na kasi dito para makita mo!"
Napairap na lang ako. "'Di nga pwede. Hindi pa okay si tatang!"
BINABASA MO ANG
'90s Clichés
RomanceSet in the 1990s, 19-year-old outgoing beauty, Tin Escalante, has always had the most cliché dream ever--to live a better life. Growing up unprivileged, she is ready to do whatever it takes to lift herself and her family out of poverty, even if she...