Chapter 19 Part B:
Silent Night
(UNEDITED VERSION)
AYASE
NAGISING ako dahil sa liwanag ng sinag ng araw na tumatama sa mukha ko. Tanghali na pala. Napasarap ang tulog ko. May pasok pa naman ako ngayong araw.
Akmang babangon ako nang mapansin kong may matipunong braso na nakapulupot sa akin. Nanlaki ang mga mata ko. Hindi ako makagalaw. Naramdaman ko ang biglang pag-init ng mukha ko at bilis ng kabog ng dibdib ko. Nalunok ko ang sarili kong laway.
Tiningnan ko ang lalaking mahimbing na natutulog sa tabi ko. Hinayaan kong manatili kami sa ganoong ayos. Nakatulog pala ako habang nasa bisig ni Sungjin. Inabot pa ng tanghali ang gising ko. Ang hula ko, sinadya nina Wonpil na hindi kami gisingin nang makita kaming magkayakap habang natutulog. Paniguradong tutuksuhin ako ng magkapatid dahil dito.
Napako ang mga mata ko sa mukha ni Sungjin. Napakapayapa ng itsura nito habang natutulog. Iniwasan kong gumalaw upang hindi siya magising.
Hinawi ko ang ilang hibla ng buhok niya na nakatakip sa kaniyang mukha para lalo siyang mapagmasdan. Napakasuwerte ni Prinsesa Amara dahil isang Sungjin ang nagmamahal sa kaniya―isang lalaking tapat at lubos magmahal. Bagay na gusto ko ring maranasan balang araw.
Ano kaya ang pakiramdam na mahalin ng isang kagaya ni Sungjin? Para siguro akong nasa langit araw-araw kapag nangyari 'yon. Ngayon pa nga lang ay nagwawala na ang puso ko kahit ibang tao ang nakikita niya sa akin.
Puwede bang manatili na lang tayong ganito, Sungjin? Sana ako na lang ang prinsesa mo. Gusto kong batukan ang sarili ko sa isiping iyon. Hindi puwedeng magpatuloy ang kahibangang ito. Masasaktan lang ako sa huli. Habang maaga pa, kailangan ko na itong tuldukan.
Napaigtad ako nang bigla niyang iminulat ang mga mata niya. Nahuli niya akong nakatingin sa kaniya. Babawiin ko na sana ang kamay ko pero mabilis niya itong nahawakan.
"Ang ganda ng mga mata mo kahit may..." Nagdalawang-isip siya kung itutuloy ang sasabihin. "Ang ganda ng mata mo kahit bagong gising."
Naningkit ang mga mata ko na nakatingin sa kaniya. Siguradong hindi iyon ang gusto niyang sabihin noong una. Agad ko rin namang naintindihan ang nais niyang iparating. Sa kabila n'on ay hindi niya ipinaramdam na dapat kong ikahiya 'yon. Hindi siya nag-aalinlangang titigan ako. Halos hindi nga siya kumurap.
Ako na lang ang nag-iwas ng tingin saka ko pasimpleng pinasadahan ng daliri ang sulok ng mga mata ko. Hindi ko maiwasang makaramdam ng hiya dahil sa lapit namin sa isa't isa. Hindi niya pa rin inaalis ang braso niya sa akin.
"M-Magandang umaga. Naging maayos ba ang tulog mo?" Pinilit kong ngumiti para hindi niya mahalata na may epekto siya sa akin.
Muli akong napatingin sa kaniya nang gawaran niya ng halik ang kamay ko. Pagkatapos ay binigyan niya ako ng isang matamis na ngiti. Hindi ko na maalala kung kailan ko huling nakita ang ngiting iyon.
"Ngayon na lang ulit ako nakatulog nang ganito kahimbing. Maraming salamat sa 'yo, prinsesa."
Nang subukan kong kumawala sa kaniya ay hinayaan niya na ako. Muntik ko ng makalimutan na ako si Prinsesa Amara sa mga mata niya. Para kay Amara 'yang mga ngiti niya. Si Amara lang ang nakikita niya.
Bumangon ako at umupo sa gilid ng kama. "Sungjin, hindi ka ba galit sa akin?" pag-iiba ko sa usapan.
"Kailanman ay hindi ako nagalit sa iyo," narinig kong sagot niya.
Masabi niya pa kaya iyan kapag nalaman niyang ako ang may kagagawan sa mga pinagdaanan niya? Ako ang nagdikta kay Amara na magkagusto sa iba. Ako rin ang may kagagawan sa pagkawala ng kaniyang ama.