Chapter Ten Part A:
The Art ClubA Y A S E
ILANG araw lang akong hindi pumasok, natambakan kaagad ako ng mga gawain. Hindi ako makapag-focus as ginagawa ko dahil pinagtitinginan ako ng mga kapwa ko estudyante. Nagtataka siguro sila kung bakit palagi akong may kasamang lalaki na matikas tumindig kahit saan man ako magpunta. Pinayagan akong pumasok ng mga magulang ko kung may bodyguard na magbabantay sa akin. Kinausap naman ni Lola ang principal ng school na pinapasukan ko at sinabi ang nangyaring pagdukot sa akin kaya pumayag itong pumasok ang bodyguard ko.
Niligpit ko ang mga gamit ko at nagtungo sa Art Room upang doon tapusin ang ginagawa ko. Hinayaan ko lang na sumunod sa akin ang bodyguard pero hindi ko na ito pinapasok sa loob. Naiwan ito sa labas. Para akong nabunutan ng tinik pagkasara ko sa pinto.
Kumunot ang noo ko nang makita kong nasa loob ang lahat ng miyembro ng Art Club. Nakaupo sila sa dalawang mahabang couch na magkaharap at may mesa sa pagitan. Nakatayo naman sa dulo si Brian. Mukhang may pinag-uusapan sila.
"Tamang-tama ang dating mo, Miss Devora. Please take your seat."
Kahit pa paano ay nabawasan ang nararamdaman kong stress nang makita ko ang ngiti ni Brian. Ang singkit niyang mata ay lalong lumiit. Gaganti rin sana ako ng ngiti pero napagtanto ko na walang kahulugan ang ngiti niya dahil may iba siyang gusto. Nag-iwas na lang ako ng tingin. Mas lalong bumigat ang pakiramdam ko.
Hindi ko kilala ang babaeng nakaupo sa tabi ni Samantha kaya mas pinili kong tumabi kay Jae kahit na may katabi na ito, at tatlo na kami sa isang couch.
"Nabalitaan ko ang nangyari sa 'yo," bulong ni Jae sa tainga ko.
"I'm not in the mood to talk about that," pagsusungit ko. Wala ng mas isisira pa ang araw ko.
"Hindi mo dapat sinusungitan ang boyfriend mo," natatawang aniya.
Tiningnan ko siya nang masama kaya tumigil naman siya. Ibinaling ko kay Brian ang tingin ko. Panay ang sulyap nito sa sariling relo, mukhang may hinihintay na dumating. Siguradong hindi si Samantha ang hinihintay nito dahil kanina pa ito nandito. At isa pa, anim lang kami sa Art Club, at lahat ay nandito na.
"What's taking him so long?" narinig kong tanong ng lalaking katabi ni Jae. Kahit na halatang naiinip na ito, hindi nito naikubli ang nag-uumapaw na ka-cute-an. He's too cute for a guy.
"Don't worry, Wonpil. Lagot sa akin ang lalaking 'yon kapag pinaghintay niya pa tayo nang matagal."
Awtomatiko akong napalingon kay Samantha na nakaupo sa tapat ng lalaki nang magsalita ito. Hindi ako puwedeng magkamali, isa ito sa mga boses na narinig ko noon. Ngumiti ito nang mapansing nakatingin ako sa kaniya. Nanginginig ang katawan ko nang maalala ko kung saan ko narinig ang boses niya.
"Sorry, I'm late."
Para akong napako sa kinauupuan ko nang muli kong marinig ang malalim na boses na 'yon ng isang lalaki. Mabilis na bumalik sa alaala ko ang mga tagpong gusto ko ng ibaon sa limot.
Wala akong lakas ng loob na lingunin ang lalaking kadarating lang. Ang lakas ng kabog ng dibdib ko habang palapit nang palapit ang mga yabag nito. Lahat sila ay nakatingin dito maliban sa akin.
"Sorry, I'm late," ulit nito sa sinabi kanina. Tuluyan na itong nakalapit sa amin. Huminto ito sa gilid ko. "May tinapos muna ako bago ako pumunta rito."
"Everyone, I want you to meet Dowoon, Samantha's younger half-brother. Dowoon, welcome to the Art Club. You can take your seat. Now, shall we start?"