Chapter Six Part B:
Amidst the Woods
A Y A S E
SINUBUKAN kong kalagin ang pagkakatali sa akin sa upuan pero nabigo lang ako. Ilang beses ko ng sinubukan pero lagi lang akong nabibigo. Masyadong mahigpit ang tali sa akin. Halos magkaroon na ako ng sugat.
"Just give up already. Masasaktan ka lang sa ginagawa mong 'yan. At isa pa, ako ang nagtali sa 'yo. Boy Scout ako dati kaya expert ako sa pagtali." Kinindatan ako nito kaya nagsitaasan na naman ang mga balahibo ko. Hindi ko pa rin nakakalimutan ang panghihipo niya sa hita ko.
Tinapunan ko ito ng masamang tingin. Kanina pa ito titig nang titig sa akin habang nakaupo sa sahig. Iniisip siguro nito na bigla na lang akong maglalaho sa paningin niya na parang bula. "Stop looking at me, pervert!"
Ibinaling ko na lang sa ibang direksyon ang paningin ko nang marinig ko itong tumawa.
"I was just kidding back then. Wala akong balak pagsamantalahan ka. Hindi ako interesado sa mga babaeng may gatas pa sa labi."
Hindi ko na lang ito pinansin. Napadako naman ang tingin ko sa lalaking nakahiga sa couch. Nakatakip ang sumbrero nito sa mukha, halatang natutulog. Parang wala itong pakialam sa mundo. Hanggang ngayon, napapaisip pa rin ako kung bakit pamilyar ito sa akin.
Nakaupo naman malapit dito ang isa pang lalaki na abala sa pagbuklat ng sketchpad ko. Mukhang binabasa nito ang comics na gawa ko.
Narinig kong tumunog ang tiyan ko. Nagugutom na ako. Wala ba silang pagkain dito? Wala ba silang balak pakainin ako? Papatayin siguro nila ako sa gutom.
Makalipas ang ilang minuto, narinig ko ang mahinang pagtawa ng isang lalaki kaya nilingon ko ito. Hawak pa rin nito ang sketchpad ko.
Ano'ng nakakatawa sa comics ko?
Maya-maya'y naririnig ko na ang pagsinghot nito, parang naiiyak.
Nilapitan ito ng pervert na hindi pa rin inaalis ang tingin sa akin. Inalis lang nito ang mga mata sa akin nang tingnan ang binabasa ng kasama nito. "Umiiyak ka ng dahil lang sa isang comics? Are you crazy?"
Pinunasan naman ng kausap nito ang tumulong luha, saka bumaling sa akin. Kitang-kita ko ang pamamaga ng mga mata nito. "Wala na ba itong kasunod?"
May pumasok na ideya sa utak ko. Sana mauto ko ito. "Gusto mo bang ipagpatuloy ko 'yan ngayon?"
"Talaga?" Parang hindi siya makapaniwala. Talagang hindi dapat siya magtiwala sa akin dahil uutuin ko lang siya.
Tumango ako. "Pero kailangan mo muna akong kalagan para makapag-drawing ako."
Akmang lalapit ito sa akin para kalagan ako nang batukan ito ng kasama nitong pervert. "Inuuto ka lang niyan."
"Nakakaapat ka na!"
"Hindi ka ba marunong magbilang? Pangatlo pa lang kaya 'yon!" Muli itong binatukan ng pervert na lalaki. "'Yan ang pang-apat."
"Nakakarami ka na!"
Bigla silang tumigil sa pagtatalo nang tamaan sila ng throw pillow sa ulo. "Hindi ba kayo marunong mahiya? Tinalo niyo pa ang mga bata kapag nagtatalo."
Napadako ang tingin ko sa lalaking nagsalita. Mukhang kagigising lang nito. Nakasuot na ulit ito ng sumbrero at face mask.
"Uno will be here soon. If you don't want to be punished, do your job. Stop fooling around."
Bigla naman silang naging maamong tuta nang banggitin nito ang uno. Sa tingin ko, pangalan 'yon ng isang tao. Base sa reaksyon ng dalawang lalaki, nakakatakot ang taong 'yon.
Sabay-sabay kaming napatingin sa pintuan nang bumukas ang pinto. Unang pumasok ang isang babae na nakamaskara. Natatakpan ng maskara ang kabuuan ng mukha nito kaya hindi ko iyon makita.
Siya ba si Uno?
Sunod na pumasok ang isang matandang lalaki. Nakamaskara rin ito ngunit kalahati lang ng mukha nito ang natatakpan.
Nagkasalubong ang mga mata namin. Nanlilisik ang mga mata niya habang nakatingin sa akin. Punong-puno iyon ng poot. Nakakatakot.
He must be Uno.
Kahit ilang pilit kong alalahanin, hindi ko maalalang kilala ko ito. Wala rin akong maalala na may nagawa akong masama rito para kapootan ako nito. Marahil ngayon ko lang ito nakita.
"Siya na ba 'yon?" tanong nito, hindi pa rin inaalis ang tingin sa akin. Halatang ako ang tinutukoy nito.
"Hindi ako puwedeng magkamali, Lolo. I saw her do it," sagot ng babaeng kasama nito. Pamilyar sa akin ang boses ng babae. Ngunit hindi ko maalala kung saan ko ito narinig.
Lumapit sa akin ang matanda. Itinaas niya ang baba ko para makita niya nang maigi ang mukha ko. Kapansin-pansin ang pagtatagis ng mga bagang niya. "Habang pinagmamasdan kita, nakikita ko ang lolo mo sa 'yo. Naalala ko ang kasalanan niya sa akin. Dahil patay na siya, ikaw ang magbabayad ng utang niya."
Humigpit ang hawak niya sa baba ko. Tiniis ko ang sakit dahil naniniwala ako na matatapos din 'to. Makakaalis din ako rito. Makakauwi pa ako.
Ramdam ko ang nag-uumapaw na galit sa puso niya. Kitang-kita ko iyon sa mga mata niya.
Binitawan niya ako. Bumaling siya sa babae na nakatayo sa likod niya. "Maayos na ba ang kuwarto ko? Gusto ko munang magpahinga bago kami magtuos ng batang 'to."
Naglakad siya patungo sa pintuan kasama ang babaeng 'yon. Bago nito buksan ang pinto para sa kaniya, tumigil siya sa paglalakad.
He look over his shoulder. "I heard you have the same talent as your grandfather. You should show it to me when I get back here." Bumaling naman siya sa mga lalaking dumukot sa akin. "Pakainin niyo muna 'yan. Hindi ko na mapapakinabangan 'yan kapag namatay 'yan." He went outside the room, and shut the door behind him.
Lahat kami ay nakatingin sa pinto kung saan ito lumabas. I don't know what just happened. I just can't follow. Hindi ko alam kung ano ang mga pinagsasabi niya.
Narinig ko na namang tumunog ang tiyan ko. Kanina pa ito nagrereklamo pero nawalan na ako ng ganang kumain. Natatakot ako sa maaaring mangyari sa akin kapag nagtagal pa ako rito.
"I want to go home. Just let me go home." Yumuko ako. Hinayaan kong tumulo ang mga luhang kanina ko pa pinipigilan. Gaano na ba ako katagal dito? Gusto ko ng umuwi sa amin. Ayaw ko ng manatili rito.
Naramdaman kong may lumapit sa akin. Iniabot nito ang isang panyo. Tinitigan ko lang iyon. Hindi ko rin naman 'yon magagamit dahil nakatali ang mga kamay ko.
"Hindi ka sasaktan ni Lolo kung gagawin mo ang ipinapagawa niya."
Iniangat ko ang ulo ko, at tiningnan ito. Kapansin-pansin ang pamumula ng tainga niya. Nagkasalubong ang mga mata naming dalawa. Nagulat ako nang punasan niya ang pisngi ko gamit ang panyo na hawak niya. Nakagat ko ang labi ko para pigilang tumulo ang mga luha ko.
"Sino ka ba talaga?"
A C O L D D A Y I N A P R I L
a c o s c u r o