Chapter 19 Part A: Silent Night

12 0 0
                                    

Chapter 19 Part A:

Silent Night

AYASE

PAGKAPASOK na pagkapasok ko sa aking silid, dumiretso kaagad ako sa kama ko. Hindi na ako nag-abalang magpalit ng damit at hubarin ang sapatos ko. Nakatulala lang ako sa kisame, iniisip kung kumusta na si Sungjin. Nakatutulog ba siya nang mahimbing?

Naputol ang pagmumuni-muni ko nang biglang tumunog ang phone ko. Tinatamad kong kinuha iyon pero nang makita kong may text galing kay Ate Tiffany, agad ko itong binasa.

Tiffany: Naaalala mo 'yong ilegal na organisasyong kumuha kay Sungjin noon?

Aya: Yes, I remember them. Bakit?

Tiffany: Finally, nahuli na sila ng mga pulis! Matagal na pala silang iniimbestigahan kaya maraming ebidensiya ang nakalap laban sa kanila. They'll be locked up in jail for good!

Napabalikwas ako ng bangon. Hindi ako makapaniwala sa nabasa ko. Paulit-ulit ko itong binasa upang makasiguro na tama ang pagkakabasa ko. Nang masigurong hindi ako nagkamali, halos magtatalon ako dahil sa tuwa. Masayang-masaya ako para kay Sungjin.

Tiffany: This calls for a celebration! Why don't you come over?

Bago pa ako makapagtipa ng reply, nakatanggap ulit ako ng mensahe galing sa kaniya.

Tiffany: We already told your parents. See you in a bit!

Dali-dali akong nagbihis ng panlakad at nagwisik ng pabango. Pagkatapos kong mag-ayos ng sarili, bumaba agad ako upang magpaalam sa mga magulang ko. Pero mukhang hindi na kailangan dahil nakaabang na sila sa akin sa sala.

"Ikumusta mo na lang kami kay Sungjin, Aya." Nginitian ako ni Papa.

Iniabot naman sa akin ni Mama ang hawak niyang food container na naglalaman ng niluto niyang adobo. "Itanong mo na rin kung kailan niya balak bumisita rito. Ipagluluto ko siya ng paborito niyang pagkain."

"Hindi po ako magtatagal doon. Uuwi rin ako kaagad."

"Tell Sungjin he's always welcome here."

I smiled at them. Tumango ako saka humalik sa pisngi nila at umalis. Paglabas ko ng pinto, nakaabang na ang sasakyan sa akin. Binati agad ako ng driver at pinagbuksan ng pinto habang nakangiti nang malapad. Agad itong nagmaneho pagkasakay ko. Mukhang mas nauna pa nitong nalaman na may lakad ako kaysa sa akin.

Hindi ko maiwasang mapabuntong-hininga habang nakatanaw sa bintana ng sasakyan. Hindi ako mapakali sa kinauupuan ko. Kinakabahan akong makaharap si Sungjin dahil sa nangyari noong huli kaming nag-usap.

"Ikaw ang gusto ko. 'Yon ang alam kong totoo."

Nakagat ko ang labi ko at muling napabuntong-hininga. Hindi ko alam kung paano sasabihin sa kaniya na hindi ako si Prinsesa Amara. Hindi rin ngayon ang tamang oras para sabihin sa kaniya ang totoo. Ayaw kong matabunan ng masakit na katotohanan ang isang magandang balita.

Huminto ang sasakyan at muli akong pinagbuksan ng pinto ng aming driver. Matapos kong magpasalamat ay bumaba ako. Huminga ako nang malalim upang mabawasan ang nararamdaman kong kaba. Hindi naman ako magtatagal dito. Kukumustahin ko lang si Sungjin. Pagkatapos ay uuwi na ako.

Bitbit ang food container na ipinadala ni Mama, nagtungo ako sa gate ng bahay nina Wonpil. Nakaabang doon ang magkapatid. Malapad ang ngiti ni Ate Tiffany, kabaliktaran ni Wonpil na parang 'di mapakali sa kinatatayuan.

"It's good to see you again, Aya! Ilang araw ka ring hindi napadpad sa amin," bati ni Ate Tiffany.

"I'm sorry, naging abala kami sa art exhibition," palusot ko. Bumaling ako kay Wonpil. "What's wrong, Wonpil? Parang hindi ka masaya na makita ako," biro ko para malipat sa iba ang topic.

A Cold Day in AprilTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon