Chapter 20 Part A: Help Me Help You

15 0 0
                                    

Chapter 20 Part A:

Help Me Help You


[UNEDITED VERSION]

AYASE

HABOL ko ang aking paghinga. Kahit ano'ng gawin kong takbo ay hirap na hirap akong makaalis sa kinatatayuan ko. Ang bigat ng katawan ko, parang naka-slow motion ang bawat galaw ko.

Tinangka kong sumigaw pero walang lumabas na boses sa bibig ko. Wala rin akong makitang tao sa paligid na puwede kong hingan ng tulong. Napakatahimik ng paligid. Kahit sarili kong mga yabag ay hindi ko marinig. Mukhang abandonado ang eskinitang dinadaanan ko dahil wala akong makitang tao. Hindi ko maalala kung paano ako nakarating dito. Hindi ko alam kung saan ako patungo. Ang gusto ko lang ay makalayo.

Nanginginig akong lumingon sa likod ko upang makita ang humahabol sa akin. Ngunit tanging anino lang ang nakita ko. Lalo ko pang binilisan ang pagtakbo. Kung ano man 'yon, wala akong balak maabutan nito.

Bigla na lang akong natumba nang may tumamang matigas na bagay sa ulo ko. Nalaglag ito sa harap ko. Tiningnan ko kung ano 'yon habang hinihimas ang masakit na bahagi ng ulo ko na tinamaan niyon.

Isang sketchpad?

Hindi ito isang simpleng sketchpad lang dahil katulad ito ng sketchpad ng yumao kong lolo.

Lumingon-lingon ako sa paligid. Gaya kanina ay wala akong nakitang tao. Sino kaya ang nagbato nito sa akin? Imposibleng ang sketchpad na ito ang humabol sa akin! Naguguluhan ako sa mga nangyayari.

Mabilis akong lumayo mula sa sketchpad nang bumukas ang mga pahina nito kahit hindi ko ito hinawakan. Isang nakakasilaw na liwanag ang lumabas mula rito. Nagsitaasan ang mga balahibo ko lalo na nang may mga kamay na unti-unting lumalabas doon.

Gustuhin ko mang tumakbo ay ayaw makinig ng katawan ko. Nakapako lang doon ang mga mata ko. Nakikita ko na ang paglitaw ng ulo ng may-ari ng kamay. Lalong lumakas ang liwanag na nagmumula sa sketchpad. Napapikit ako at hinarangan ang liwanag gamit ang braso ko.

Nawala ang liwanag pero hindi ko pa rin magawang silipin ang sketchpad.

"I need your help," tinig ng isang babae.

Nagkaroon ako ng lakas ng loob na tingnan ito. Pero hindi ko pa rin ito magawang titigan nang diretso. Ginawa kong pangharang ang braso ko para may pangdepensa ako sa sarili ko kung sakalin mang may gawin siyang masama. "'W-Wag mo po akong sasaktan! Hindi po ako masamang tao."

Bumuka ang bibig nito, tila may gustong sabihin sa akin. Pagkatapos niyang masabi ang kaniyang pakay, unti-unti siyang naglaho sa paningin ko.

Napabalikwas ako ng bangon. Humahangos na inilibot ko ang paningin ko sa kabuuan ng kuwartong kinaroroonan ko. Nakahinga ako nang maluwag habang nakahawak sa dibdib ko. Nasa sariling silid pa rin ako.

Kung ganoon, panaginip lang ang nangyari?

Humugot ako ng malalim na buntong hininga. Ramdam ko pa rin ang pagod na dulot ng pagtakbo. Bahagya pang nanginginig ang kamay ko. Akala ko, si Sadako ang lalabas roon sa sketchpad. Muntik na akong atakihin sa puso kahit wala naman akong sakit.

Pilit kong inalala kung ano ang sinabi ng babae pero bigo ako. May palagay ako na mahalaga 'yon. Hindi ako mapapakali kapag hindi ko naalala kung ano 'yon.

Sinulyapan ko ang wall clock. Nanlaki ang mga mata nang mapagtantong mahuhuli na ako sa klase. Agad akong tumayo at kumuha ng tuwalya saka tumakbo papasok sa banyo.

Habang naliligo ay iniisip ko pa rin kung ano ang sinabi n'ong babae kanina.

Ano ba kasi 'yon?

A Cold Day in AprilTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon