Chapter 13 Part A:
DoorwayA Y A S E
HAWAK ang bagong tasang lapis, sinubukan kong iguhit ang mukha ni Sungjin. Bawat kurba nito ay nakatatak sa isipan ko. Maging ang hugis ng mga mata niya, ilong, labi at kilay ay alam na alam ko. Pero kahit gaano ko pa kabisado ang lahat ng iyon, hindi ko ito maiguhit.
Muli kong nilamukos ang pahina ng sketchpad sa ibabaw ng lamesa ko. Padabog ko iyong itinapon sa maliit na basurahan sa gilid nito. Punong-puno na ito ng nilamukos na papel. Ang ilan ay nagkalat na sa sahig.
Ibinaba ko ang lapis at ibinuhos sa pagsabunot sa buhok ko ang frustration na nararamdaman ko. Magulong-magulo na ito dahil sa paulit-ulit na pagsabunot ko rito.
Nakarinig ako ng katok sa pinto. Bumukas iyon at pumasok si Mama. Kumunot ang noo nito nang makita ako sa ganoong ayos. Hindi siya sanay na magulo ang kuwarto ko. “May problema ba, Aya?”
“Wala po, Ma. Ganito lang ako kapag may kinakabisadong aralin. May quiz po kasi kami mamaya,” pagsisinungaling ko. Pinilit kong ngumiti para hindi na siya mag-usisa pa. “May kailangan ka po ba?”
“Bumaba ka na. Sabay-sabay na tayong kumain ng almusal. Ako na lang ang magliligpit ng kalat dito mamaya.” Tinanguan ko si Mama bago siya lumabas ng kuwarto ko.
Niligpit ko muna ang ilan sa mga gamit ko, saka ako bumaba. Naabutan kong nagsisimula na silang kumain. Ako na lang ang hinihintay nila.
Umupo ako sa bakanteng upuan at nagsimula na ring kumain. Tahimik lang kami habang kumakain. Pero napapansin ko ang mga kakaibang tinginan nina Mama at Papa, parang may nais silang itanong sa akin. Tiningnan ko si Lola pero nagkibit-balikat lang ito.
Nang makaalis si Aki para pumasok sa paaralan, saka lang sila nagsalita.
“I was just wondering, bakit hindi ko na nakikita si Sungjin? Nasaan na ba ang batang iyon? Pinaalis mo ba siya ng bahay?” diretsong tanong ni Mama.
Nagkatinginan kami ni Lola. Hindi ako nakasagot kaagad. Hindi ko napaghandaan ang isasagot ko. “U-Umalis po siya nang kusa.”
Halata ang panlulumo sa mga mukha nila. They really like Sungjin. I can’t blame them. Sungjin is a kind person. I created him.
Si Papa naman ang nagtanong. “Bakit mo siya hinayaang umalis? Nag-away ba kayo?”
Parang gusto ko na agad tapusin ang kinakain ko. Hindi ko alam kung paano lulusutan ang mga tanong nila.
“Hayaan na ninyo ang mga bata. Baka may hindi sila napagkaunawaan,” paliwanag ni Lola sa mga ito. Mabuti na lang at nandito siya para iligtas ako.
“Pero malaki ang utang na loob natin sa kaniya dahil sa pagliligtas niya kay Aya. Hindi ba’t mag-isa na lang sa buhay ang binatang ‘yon? Gusto sana naming kupkupin siya bilang pasasalamat sa ginawa niya.”
“Kung gano’n, puwede n’yo po ba akong tulungang mahanap siya?”
Nagkatinginan muna sina Mama at Papa bago ako nginitian. “Of course, Sweetheart. We’d love to help you. Hindi na rin iba sa amin ang batang ‘yon.”