Chapter Fifteen Part A:
Honest as the Day is Long
AYASE
"SUNGJIN!"
Napabalikwas ako ng bangon. Bumungad sa akin ang hindi pamilyar na silid. Hinanap agad ng mga mata ko ang may-ari ng pangalang binanggit ko. Napadako ang paningin ko sa lalaking tahimik na nakamasid sa akin. Nang mapansin niya na nakatingin ako sa kaniya ay binigyan niya ako ng matamis na ngiti.
"Good morning," bati niya sa akin. Hindi pa rin nawawala ang nakakasilaw na ngiti sa mga labi niya, tila nagliliwanag ang paligid dahil sa kaniya. "Hindi ka nakapaghapunan kagabi. Nagugutom ka na ba? Dinalhan kita ng agahan." Inilapag niya sa ibabaw ng mesang nasa gilid ng kama ang isang tray na naglalaman ng pagkain at inumin.
Sinubukan kong tumayo ngunit agad akong napaupo sa kama nang makaramdam ako ng hilo. Nasapo ko ang ulo ko. "Nasaan si Sungjin?"
Dinaluhan niya ako. Hinawakan niya ang balikat ko at bahagya siyang yumuko, puno ng pag-aalala ang mukha niya. "Kumusta na ang pakiramdam mo?" balik-tanong niya. "Ikaw si Ayase Devora, hindi ba? Kung hindi mo natatandaan, ako si Wonpil. Nagkita na tayo sa art room. Miyembro rin ako ng Art Club."
"Ako ang unang nagtanong." Hindi naiwasang magsalubong ang mga kilay ko. "Nasaan si Sungjin?" pag-uulit ko. Hindi ako puwedeng magkamali. Sigurado akong si Sungjin ang nakita ko bago ako nawalan ng malay.
Nakapako ang tingin niya sa akin. "Your eyes are beautiful."
Napanganga ako pagkarinig ng sinabi niya. Hindi ko makapa kung ano ang dapat maging tugon doon. "'W-Wag mong ilihis ang usapan," I hissed. "Nasaan ako? Magsabi ka ng totoo, Wonpil. Isa ka ba sa mga tauhan ni Uno? Inutusan ka ba niyang dukutin ako?"
"Hindi ko kilala ang Uno na tinutukoy mo." Huminga siya nang malalim at saka dumistansiya sa akin. "Nawalan ka ng malay dahil sa insidente kahapon. Dinala kita rito sa bahay dahil hindi ko alam kung saan ka nakatira. Nandito ka sa kuwarto ng nakatatanda kong kapatid na babae. May gumagamit ng guestroom at nagkataong wala rito ang kapatid ko kaya sa kuwarto niya kita pinatuloy. Nasagot ko na ba ang mga tanong mo?" He gave me an assuring smile. "Huwag kang mag-alala, hindi kita dinukot. Nakausap ko na pala ang mga magulang mo. Papunta na sila rito. Pasensiya na kung pinakialaman ko ang gamit mo."
Tinitigan ko siya nang maigi. Puno ng sinseridad ang mga mata niya na nakatingin sa akin. "Hindi mo pa nasasagot ang tanong ko tungkol kay Sungjin. Nakita ko siya bago ako nawalan ng malay."
Napabuntong-hininga siya. "Kumain ka na. You don't have to worry about anything. You're safe here."
Hindi ko mawari kung ano ang ibig sabihin ng ikinilos niya. Marahil ay wala siyang alam o kung mayroon man ay ayaw niyang ipaalam sa akin. Maaari ring pinaglaruan lang ako ng mga mata ko noong mga oras na 'yon.
"Maiwan na muna kita para makapagpahinga ka. Kakatok na lang ako mamaya kapag nandito na ang susundo sa 'yo." Tumalikod siya sa akin at naglakad patungo sa pintuan.
"'Yong dalawang lalaking kasama ko, nasaan sila?"
"Dinala ko sila sa ospital. May tama ng bala ang isa sa kanila. Malala rin ang tinamong sugat ng isa. Pero wala kang dapat ipag-alala, maayos na ang lagay nila." Hinawakan niya ang seradura ng pinto. He looked over his shoulder. "Kung may kailangan ka, hanapin mo lang ako sa baba. 'Wag kang mahihiya na kausapin ako. I'd be glad to be of help." He went out of the room and shut the door behind him.