Chapter Two Part B:
Sketchpad
A Y A S E
NAG-IGTING ang bagang ko nang makilala ko ito. Hindi ko napigilan ang sarili ko, binato ko ito ng sketchpad na dala-dala ko. Mukhang hindi niya inaasahang gagawin ko iyon kaya hindi siya nakailag. Napapikit na lang siya nang dumapo 'yon sa mukha niya.
"Ang lakas ng loob mong pumunta rito sa Art Room!" bulyaw ko sa kaniya. "May gusto ka ba sa akin kaya sinundan mo ako rito? Para sa kaalaman mo, hindi ikaw ang tipo kong lalaki, Jae."
Tumawa siya nang malakas, halos nakanganga na siya. Kitang-kita ko ang pantay at mapuputi niyang ngipin. "Hindi dahil panay ang tingin ko sa 'yo noong kompetisyon, gusto na kita. Kinakabisa ko lang ang mukha mo dahil ikaw ang subject ko, at wala na akong ibang maisip. Sa madaling salita, wala akong gusto sa 'yo."
I rolled my eyes.
"At hindi rin dahil nasa iisang lugar tayo, sinusundan na kita. Sa pagkakaalam ko, mas nauna akong dumating dito. Baka nga ikaw ang sumusunod sa akin."
Nagbukas-sara ang bibig ko. Gusto kong magsalita pero walang lumalabas sa bibig ko.
"And one more thing, woman. I'm not interested in five-dimensional girls like you," aniya na parang nandidiri sa akin. "My two-dimensional girls are pretty much better than you."
"Baka!" Sinamaan ko muna siya ng tingin bago ako lumabas ng Art Room nang hindi nagpapaalam. Lalo lang kukulo ang dugo ko kapag nagtagal pa ako roon. Sana pagbalik ko rito bukas, hindi ko na siya makita. Ano ba'ng ginagawa niya rito? Sa pagkakaalam ko, hindi naman siya miyembro ng Art Club.
Napatigil ako sa paglalakad nang may humawak sa braso ko at mapalitan ng mukha ni Brian ang dinadaanan ko. Kumunot ang noo ko nang mapagtantong ako ang gumuhit n'on.
"May gusto ka ba kay Brian Kang?"
Nilingon ko si Jae. Hawak niya pa rin ang braso ko samantalang nasa kabila niyang kamay ang sketchpad ko na ipinambato ko sa kaniya kanina.
"May gusto ka ba sa step-brother ko?"
Sinubukan ko itong kunin mula sa kaniya pero inilayo niya ito sa akin. "Hey, that's mine! Ibalik mo sa akin 'yan!" bulyaw ko sa kaniya. Pinagtitinginan na kami ng mga estudyante sa paligid pero wala akong pakialam.
Ngumiti siya nang nakaloloko. "Sagutin mo muna ang tanong ko. May gusto ka ba sa step-brother ko?" May himig panunukso ang tono ng pananalita niya.
Hindi ako umimik. Ang hirap paniwalaan na related sila ni Brian sa isa't isa. Magkaibang-magkaiba ang ugali nila. Hindi man lang siya naambunan ng katinuan nito.
"Kung gan'on, hindi ko ito ibabalik sa 'yo." Yumuko siya at inilapit ang bibig sa tainga ko. "Puwede kitang ilakad sa kaniya kung gusto mo. Pero may hihingin akong kapalit. Deal or deal?" bulong niya.
Nilingon ko siya kaya nagkatapat ang mukha namin. Ngiting-ngiti siya habang nakatingin sa akin. Pero nabura iyon nang bigla kong pinitik ang matangos niyang ilong.
Sinubukan ko ulit kunin mula sa kaniya ang sketchpad ko pero hindi ako nagtagumpay dahil itinaas niya kaagad ang kaniyang braso. Dahil napipikon na ako, dinuro ko ang kili-kili niya kaya binitawan niya ang braso ko, at lumayo agad siya sa akin, habang hawak ang ilong niya na pinitik ko. Pain is evident in his eyes. He deserves it.
"Kapag hindi mo pa ibinalik sa akin ang sketchpad ko, makakatikim ka ulit sa akin. Hindi ako nagbibiro."
Hindi pa nga ako nakakalapit sa kaniya, tumakbo kaagad siya papasok sa Art Room tangay ang sketchpad ko. Kailangan ko 'yong bawiin mula sa kaniya.