Chapter 4 Part A: Sword Dance

65 9 0
                                    

Chapter Four Part A:

Sword Dance

S U N G J I N

"HINDI, ah. Bata pa ako para makipagtanan. Hindi rin kita lubusang kilala, Ginoo." Pinunasan niya ang maliit na butil ng tubig na namintana sa kaniyang mga mata dahil sa kakatawa.

Ano ba ang nakakatawa sa tanong ko? Nagtatanong lang naman ako.

Maya-maya'y naging seryoso ang mukha niya. "At isa pa, gustuhin ko mang lisanin ang lugar na ito, hindi ko pa rin kayang gawin. Ayaw kong iwan ang lalaking nagugustuhan ko rito."

Tila may tumusok na karayom sa puso ko dahil sa bigla nitong pagkirot. Paulit-ulit itong tinutusok. Masakit. Kung gan'on, may nagugustuhan na siya. Mukhang wala na akong pag-asa sa kaniya. Hindi pa nga nagsisimula ang laban, natalo na kaagad ako ng karibal ko.

Minabuti ko na manahimik na lang. Tutal, wala rin naman akong maisip na sasabihin.

Sinunggaban ko ang pagkakataon na matitigan siya nang matagal. Hindi nakaligtas sa paningin ko ang pagguhit ng lungkot sa kaniyang mga mata. "Pero kahit manatili ako rito, hindi pa rin puwedeng maging kami. Isang malaking suntok sa buwan kahit na ang pangaraping makasama siya."

"Kung ganoon, isa siyang knight?" tanong ko. Ngunit hindi ko ipinahalata na interesado ako sa mga sinasabi niya.

Ang mga knight ay habang buhay na magsisilbi sa mga maharlika ngunit hindi kailanman magiging parte ng pamilya nila. Kapag naging knight na ako, ganoon din ang magiging kapalaran ko. Kapag tanggihan ko na maging knight, ganoon pa rin, walang magbabago dahil isa lang akong hamak sa mga nasasakupan nila.

Ngumiti lang siya. Sandaling huminto ang oras ng mga sandaling iyon. Napakurap-kurap ako nang mapagtantong kanina pa ako titig na titig sa kaniya. Sa kaniya lang nakatuon ang atensyon ko. Parang wala akong nakikita sa paligid maliban sa kaniya.

Naiilang na napaiwas ako ng tingin mula sa kaniya. Tumingin ako sa bunganga ng kuweba at nakita ko roon ang silweta ng isang lalaki.

"Sabi ko na nga ba't dito kita matatagpuan," anito. Dahil tanging silweta lamang nito ang naaaninag ko, hindi ko makita ang mukha nito. Pero pamilyar sa akin ang boses na 'yon. Hinding-hindi ko makakalimutan iyon.

Lalong lumapad ang pagkakangiti ng prinsesa nang makilala niya ito. Parang kumislap ang mga mata niya. "Mukhang nahirapan ka ngayong hanapin ako, Knight Joross."

Napakuyom ang kamao ko nang marinig ang pangalan nito. Ang lalaking ito ang dahilan kung bakit napakahigpit sa akin ni Ama. Alam kong hindi ko dapat ito kamuhian dahil wala itong alam. Pero sa tuwing nakikita ko ang pagmumukha nito, hindi ko mapigilan ang sarili ko lalo na ngayong kaharap ko ito.

Si Ama ang kasalukuyang namumuno sa lahat ng mga Knight. Mataas ang inaasahan niya sa akin dahil gusto niya na ako ang sumunod sa yapak niya. At dahil nagpapakitang gilas ang lalaking ito, mas naging mahigpit si Ama sa pagsasanay sa akin.

"May kasama ka pala, Kamahalan." Nilingon ako ni Joross. "Hindi ko alam kung bakit kasama mo ang prinsesa pero kailangan ko na siyang ibalik sa palasyo, Sungjin. Nag-aalala na sa kaniya ang mahal na Hari at Reyna."

Lumapit ito sa akin kaya tumayo ako. Ayaw kong tumingala rito habang kinakausap ako nito dahil pakiramdam ko tinitingala ko ito. Hinding-hindi mangyayari 'yon.

Bumulong ito sa tainga ko. "Kung ayaw mong sabihin ko sa Hari at Reyna na dinukot mo ang prinsesa, hahayaan mo kaming umalis nang matiwasay."

Tinitigan ko ito nang matalim. "Gawin mo kung ano ang gusto mo. Makakaasa kang hindi kita pipigilan. Pero gusto ko lang linawin na mali ang paratang mo."

Agad naman itong lumayo sa akin nang marinig ang sinabi ko. Hindi nakaligtas sa aking paningin ang bahagya nitong pagngisi. Ibinalik ko ang ngising iyon. Unang pagkakakilala ko pa lang dito, alam ko na kaagad na may itinatago itong kulo. Kung napapaniwala niya ang ibang tao, ibahin niya ako.

Tumayo ang prinsesa, at lumapit kay Joross. Hindi pa rin nawawala ang mga ngiti sa labi nito. "Kilala niyo pala ang isa't isa."

Hindi na ako nag-abala pang makinig sa pinag-uusapan nila. Umalis kaagad ako nang hindi nagpapaalam. Kahit hindi sabihin ng prinsesa, alam kong si Joross ang lalaking tinutukoy niya. Nababasa ko iyon sa mga mata niya. Kitang-kita rin 'yon sa mga ikinikilos niya noong kaharap niya ito. Sigurado rin ako na ito ang dahilan kung bakit siya tumatakas sa palasyo.

Napabuntong-hininga na lang ako.

Nakapagpasya na ako. Susundan ko ang yapak ni Ama, at sisiguraduhin kong matatalo ko si Joross balang araw. Hindi ko hahayaang makuha niya nang ganoon kadali ang prinsesa. Hindi pa nagsisimula ang laban kaya bakit ako matatalo? Magsisimula pa lang ito, at sa huli, sinisigurado ko na ako ang mananalo.

Natawa na lang ako sa sarili ko. Sino'ng mag-aakala na mababago ng isang babae ang isip ko?

A   C O L D   D A Y  I N  A P R I L
a c o s c u r o

A Cold Day in AprilTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon