Chapter Eight Part A:
A Knight's PromiseA Y A S E
NANG makarating kami sa gilid ng kalsada, saka ko lang naalala na naiwan sa pinanggalingan namin ang sketchpad ko. "Ibaba mo na ako, Sungjin. Kailangan kong balikan ang sketchpad ko. Hindi ko puwedeng iwan 'yon doon."
Tumigil sa paglalakad si Sungjin. "Hindi ka maaaring bumalik doon. Baka iyon pa ang ikapahamak mo. Pasensya na pero hindi ko puwedeng sundin ang utos mo."
"Pero mahalaga sa akin 'yon."
"Isa ba 'yong kayamanan?"
"Mas mahalaga pa 'yon sa ano mang kayamanan."
"Kung ganoon, ako na lang ang babalik doon. Hintayin mo ako rito. 'Wag na 'wag kang aalis."
Tumango ako bilang sagot. Maingat niya akong ibinaba at pinaupo sa ugat ng puno na malapit sa gilid ng kalsada.
"Gamitin mo ito kung kinakailangan. Pero mas makabubuti kung magtatago ka." Kinuha niya ang kamay ko at ipinahawak sa akin ang isang patalim. "Pangako, babalik agad ako. Hahanapin kita."
Binigyan ko siya ng isang matipid na ngiti, at pinayuhan siya na mag-ingat. Umalis siya at naiwan akong mag-isa roon. Madilim ang paligid at malamig ang simoy ng hangin na nagpapatayo sa balahibo ko. Niyakap ko ang sarili ko para hindi ako masyadong ginawin.
Wala man lang mga bahay sa lugar na ito. Malabong may makakita sa akin na puwede kong hingan ng tulong. Mukhang bihira lang na may mapadaang sasakyan dito. Napakaliblib ng lugar kaya siguro dito ako dinala ng mga kumidnap sa akin.
Ilang minuto pa ang lumipas bago ako nakarinig ng tunog ng sasakyan na papalapit. Dahil napakatahimik ng paligid, kahit malayo-layo pa ito ay narinig ko agad ang ingay na nagmumula rito.
Tumayo ako, nagbabakasakaling huminto ito kapag nakita ako. Pero bigla akong nakaramdam ng matinding pagkahilo. Unti-unti na ring nandidilim ang paningin ko. Namalayan ko na lang na bumagsak ako sa lupa. Bago ako nawalan ng malay, nakita kong huminto sa tapat ko ang sasakyan at lumabas mula rito ang pamilyar na pigura ng isang lalaki.
UNTI-UNTI kong idinilat ang mga mata ko. Nakakasilaw ang liwanag ng ilaw sa kisame ng puting kuwarto kung nasaan ako. Ilang minuto rin ang lumipas bago ako nakapag-adjust sa liwanag.
Inilibot ko ang paningin ko. Puro puti ang nakikita ko. Hindi pamilyar ang kuwarto sa akin pero sigurado ako na nasa ospital ako. Hindi ko alam kung paano ako napunta rito. Hindi ko rin alam kung sino ang nagdala sa akin dito. Kung sino man ang taong 'yon, sobra akong nagpapasalamat sa kaniya.
Bumukas ang pinto at pumasok ang mga pamilyar na tao sa akin. Nag-uunahang bumagsak ang mga butil ng luha sa pisngi ko nang makita ko sila. Akala ko, hindi ko na ulit sila makikita dahil mamamatay na ako.
Lumapit agad sa akin si mama at niyakap ako nang sobrang higpit habang humahagulhol sa pag-iyak. Mas lalo tuloy akong napaiyak. Kinintalan naman ako ng halik sa noo ni papa. Nakatayo lang sa likod nila si lola na halatang nabunutan ng tinik pagkakita sa akin. Kasama niya ang anim na taong gulang na kapatid kong babae, si Akira.
"What happened to you? Pinag-alala mo kami nang husto." Iyak lang nang iyak si mama habang yakap-yakap ako. Mukhang wala siyang balak na pakawalan ako.
Hinawakan ni papa ang pisngi ko na basa ng luha. Napaaray ako nang gawin niya 'yon. "Who did this to you?" Mahinahon lang ang paraan ng pananalita pero may halong pagbabanta ang boses niya. Natakot ako dahil baka kung ano ang gawin niya na puwedeng magpalala sa sitwasyon.
Sinapo ko ang pisngi ko at naramdaman ko ang pamamaga nito. Siguradong nagkaroon rin ako ng pasa dahil sa pagkakasampal sa akin n'ong matandang lalaki. "I-It's nothing. Hindi naman masakit, Pa."
Tiningnan ko siya. Halatang hindi siya naniniwala sa sinabi ko pero hindi na siya nagsalita. Pinakawalan naman ako ni mama at sinuri ang kabuuan ko. "Are you hurt?"
Umiling ako. Pero napasigaw ako nang biglang pisilin ni Aki ang pisngi ko na namamaga. "You midget! What did you do that for?!"
"Sabi mo, hindi masakit. You're lying, onee-chan. Lola told me that lying is bad. Does that mean you're bad?" inosenteng tanong niya sa akin.
Maang akong napatingin sa kaniya. "You little—"
Tumakbo siya papunta kay lola at yumakap sa baywang nito. Napailing na lang ako at bumaling kay mama na nakaupo na ngayon sa gilid ng kama. Nakatayo naman si papa sa tabi nito.
"How did you find me?"
"May lalaking tumawag sa amin at sinabing nasa ospital ka. Nakita ka raw niyang walang malay sa gilid ng kalsada. Ano ba'ng nangyari?"
Hindi ko pinansin ang tanong ni mama. "Nasaan siya? Gusto ko siyang makausap. May kailangan akong itanong sa kaniya."
"Wala na siya rito pagdating namin. Hindi na namin siya naabutan." Naguguluhan niya akong tiningnan. "Ipaliwanag mo nga sa amin kung ano ang nangyari."
Naningkit ang mga mata ni Papa habang nakatingin sa wrist ko. "Saan mo nakuha ang mga sugat na 'yan? Umamin ka nga, Aya. May dumukot ba sa 'yo? Nakilala mo ba sila? Fill me in with the details, and I'll make sure that they'll pay for this." Siguradong hindi titigil si papa hangga't hindi napaparusahan ang may kagagawan nito. Ayaw na ayaw niya na may nananakit sa amin. "Walang puwedeng manakit sa mga prinsesa ko."
Huminga muna ako nang malalim bago nagsalita. "Wala bang sinabi 'yong nagdala sa akin dito kung may nakita siyang lalaki sa lugar kung saan niya ako natagpuan?"
Nagkatinginan sina mama at papa. "Lalaki?"
Tumango ako. "Matangkad siya, at katamtaman lang ang hubog ng katawan. Matangos din ang ilong niya, may mahaba siyang buhok na kulay itim." I paused for a moment. "At guwapo." Tiningnan nila ako nang may pagtataka. "Oh, please don't get the wrong idea."
"Wala namang nabanggit 'yong nagdala sa 'yo rito. Bakit? Sino ba ang lalaking 'yon?"
Kailangang makita ko ulit si Sungjin. Hindi niya kabisado ang mundong ito. Ibang-iba ito sa mundo na kinasanayan niya. Baka kung ano ang mangyari sa kaniya.
"Nakipagtanan si onee-chan kasama ang lalaking 'yon. Pero binugbog siya n'on kaya siya tumakas. Hindi ba, onee-chan?"
Nasapo ko ang noo ko dahil sa sinabi ni Aki. "Shut up, midget! Masyado kang madaldal para sa edad mo. Can you please act your age? You're only six years old!"
Nang tingnan ko sina mama at papa, parehong masama ang titig nila sa akin. Samantalang nagpipigil naman ng tawa si lola habang inaalalayan si Aki na umupo sa upuan.
"'Wag niyong sabihin na naniniwala kayo sa sinabi ni Aki. Hinding-hindi ko magagawang makipagtanan! Believe me! Ang lalaking tinutukoy ko ang siyang nagligtas sa akin mula sa mga kidnapper. If it weren't for him, wala sana ako ngayon dito."
"You were kidnapped?! Bakit ngayon mo lang sinabi?!" Gulat na gulat si mama. Hinawakan niya ang balikat ko at iniharap ako sa kaniya. "Namukhaan mo ba sila? Tell us everything we need to know!"
Kinuha ni papa ang phone niya at itinapat 'yon sa kaniyang tainga. "I'd like to report a kidnapping incident."
A C O L D D A Y I N A P R I L
a c o s c u r o