CHAPTER 16

453 15 9
                                    

Chapter 16




"Dito na tayo ngayon titira. Kailangan mo lang manglimos araw-araw para pakainin at patirahin ka nila Tiyong dito. Mas maraming kita, mas okay. Alam kong hindi mo kayang magnakaw kaya maglimos ka nalang. Pero wag kang mag-aalala hangga't nandito ako, hindi ka nila masasaktan." hindi ko alam kung anong magiging reaksyon ko, hindi ito ang inaasahan ko. Ang akala ko titira kami sa magandang bahay. Sa mas maayos at tahimik na lugar. Wala rin palang pinagkaiba ang buhay niya sa buhay ko. Parehas lang kami. Ang pinagkaiba lang, siya may pamilya, ako wala.

Pagkatapos namin tumakas, dinala niya ako sa Tondo, kung saan siya lumaki at nakatira. Mas magulo ang lugar. Mas maingay. Mas maraming krimen. Pero nagagawa ko na ang mga bagay na hindi ko nagagawa noon. Wala nang hangganan ang mga lugar na puwede kong puntahan. Hindi gaya noon na kung saan lang ako nakatoka dapat doon lang ako pupunta.

Hanggang ngayon hindi ko parin makalimutan kung paano kami nakatakas. Naghinala ako sa kaniya. Naniwala ako na hindi niya magagawang makalabas ng buhay roon. Pero nagawa niya, hindi lang sarili niya, pati rin ako naligtas niya.

"Sino 'yang kasama mo?" tanong ng matandang nakasalamin sa amin, masungit niya akong tinitigan mula ulo hanggang paa, "Sigurado ka ba diyan sa dinala mo? Halatang hindi taga dito."

Kumamot ng ulo ang katabi ko at pasimpleng tumingin sa akin. "H'wag kayo mag-alala, Tiyang Bella. 'Yang bata na 'yan sanay sa kalsada."

"Saan mo ba 'yan nakuha aber?"

"Basta diyan-diyan lang sa malapit."

Saglit niya akong pinagmasdan bago nagsalita, "O'siya, bihisan mo muna at pakainin bago mo isabak sa trabaho. Mamayang gabi pa ang dating ni Robin, baka bukas pa mabibilang ang mga kikitain ngayong araw."

"Sige po, Tiyang." pagkatapos niya nagpaalam, naglakad ito papunta sa isang kuwarto kaya sinundan ko siya. Sinenyasan niya ako na bilisan ang paglakad, "Pumasok ka at linisan mo ang katawan mo."

Pumasok ako sa kuwartong sinasabi niya. Pinagmasdan ko ang paligid. Maayos pero magulo tingnan. Lumapit ako sa salamin. Tinitigan ko ang sarili mula doon. May dumi pa ako sa mukha, ganoon din ang damit ko.

Napalingon ako sa pinto nang makarinig ako ng katok. Pumasok ito na may dalang damit. "Ito 'yong damit mo. Maligo ka at maghilod ng mabuti."

Kinuha ko ang damit at tiningnan 'yon. Halatang luma na pero maayos pa naman ang tela. Siguro ay pinagliitan niya ang mga ito. Bumaling ako sa kaniya. Gusto ko siyang tanungin pero hindi ko alam kung ano ang itatawag ko. Pinasadahan ko siya ng tingin pati ang suot niya. Naningkit ang mata ko, "Kuya? Ate? Anong itatawag ko po sa'yo?"

Tinitigan niya ako pabalik tapos bigla siyang natawa, "Wala. Wala sa dalawa. Tawagin mo lang ako sa pangalan ko at huwag kang mag-oopo."

"Bakit?" tanong ko.

Nagkibit balikat siya at naglakad paupo sa kama, "Dahil ayaw ko. Ano nga pa lang pangalan mo?"

Natauhan ako sa sinabi niya. Hanggang ngayon pala hindi ko parin sinasabi ang pangalan ko. Huminga ako ng malalim. "Erish ang pangalan ko."

Ngumiti siya ng malapad, "Nice to meet you, Erish. Welcome to my world."







"Arc, kilala mo ba 'yong matabang lalaki na nakatambay sa harap ng simbahan?" tanong ko sa kaniya habang nagbibilang kami ng mga barya.

Huminto siya at napaisip. "Matabang lalaki sa simbahan? Bakit anong meron?"

"Pinagtripan nila ako kanina." sagot ko.

"Pinagtripan? Anong ginawa?"

Ngumuso ako at muling inalala ang nangyari sa akin kanina sa harap ng simbahan. "Pinapaalis ako dahil sila raw ang hari doon. Pinagloloko ba nila ako?"

Fatal Trouble | CompletedTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon