Chapter 3

16 6 0
                                    

Ilang oras din ang itinagal nila ni Ms. Mary. Hapon na nang matapos sila kaya naman gutom na gutom na siya at gusto niya na lamang makauwi pero kailangan niya pang dumaan sa tindahan ng mga gamit sa bahay upang punan ang mga kulang sa kanilang tahanan.

Binilisan niya na lamang ang pagpili upang makauwi na siya dahil gusto na niyang kumain. Ayaw niya na kasing gumastos pa dahil gusto niyang tipirin ang natitira niyang pera. Iilang gamit din ang nabili niya kaya naman marami siyang bitbit.

Lumabas na siya ng mall para pumila sa terminal ng bus para makauwi. Ilang minito din siyang pumila bago siya nakasakay ng bus.

Halos hindi magkumahog si Cali sa dami at bigat ng mga dala niya, ni hindi pa siya nakakakain mula kaninang tanghali dahil sa sunod-sunod na requirements na kailangan niyang ipasa para sa kanyang in-apply-an na trabaho. Naisip niyang higit na mas mahihirapan siya kung wala siyang stable na trabaho kahit pa siya ay isang freelance graphic designer.

Hindi mayaman si Cali kaya naman kailangan niyang kumayod para sa kanyang sarili dahil kung hindi ay baka sa kangkungan siya pupulutin. Magmula kasi nang biglang maglaho ang kanyang ama, tuluyan ng nasira ang kanilang maayos na pamumuhay. Ilang taon na rin ang lumipas mula nang mawala ang kanyang ama. Ang kanyang ina naman na dati'y isang sikat na model ay nagsimulang magkasakit noong mawala ang kanyang ama. Lahat ng pondo at ipon ng kanilang pamilya ay nasaid dahil sa pagpapagamot sa kanyang ina. Mahirap man ngunit kinakaya niya para lamang siya ay mabuhay.

! Excuse me. Kanina pa ako nakatayo dito para umusog ka sa dulo nang makaupo ako." Nanumbalik sa realidad si Cali nang tawagin siya ng ale na nakapamewang at nakatingin sa kanya. Sa sobrang pagod niya kasi ay hindi niya na namalayan ang kanyang paligid.

"Hala, pasensya na po." Aniya at marahang umusog upang makaupo ang ale.
Ilang minuto pa ay halos puno na rin ang bus na sinasakayan ni Cali kaya naman hindi rin nagtagal ay nagsimula ng magmaneho ang driver.

Naisipan niyang umidlip muna dahil malayo-layo rin ang pinag-apply-an niya mula sa kanilang tahanan.

Ilang minuto na rin ang naitulog ni Cali nang mapagising siya sa pagkirot ng kanyang puso. Napakabilis ng tibok nito na tila mo'y mabilis ang pagdaloy ng dugo mula sa kanyang mga ugat. Napaayos siya ng upo habang nakahawak sa dibdib.

Tumingin siya sa ibang pasahero kung may ibang nakararanas nito ngunit sa sakit ng nararamdaman niya ay hindi na siya makatingin ng maayos sa paligid upang makita kung may kakaibang nangyari sa loob ng bus.

Napatingin siya sa kaliwang parte ng bus at nakita niya ang isang napakaputing lalaki na nakahawak din sa kanyang dibdib na tila mo'y may iniindang sakit.

May kung anong nararamdaman siya habang nakatitig sa lalaki na nakatingin sa bintana ng bus. Hindi niya ito mapaliwanag ngunit nasisiguro niyang
hindi ito normal.

Nagsimulang mag-init ang kanyang pakiramdam. Bagay na ngayon lamang niya naranasan. Para bang napapaso ang kanyang kaloob-looban sa init na nadarama.

Nais niyang masilayan ang mukha ng lalaking nakararamdam siyang ng kakaibang pakiramdam ngunit hindi nito magawang tumitig sa kanyang direksyon.
Pinilit niyang pakalmahin ang kanyang sarili, ilang minuto pa ay baba na siya sa harap ng kanilang tahanan.

"Para po!" Pasigaw na sabi niya at dali-daling bumaba ng bus. Pagkababa niya at pag-alis ng bus ay unti-unting guminhawa ang kanyang pakiramdam. Tila ba nagkunwari lamang ang kanyang katawan sa naramdaman niya kanina sa bus.
Ipinagkibit balikat niya na lamang ito at mabilis na pumasok sa kanilang tahanan.

"Ma, nandito na po ako." Tawag niya sa ina. Naghugas muna siya ng kamay bago siya tumungo sa silid ng kanyang ina.

"Kamusta ang lakad, Anak?" Masayang bungad ng kanyang ina nang makapasok siya sa silid nito.

"Ayos lang, Ma. Nakakapagod pero masaya." Ngumiti siya at yumakap sa kanyang ina. "Magluluto muna ako ng hapunan natin, Ma. Binili ko ang paborito mong adobo. Hindi man katulad ng luto ni Papa, pero nasisiguro kong masarap 'to." Masayang banggit niya at napatawa naman ang kanyang ina.

"Kahit ano pang lasa niyan, kakainin ko 'yan, Anak. Basta ikaw ang nagluto." Natatawang sabi ng kanyang ina.

Bumaba na siya upang maumpisahang magluto. Gutom na kasi siya kaya naman mabilis siyang naghanda ng pagkain bago niya ibinaba sa kusina ang kanyang ina. Dahil sa pamamagitan lamang ng wheelchair kaya nagkakalipat ng pwesto ang kanyang ina, pinaayos niya noon ang kanilang hagdan upang mas maging madali ang pagbaba nito.

"Luto na, Mama. Sana magustuhan mo." Inihain niya ang mainit na kanin ag adobo sa kanyang ina. Sinandukan niya na rin ito at pinanghimay ng manok upang mas madali itong makakain.

"Salamat, Cali ko." Nakangiting saad ng ina. Ito lang ang nagpapasaya sa kanya. Sa kabila ng hirap ng buhay nila, ni hindi man lang makikitaan ng bakas ng pagka-negatibo ang kanyang masiyahing ina.

"Tikman mo na, Ma." Naghihintay na sabi ni Calistine. Tinikman ito ng kanyang ina. Ilang segundo pa itong natahimik kaya naman kinabahan siya. "Ma, okay ka lang? Hindi yata masarap." Aniya.

"Kalasang-kalasa ng luto ng ama mo, Anak! Paano mo natutunan ang paraan nang pagluluto niya?" Sagot ng kanyang ina na halos maiyak na. Niyakap niya ito at hindi napigilang umiyak.

"Ma..." mahinang tawag niya.

"Miss na miss ko na ang ama mo, Cali." Umiiyak na sabi ng kanyang ina. Hinahagod niya ang likod nito upang patahanin. "Hindi ko alam kung kailan kami muling magkikita."

"Ma..." maging siya ay humihikbi na rin. "Hahanapin ko siya." wala sa sariling sambit niya.

"Mabuti ka pa at maaari mong magawa 'yan, habang ako ay mananatili lamang dito sa mundo natin." Nagpunas ng luha ang kanyang ina.

"Anak, ipangako mo sa akin na sa oras na makaharap mo na siya ay ipapaalam mo kung gaano ko siya kamahal." Niyakap niyang muli ang ina ay marahang tumango rito.

Tahimik na silang kumain. May parte sa utak niya na naguguluhan siya sa mga sinasabi ng kanyang ina. Labag man sa kalooban niya na muling makita pa ang lalaking nang-iwan sa kanila ay patuloy lamang siyang nadudurog sa t'wing nakikita niya ang kanyang ina na nahihirapan.

"Bukas na nga pala ako mag-uumpisa, Ma. Training muna ako ng dalawang linggo at saka ako magiging regular pagkatapos no'n." Sabi niya sa ina upang mabasag ang kanilang katahimikan.

"Huwag mong masyadong pagurin ang sarili mo, Anak ha?" Saad ng kanyang ina.

"'Wag kang mag-alala, Ma. Ipapasa ko na ang pinaka-pinaghirapan kong proyekto." Nakangiti siya. Hindi niya magawang hindi masiyahan sa tuwing naiisip niya ang magiging kapalaran niya kung sakaling siya ay palarin. "Pagtapos nito, hindi na muna ako tatanggap ng mga projects. Focus muna sa trabaho, promise." Inangat niya pa ang kanang kamay na akala mo'y namamanata.

Crimson EyesWhere stories live. Discover now