Chapter Twenty-Five:

5 4 0
                                    


"Ako lang ang nag-iisang anak ni mama, at simula noong nagising ako sa buhay, wala na akong ibang narinig sa bibig niya kundi ang galit niya dahil iniwan kami ni papa," sabi ni Valerie habang naaalala ang oras noong bata siya kung saan pinapanood niya ang lasing niyang ina na binabato ang bote sa dingding.

"Argh! Vicenzo! Sagutin mo ang tawag ko!" Sigaw ni Ruby sa kanyang telepono tapos nagbato ulit ng bote sa dingding, nabasag ito sa maraming piraso at natamaan si Valerie sa pisngi.

Walong taong gulang lamang si Valerie noong nalaman nilang may ibang bata sa bisig ni Vicenzo. Poot at galit ang bumalot sa pagkatao ni Ruby sa mga oras na iyon, dahil pagkatapos ng maraming taon na paghihintay na bumalik si Vicenzo sa kanya, isang balita ang nagpaguho ng mundo niya.

"Walong taon kitang hinintay! Iniwan mo ako dito mag-isa kay Valerie! Ang sinabi mo babalik ka!" sigaw ni Ruby sa kanyang sarili. Walang araw na hindi ganito ang sigaw ni Ruby at walang araw na hindi siya galit at lasing.

Maagang natuto si Valerie sa pag-alaga sa sarili niya sa murang edad, sa tulong na din ng mga taong nakakakita sa sitwasyon nila, kasabay nito ang maliit na galit at awa na namumuo sa kanyang puso dahil sa kanyang sariling ina.

Hanggang sa isang gabi, umuwi si Ruby ng hindi lasing, malumanay at kalmado.

"Anak," aniya tapos hinawakan si Valerie sa dalawa nitong braso. "Anak, makinig ka sa akin," dugtong niya tapos hinimas ang maliliit na braso ni Valerie.

"Mama," sambit ni Valerie habang nakatitig sa mga mata ni Ruby.

"Pupuntahan natin si Papa mo, ipakikilala kita sakanya," aniya tapos maliit na ngumiti kay Valerie.

Unti-unting lumiwanag ang mukha ni Valerie. "Talaga?" Tanong nito kaya natawa si Ruby habang nakatitig sa bilog na mata ni Valerie.

"Oo, kaya humawak ka lang sa kamay ko, dahil sisiguraduhin ni mama na ikaw lang ang anak ni papa," sagot nito tapos hinawakan ang maliit na kamay ni Valerie. 

Bago umalis ang dalawa, binuksan ni Ruby ang kabinet sa kusina at kumuha ng isang handgun. Nawala ang ngiti ni Valerie dahil dun, pero wala siyang sinabi, dahil ngayon niya lang unang beses nakita at nakausap ang kanyang ina na matino at hindi galit.

Hindi maalis ang ngiti sa labi ni Valerie habang sila ay magkahawak kamay at naglalakad sa dilim, hanggang sa tumigil sa paglalakad si Ruby at humigpit ang hawak nito sa kanyang baril at sa kamay ni Valerie.

"Ruby," sambit ni Vicenzo.

"Ang saya niyo tingnan, habang ako ni hindi ko maalala kung kailan ako huling beses na sumaya," bulong ni Ruby sa sarili habang nakayuko. Unti-unti nitong tinaas ang tingin kay Vicenzo at luha ang namuo sa kanyang mga mata. "Hinding-hindi ako papayag," sambit ni Ruby at dahan-dahan nitong tinaas ang baril at tinutok sa ulo ni Valetta.

Nakatingala lang si Valerie sa kanyang ina, nanatiling nakaunat ang kanyang mga labi, hanggang sa iputok ni Ruby ang baril at natamaan si Beatrice sa ulo. Humandusay sa sahig ang katawan ni Beatrice at malakas na sigaw ang kumawala sa bibig ni Vicenzo kaya nagising si Ruby at si Valerie sa katotohanan.

Nabitawan ni Ruby ang baril niya at napalingon si Valerie sa kanyang ama na naluluksa habang hawak nito ang ulo ng kanyang ina na dumudugo.

"Anong nagawa ko?" Tanong ni Ruby sa sarili saka tuloy-tuloy na tumulo ang luha mula sa kanyang mga mata.

"Papa," sambit ni Valerie at akmang lalapit kay Vicenzo, pero isang madiin na kuyom ang nakita nila na ginawa ni Vicenzo kaya hinila ni Ruby ang anak niya para pigilan at mabilis na binuhat ito at tumakbo paalis.

Her MysteriesTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon