06

35 2 0
                                    

Chapter 06: Impossible

Maaga ang pasok ko kinabukasan kaya maaga rin akong nag gayak para tahakin ang daan patungong iskwelahan. Nahirapan pa nga akong umalis dahil matamlay si Polgoso at ayaw kumain. Siguro dahil naramdaman na naman niyang aalis ako at kailangan ko siyang iwanan.

Mabuti na nga lang at napakain ko rin sa huli. Ayoko man siyang iwanan mag-isa, wala naman akong magagawa dahil kailangan kong pumasok. Hindi naman siya pwede sa loob ng iskwelahan. Kung pwede nga lang ay talagang isasama ko siya. 

Ayoko rin naman siyang iwanan dahil nasanay na kaming dalawa na parating mag kasama.

"Lustina!"

Napahinto ako sa paglalakad nang marinig ang pamilyar na boses ni Amara sa aking likuran. Napalingon ako roon. Hindi nga ako nagkamali. Si Amara nga ang tumatakbo palapit sa aking gawi nang makababa siya ng tricycle.

Sandali siyang yumakap sa tatay niyang naghatid sa kaniya. Kinawayan nga rin ako nito kaya tumango ako bilang pagbati rin, nakangiti. Hinintay pa muna ni Amara na makaalis si Tito bago niya ako nilapitan.

"Ano itong nababalitaan ko na kasama ka raw sa mga representative na gustong sumali sa beauty pageant para sa susunod na lingo?" Hinihingal niyang sabi matapos makahinto sa aking harapan.

Nakahawak pa siya sa kaniyang mga tuhod para ikalma ang hinihingal niyang dibdib pero ang mga mata niya ay puno ng pang-aasar at pagkamangha.

"Saan mo nalaman?" Natatawa kong tanong sa kaibigan. Hindi maiwasang matuwa dahil sa reaksyon niya. 

Para namang gulat na gulat siya sa nalaman niya. 

"So, totoo nga ang chismis!"

Humalakhak siya at hinampas ang braso ko bago niya isabit sa akin ang mga kamay niya para sabay na kaming makapasok sa loob ng school.

"I'm so proud that you're finally working on your confidence pero paano ka nga pala nakasali doon? Mahiyain ka, kaya alam kong hindi ka sasali sa mga ganoong uri ng event." Ngumisi siya, nang-aasar na naman.

Ngumiti ako at nag iwas ng tingin, hindi alam kung paano sasabihin sa kaniya na hindi naman talaga ako ang kusang sumali sa pageant na iyon. Dahil iyon kay Leon. Pumayag lang ako dahil sa malaking halaga ng premyong mauuwi ko kung sakaling manalo man ako.

"Narinig ko kasing malaki raw ang premyo ng beauty pageant na iyon kaya naisipan kong sumali." Dahilan ko na lang. "Kilala mo naman ako, Amara. Kailangan ko ng pera. At para makukuha no'n, kailangan ko pang paghirapan." Natawa ako pero may pait at awa para sa sarili ko.

Kung sa iba, madali lang sa kanila ang makakuha ng pera, ako hindi. Kailangan ko pang pagsumikapan. Kailangan ko pang paghirapan. Dahil wala akong ibang maasahan kundi ang sarili ko lang kaya kailangang ako rin ang gumagawa ng paraan at kumikilos para lang may makain ako araw-araw. Hindi naman pwede na palagi akong hihingi kay Nana ng mga kakailanganin ko. 

Nakakahiya. 

Kung kaya ko naman, bakit ko pa i-aasa sa iba, hindi ba?

Pero dahil sa estado ng buhay ko, hindi biro sa akin ang pagpasok sa iba't ibang uri ng trabaho para lang makakuha ako ng pera at makapag ipon para sa sarili ko. Pagbibenta ng mga purselas, paglalako ng sampaguitta sa harap ng simbahan, pagtulong sa karinderya, paglalaba at paglilinis ng ibang bahay. Nagawa kong pumayag sa kagustuhan ni Mama noon na pumasok sa isang Bar para maibenta ang sarili kong katawan sa mga taong magiging interesado sa serbisyo ko dahil wala akong ibang pagpipiliian. Ang isang maruming trabaho na nagawa sa akin ng kahirapan na hanggang ngayon ay labis kong pinagsisisihan. 

Iyon rin ang isang bagay sa buhay ko na ayaw kong malaman ng mga taong nasa paligid ko. Sapat na ang madilim kong karanasan noon sa Maynila at ayoko na ulit iyong mangyari pa. Kahit si Nana, hindi alam ang tungkol roon. Hanggang ngayon hindi ko sinasabi sa kaniya kung saan kami nakakuha noon ni Mama ng pangsustento sa ospital niya noon.

Taming The Heart (Silvero Series #05)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon