Jasper's P.O.V.
Walang puknat sa pagtawa ang mga aswang matapos naming napagkasunduang gawin ni Alondrang Tahamaling—na isang astiging tomboy, ang solusyon sa aming problema. Pinahinto nito ang pagkilos ng mga tao, kaya bigla na lang tila naging estatwa ang lahat ng mga ito.
Habang nakahinto ang mga ito, saka n'ya pinaglalagyan ng bigote ang bawat isang nilalang na nagmula sa lahing maligno at engkanto, kasama na ang kanyang sarili.
"Pogi na ba 'ko?" poporma-porma pang kindat sa 'kin ni Alondra.
Napangiti ako't napailing. Bigla kasing naging bigotilyo ang mahigit sa kalahati sa kanila. Iba't iba pa ang shape ng kanilang mga bigote—may iba-iba ring kapal at haba.
"Tumahimik kayo, kundi'y sasamain kayo sa 'min!" Napipikong bulyaw ng isa sa mga malignong mula sa lahi ng mga Kapre.
Hindi naman ito pinansin ng mga aswang, nagpatuloy lamang ang mga ito sa pangangantiyaw at paghalakhak.
Humupa na lamang ang pagtawa nila matapos ko silang senyasan na manahimik na. Muli naman silang nagsibalikan na sa dati nilang mga puwesto, bago muling pinagalaw ni Alondra ang mga tao.
"Eto rin oh, walang patlang sa ngus—" Sabi ng isang tao, habang nakaturo sa katabi n'yang tikbalang—na ngayon ay may bigote na. 'Yun kasi kaagad ang sinabi n'ya, matapos na muling pagalawin sila ni Alondra. "Paanong—?!" Nagtatakang sinipat nito ang mukha ng itinituro n'yang katabi. "Papa'no ka nagkaro'n ng bigote?! Wala naman 'yan kanina ah!"
Hindi pa rin matiis ng mga aswang ang hindi mapatawa. Bagama't mas minabuti na lamang nilang itago ang kanilang mga mukha—takpan at ipitin ang kanilang mga bibig.
"Ito rin!" Bulalas naman ng isa sa mga tao sa kabilang banda. "Pa'no ka rin nagkabigote, ha?!" Paangil na tanong nito sa katabing bigotilyong Kapre.
"Bakit ikaw?" Masungit na balik sa kanya ng kapre, "Paano ka naging pangit?"
Napahagikhik si Ricardo. Nilingon ko ito' tumahimik naman ito agad.
"Wala naman kayong mga bigote kanina ah!" Sigaw ng isang tao pa, sa kabilang panig. Isa-isa nitong tinitingnan at pinagtuturo ang mga malignong nagkabigote. "Mga Maligno kayo, 'no?"
"Ay sa wakas, tumama rin ang mga tanga." Bulong ni Ricardo sa akin.
Humalukipkip ako, at saka pasimpleng tinakpan ng aking isang kamao ang aking bibig.Ayoko talagang tumawa, pero nakakatawa kasi talaga ang sitwasyon.
"Ano bang nangyayari rito?!" Ani Mr. Lazaro. Lumalapit ito sa akin.
Hindi pa ako nakakasagot nang may biglang nagsumbong mula sa lahi ng mga aswang. "Eh Sir-Boss-Chief," Magalang na pagsabat nito, "Ito po kasing iba sa mga dating tauhan n'yo, kung ano-ano po ang pinagsasabi at ibinibintang sa 'min!"
"Opo," Sabat naman ng isa sa mga bigotilyong maligno, "Akalain n'yo ba namang pagbintangan nila kami na...mga aswang daw po kami. Hindi naman eh."
"Oo nga..." Halos sabay-sabay na pagsegunda ng iba pang mga nilalang.
Natawa si Mr. Lazaro, "Aswang?" sinuyod nito ng tingin ang lahat, "Ako ba'y pinagluluko n'yo?"
"Oo nga boss, pinaglululuko kayo oh, ang gago lang." Hirit ni Ricardo; sinusulyapan ako nito nang patagilid. "Nanahimik kami eh, bigla na lang kaming pinagbintangan dahil wala raw kaming mga patlang sa nguso."
Tumingin si Mr. Lazaro kay Ricardo. "Walang ano?"
"Wala raw po kaming patlang sa nguso." Pag-uulit ni Ricardo.
BINABASA MO ANG
JASPER, The Demon Slayer
FantasyKatropa Series Book 9 [Completed] Language: Filipino Bago pa man maipanganak si JASPER, itinakda na ng propesiya mula sa aklat ng angkan ng mga Villaluz ang kanyang misyon. Ito'y ang pamunuan ang hukbong tatapos sa pamamayagpag ng mga kampon ng ka...