KABANATA 89

22.9K 817 87
                                    

Jordanna's P.O.V.

Maghahatinggabi na, nang makarinig ako ng kaluskos na nagmumula sa labas ng selda. Sa paghinto ng mga yabag, sumunod naman ang langitngit ng kandadong bakal, na tila may nagbubukas ng kandado ng selda namin ni Kriselda. Pasikretong sinipat ko kung ano o sino ito, habang nagpapanggap akong natutulog lang sa aking pagkakaupo sa isang sulok.

Madilim man sa selda, naaninag ko pa rin naman na may isang taong pumasok. Isa itong matangkad na lalaking kasing-tindig ni Jasper. Marahang tinungo nito ang kinauupuang sulok ni Kriselda, bago ito bumulong kay Kriselda ng...

"Mahal ko." Nagulat ako, kaboses din kasi ni Jasper ito. "Gising. Halika na. Bago pa magising ang mga g'wardiya."

Pupungas-pungas na nagising si Kriselda, "Jazz? Mahal ko?!" Medyo napalakas pa ang pagkakasabi nito.

Hindi ko na napigilan. Imunulat ko na ang aking mga mata. Para makumpirma ang aking hinalang si...

"J-Jazz?!" Nanginginig na naibulalas ko.

Magkasabay akong nilingon ni Jasper at Kriselda. Agad naman akong nakaramdam ng matinding sakit sa aking kaloob-looban. Akala ko, ang makita silang magkasama ang pinakamahapdi sa lahat. Mas mahapdi pa pala ang...tiningnan lang ako nito sandali, para lang walang pag-aalinlangang ibaling ang kanyang mga mata sa bagong babaeng kanyang minamahal.

"Tayo na, mahal." Ani Jasper, habang buong ingat na inaalalayan nitong makatayo si Kriselda. "Bubuhatin na lang kita." Binuhat na nito si Kriselda sa kanyang mga bisig. "Baka makasama sa bata kung matatagtag ka." Unti-unti na itong naglakad palabas ng selda.

"T-teka, Jazz." Sabi ni Kriselda nang makalabas na sila. "Isama na natin s'ya." Itinuro ako ni Kriselda."

Nilingon ako ni Jasper. Tiningnan ako nito sa paraang nakikilala naman n'ya ako, pero... napakalamig nito; walang kabuhay-buhay. Hindi tulad ng kung papa'no n'ya ako tinitingnan no'n.

"Gusto mo bang sumama?" Tanong ni Jasper sa akin; tila napipilitan lang ito.

Hindi ako makagalaw. Tikom ang aking mga kamay para pigilan ang mas lumalalang panginginig. Pinipigilan ko rin ang pagpatak ng aking mga luhang nagbabadya nang umagos.

"Sama ka na sa 'min dali." Pagyaya ni Kriselda; na tila wala talagang kamuwang-muwang sa tunay na naging relasyon namin ni Jasper.

May bagong mga yabag ang paparating. Mukhang narinig din naman nito nina Jasper kaya agad itong luminga-linga bago muling bumaling sa akin. "Kung ayaw mong sumama. Bahala ka. Pero kailangan na naming umalis." Hindi na nito hinintay ang sagot ko; iniwan na nila ako.

Bukas na naman ang gate ng selda, pero hindi ako makagalaw para makalabas. Sandali akong nanigas sa aking pagkakatayo bago ako unti-unting napaluhod at umiyak.

Alam ko. Dapat wala na akong nararamdaman. Alam ko. Pinagsisikapan ko na s'yang tanggalin sa buhay ko. Akala ko, kaya ko na. Akala ko, matatag na ako. Akala ko kaya ko nang harapin ang totoo... hindi pa rin pala.

Ang sakit. Ang sakit-sakit. Ang sakit palang harap-harapang makita ang mahal mong may mahal nang iba. At ang sakit din palang makumpirmang, balewala na lang talaga ako sa kanya. Na ayos na lang sa kanya ngayon na wala na ako sa buhay n'ya. At ayos na rin lang sa kanya ang tuluyan na akong mawala.

It's really over now. Wala na kaming pag-asa. Wala na kaming kinabukasan. Hindi na kami magsasama pa. Wala na rin kaming kahit anong kaugnayan sa isa't isa. Para sa kanya, isa na lang siguro ako ngayong alaalang hindi na n'ya gustong matandaan; o isang nakaraang hinding-hindi na n'ya babalikan.

Copyright ⓒ 2014, DyslexicParanoia (Angela Atienza), All rights reserved.

***

Samantala...

JASPER, The Demon SlayerTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon