Jordanna's P.O.V.
Abot-tanaw ko pa si Jasper nang madulas ito. Nahulog ito sa rumaragasang tubig patungo sa talon. Nagsisigaw ako. Tinawag ko ang kanyang pangalan, bagama't batid kong mas malamang na hindi na n'ya ako maririnig. Binagtas ko ang batuhang dinaanan n'ya, pero napahinto ako sa gilid ng rumaragasang tubig. Tinanaw ko ang pinatutunguhan ng daloy at napagtantong, mas malamang na nahulog si Jasper sa talon.
Naupo ako sa isang tabi; hindi malaman ang gagawin. Naiiyak ako bagama't walang luhang lumalabas sa aking mga mata sa sobrang takot at kalituhan. Nanginginig man ang mga tuhod ko, sinubukan kong tumayo para bagtasin ang aking pinanggalingan. Pero sa kasamaang palad, may natapakan akong marupok na bato na bigla na lamang nabuwal; nahulog rin ako sa rumarahasang tubig.
Napakalakas ng agos nito; na kahit siguro sinong napakalakas na tao, kaya nitong bitbitin kung saang direksyon man ito patungo. Takot na takot ako; nauubo, lalo na't nakakasingot at nakakainom na rin ako ng tubig. Walang silbi ang galing ko sa paglalangoy, dahil tila tuyong dahon akong tinangay ng napakalakas na daloy, patungo sa babagsakan kong puyo ng tubig, na may walang katiyakang lalim.
Itinikom ko ang aking bibig habang bumabagsak kasama ng ilang bulto ng tubig-talon. Tila huminto nang pansamantala ang aking paghinga; napapapikit habang ako'y nadadala. At dahil sa napakalalim ng aking binagsakan, unti-unti na ring dumidilim ang aking malalim na kapaligiran. Umahon ako paitaas bago pa ako kapusin sa paghinga. Lumangoy sa mabatong gilid, patungo sa kasalungat na banda.
"Jazz..." Bulong ko sa paglapat ng aking likod sa batuhan. Nakatingin ako sa kalangitang unti-unti nang inaagaw ng kadiliman ng gabi. "Nasaan ka na, Jazz?"
Dinalaw ako ng antok dahil sa matinding pagod. Sa batuhan na ako nakatulog at hindi na namalayan ang oras. Hindi ko alam kung gaano ako katagal nakatulog, hanggang sa ginising ako ng isang malamig at mamasa-masang bagay na gumagapang sa aking bandang leeg at puson.
Kahit animo'y may pandikit ang talukap ng aking mga mata, pinilit ko pa ring iminulat ang mga ito. Na s'ya namang naging dahilan ng nakawawalang antok na pagkabigla ko, sa nakita kong kakilakilabot na nilalang na halos napatong na sa ibabaw ko. Isa itong aswang na may maitim at makintab na balat. Mayro'n itong mahabang dila na s'ya mismong humihimod sa palibot ng aking leeg.
"Anghel..." Bulong nitong hindi ko na halos maunawaan dahil sa pagkakaharang ng dila nito, sa matatalim nitong mga ngipin. "Nais kong makatikim ng isang Anghel."
Kinabahan ako. Pilit humahanap ng paraan para makawala sa impakto. Pero lalo lamang akong kinikilabutan kapag napapasulyap ako sa kabilugan ng buwang nakakubli sa bandang likuran ng ulo nito.
Copyright ⓒ 2014, DyslexicParanoia (Angela Atienza), All rights reserved.
Nag-umpisa na akong manlaban nang sapilitan na nitong tinatanggal ang aking pantalon. Gamuntik na akong mawalan ng pag-asang makatakas pa, nang biglang may bumitbit dito mula sa likuran nito. Animo'y isang dagang ibinalibag ito ng bumitbit—at nag-itsa rito sa isang malaking bato. At napanganga ako sa nakita kong...si Jasper pala ito.
Nabatid ko mang si Jasper nga ang nagligtas sa akin. Napansin ko rin ang pagbabago sa anyo nito. Tila mas lalo itong tumangkad, lumaki ang katawan, at kumulot ang buhok; buhok na animo'y nagkukulay ginintuan, sa tuwing tumatama ang mga hibla nito sa sinag ng buwan.
Sinugod ng aswang si Jasper. Nasakal naman agad nito ang aswang sa leeg, bago nito ito muling ibinalibag sa malalaking batuhan. Dumaing ang aswang; naglugmok at batid kong nasaktan. Pero bago pa man ito makabangong muli, pinuntahan na ito ni Jasper, upang umakmang mamimilipit ng leeg
Nagmakaawa ang nilalang kay Jasper, pero hindi na ito dininig ng huli. Sa halip, mas hinigpitan pa nito ang pagkakasakal sa impakto, hanggang sa tuluyan na itong malagutan ng hininga.
BINABASA MO ANG
JASPER, The Demon Slayer
FantasíaKatropa Series Book 9 [Completed] Language: Filipino Bago pa man maipanganak si JASPER, itinakda na ng propesiya mula sa aklat ng angkan ng mga Villaluz ang kanyang misyon. Ito'y ang pamunuan ang hukbong tatapos sa pamamayagpag ng mga kampon ng ka...