Jasper's P.O.V.
"Basilio." Pagtawag ko, matapos ko itong sundan at maabutan sa pinakamataas na palapag; hindi nito ako narinig. Nagmumukmok ito, nag-iisa't tumatangis.
"Basilio." Malumanay na muling pagtawag ko sa kanya.
Nagulat ito. Kinusot ang mata at inayos ang sarili.
"Engineer Toledo!" Hinarap ako nito, "Kayo po pala. Pasensya na po, kailangan ko lang magpahinga sandali."
"Totoo ba 'yung sinabi mong pinatay ng mga aswang ang iyong ina at mga kababaryo?"
Natahimik ito sandali; tila naghahagilap ng tamang mga pangungusap, "Alam ko pong mahirap paniwalaan para sa inyong mga lumaki rito sa siyudad. Kayo ang bahala, kung ayaw n'yong maniwala. H'wag n'yo na lamang akong pansinin, kung hindi n'yo ito kayang tanggapin."
"P'wede mo bang ik'wento sa akin ang nangyari? Taga-saan ka ba?"
"Taga Naga po ako." Tumalikod at tumingin ito sa ibaba ng gusali. Pumipikit patingala rin ito upang damhin ang paghagibis ng malakas hangin sa aming kinaroro'nan. "Nilusob po ng isang grupo ng mga impakto ang aming liblib na pook." Aniya, matapos n'yang maramdaman ang pagtabi ko sa gilid n'ya. "Sinubukan naming tumakas ng aking pamilya...ng aking ama at mga kapatid, pero dahil may karamdaman ang aking ina, naging napakabagal ng pagkilos nito. At bago ko pa man din ito mabalikan upang alalayan. Huli na. Nakuha na s'ya ng isang pares na aswang, at nilapa ito sa aming harapan. Halos walang natira sa aming nayon. Wala pa sa apat na bahagi ang nakaligtas. Maging ang aking nobya..." Napahinto ito.
"Bakit? Anong nangyari s kanya?"
Sumulyap muna ito sa akin, bago muling bumalik sa malalim na pag-iisip. "Hindi ko alam. Bigla na lamang kasi itong nawala. Kaya inisip ko na lang baka isa na s'ya sa mga nilapa."
"Bukod sa mga Aswang. May nakita ka pa bang iba?"
Nag-isip ito sandali. "Isang estraherong dayo sa aming baryo. Hindi ko alam kung ano ang kuneksyon n'ya sa nga aswang, basta't ang naaalala ko, halos magkasabay ang kanilang pagsulpot sa aming nayon. Nauna lamang siguro ito ng mga ilang araw. Nanirahan ito sa katabing bahay ng nobya ko at—" Muli itong natigilan. Bakas sa mukha nito ang pag-aalinlangan.
"Basilio!" Tinapik ko ito, sandali kasi itong napatulala.
"P-po?!" Tila nagulat pa ito sa aking ginawa
Napangisi ako, "Wag mo nga akong pino-po! Mas matanda ka pa sa 'kin pino-po mo 'ko."
Napakamot ito, "Ah, eh... Boss kita eh."
"Kahit na. Pambihira ka!" Nakabungisngis na tinapik-tapik ko ito sa balikat. Napangiti naman ito, "So...anong nangyari sa k'wento mo? May pangalan ba ang estrangherong 'to?" Bagama't may susupetsa na ako kung sino ito.
Sino pa nga ba ang mahilig maglibot sa mga liblib na baryo para sadyang pakainin ang mga bitbit n'yang mga impakto? Bukod sa...Hilig nitong, manilo ng mga babae, para angkinin at gawing mga alipin ng kanyang kamunduhan.
Copyright ⓒ 2014, DyslexicParanoia (Angela Atienza), All rights reserved.
Demonyo talaga ang demonyong 'yun. Redundant ba? Eh kasi redundant naman talaga ito. Hindi na nga maituturing na anghel ng Diyos ang pinagmulan namin, nakuha pa n'yang sumamba sa diyablo at mag-alaga ng mga demonyo at mga aswang na ganid sa dugo, sariwang laman at laman-loob ng mga tao.
"Nagpakilala s'ya sa pangalang Ismael." Pagsagot n'ya sa huli kong katanungan. Si Lucio nga. 'Yun kasi ang isa sa pinakapaboritong alias ni Lucio sa mga pinupuntahan nitong baryo. "Pero malakas ang kutob kong hindi 'yun ang tunay n'yang pangalan."
"Maaari mo bang isalarawan ang hitsura ng Ismael na 'to?"
Umiiling-iling ito, "Hindi ko na masyadong maalala. Basta't ang ilan sa natatandaan ko, mukha lamang itong mga bente anyos na binata no'n, na s'ya rin namang edad ko nang mga panahong 'yun. Matangkad ito," Tiningan ako nito, at tiningala ang hangganan ng aking taas, "Mga kasing-taas mo. Kulot din ang buhok. Mukhang dayuhang Aleman. Maputi ang balat at kulay asul ng kanyang mga mata."
"Anong ginawa n'ya sa lugar n'yo?"
"Katulad nang nasabi ko na. Do'n s'ya tumira sa bahay na katabi ng pamilya ng nobya ko. Bahay 'yon ni tata Julian. Si tata Julian ay isang matandang balo na bigla na lamang ding naglaho ng mga pa panahong 'yun. Hindi ko alam kung anong eksaktong pakay n'ya, basta't ang naalala ko lang, halos lahat ng mga nakababatang kababaihan sa aming nayon—may asawa man o wala, nahumaling lahat sa kanya. Sandali nga kaming nabahala dahil tila pumipila pa ang mga ito para..." Natigilan ito.
"Para...para ano?"
"Para makipagsiping sa kanya."
"Pati ang nobya mo?"
Nanlumo ito, bago tumango.
"So, anong nangyari?"
"Tulad nang sinabi ko. Wala pang dalawang araw, nagsidatingan naman ang mga impakto. Mga aswang na iba't iba ang hitsura. Walang awang pinagkakain ng nga ito ang kahit sinong taga-nayon na kanilang mahuli. Harap-harapan. Garapalan. Kahit na maliwanag pa ang kapaligiran."
Napailing ako.
"Hindi ko alam kung ano ang paniniwala mo, Engineer Toledo." Pagpapatuloy nito. Akala siguro nito'y umiling ako dahil hindi ako naniniwala. "Pero maniwala ka man at sa hindi, marami na ring aswang at ;aman-lupa ang nagagawi rito sa siyudad. Ilang buwan lang ang nakakaraan. Wala pang isang taon, may nakitang patay do'n sa isa nating construction site...."
Sandali akong dinalaw ng alaala. Naalala ko 'yun. Baguhan pa lang ako noon. May nakita ngang patay sa site. Alam kong aswang ang may kagagawan dahil nakilala ko ito, at hinabol. Habulang humantong sa kanilang kuta. Ang kanilang kuta na nilipol ko nang mag-isa...mapuwera ang isang batang aswang.
Ang batang Aswang...
Hindi ko makakalimutan ang kanyang mukha; ang kanyang pagtangis at poot sa akin, matapos kong mapatay ang kanyang mga magulang sa kanya mismong harapan.
"Hindi ko alam kung paniniwalaan mo rin ako, Basilio. Pero hindi lahat ng mga aswang at maligno, masama. Ang karamihan sa kanila naiipit lang sa gitna." marahang sabi ko.
Napatingin ito sa akin; nakasimangot. Hudyat nang hindi ito sang-ayon
sa aking sinabi. "Mga Demonyo silang may katawang-tao! Mga kampon ng kadiliman. Isinumpa ko sa bangkay ng aking ina, na papatayin ko ang kahit sinong aswang na makakasalubong ko sa aking daraanan. Sila man mismo o hindi, ang s'yang mga pumaslang sa aking ina at mga kanayon. Papatayin ko silang lahat. Wala akong pakialam kahit sino pa sa kanila ang madamay."[ITUTULOY]
BINABASA MO ANG
JASPER, The Demon Slayer
FantasyKatropa Series Book 9 [Completed] Language: Filipino Bago pa man maipanganak si JASPER, itinakda na ng propesiya mula sa aklat ng angkan ng mga Villaluz ang kanyang misyon. Ito'y ang pamunuan ang hukbong tatapos sa pamamayagpag ng mga kampon ng ka...