Jordanna's P.O.V.
"Bakit ka ba nanunulak?!" Singhal ko sa isa sa dalawang babaeng inutusan na paliguan ako. Lumalakad na kami ngayon sa isang madilim na pasilyo.
Parang tanga lang ang mga hitsura nila. Nagdamit pa ng kay hahaba, eh nasisilip din naman ang kanilang mga kuyukot. Nagtaklob pa sila ng mga mukha, eh kita ko rin naman ang mga hitsura nila. Eh mas makapal pa nga ang lacey curtains ni Mommy sa mga bintana namin kumpara kanilang mga suot-suot.
Ano ba 'yan? Sino ba kasi ang official designers ng mga chiwari-wariwap na 'to? Wala man lang sense of fashion! Ang baduy! At ang amoy ng kanilang mga pabango, ang sang-sang! Sa sobrang sang-sang, mas mamatamisin ko pa yatang isaksak ang ilong ko sa isang kilong Durian!
"Ano ba?!" Singhal ko ulit. Itinulak na naman kasi ako no'ng gagang nanulak sa akin kanina. "Isa pa tatamaan ka na sa akin!"
Aba, ang mga buwisit na 'to at tinawanan pa ako?
Sinuntok ko na sa mukha 'yung isa. Buwisit eh.
Isinunod ko na rin 'yung isa para hindi naman n'ya sabihin na unfair ako, 'di ba?
Ako naman ang tumawa nang pagkalakas-lakas, makaganti man lang sa mga lekat na mga babaeng ipinaglihi yata sa rambutan. Parang gano'n kasi ang hairstyle nila, at ang kanilang mga kurtina, este, damit pala. Pulang-pula! Kulang na lang ng konting acting, mga mukha na talaga silang luka-luka.
Nasa gitna ako ng pagtawa nang mapansin kong hindi sila nagre-react. Lumingon ako. Nakabulagta na pala ang mga ito. Aba! Eh daig pa pala ng mga ipis ang punyemas na 'to. Mas mabuti pa pala ang ipis, may challenge patayin, eh 'tong dalawang 'to, nakalabit ko lang ng kaunti mga wala na sa ulirat?
Oh wait. Di ba dapat tumatakas na ako? Oo tama tatakas na 'ko...
"Hoy!" Sigaw ng isang babae mula sa kabilang dulo ng pasilyo. "Anong ginawa mo ha?!" Humahangos ito papalapit sa akin.
Nag-umpisa na akong tumakbo, bagama't hindi ko alam kung sa'n ako tutungo. Basta't liko lang ako ng liko, hanggang may malilikuan. Takbo lang ako ng takbo, hangga't may matatakbuhan.
Hanep ang babaeng 'yon. Aswang 'yata 'yun. Ang bilis tumakbo. Sa paminsan-minsang paglingon ko, sa tingin ko ba'y tila nagbabago-bago pa ang kanyang anyo. Oo tama, animo'y nagiging isang itong malaking pusang natipus. Wala kasi itong balahibo at napakapayat ng hitsura nito.
Sumigaw ako nang mga ilang lundag na lang ay maabutan na ako nito. Daig pa kasi nito ang isang Leopardo sa bilis ng pagtakbo. Muli akong humiyaw nang makita kong umaangat na ito para sa pang finale-ng paglundag sa ibabaw ko. "Nanay ko pooooo!" Tinakluban ko na ang aking mga mata at yumuko.
Nakarinig ako ng tunong ng sinaksak.
Weh?
Unti-unti kong binuksan ang aking mga mata. Agad kong nakita ang humahabol sa 'kin kanina. Nakabulagta ito sa sahig, at may nakatarak nang palaso sa noo nito. Sinuyod ko nang tingin ang paligid upang hanapin kung sino ang tumulong sa akin, at...
"Ikaw ba si Jordanna?"
"Ay tumbong ni Ding-dong! Ehek!"
Ano ba 'yan, sa dinamidami naman ng pagsusulputan n'ya, bakit sa likuran ko pa?
"A-ako nga." Hinahaplos ko ang aking dibdib sa sobrang kaba. "S-sino ka? B-bakit mo ako kilala?" Pinagmamasdan ko ito habang isinusukbit nito ang kanyang Pana sa kanyang balikat.
"Ako si Trina." Aniya. "Halika. Dito tayo dumaan." Itinuturo n'ya ang aming bandang likuran.
Nauna s'yang naglakad. Sumunod naman ako hanggang sa magkasabay na kaming naglalakad sa pasilyo.
BINABASA MO ANG
JASPER, The Demon Slayer
FantasyKatropa Series Book 9 [Completed] Language: Filipino Bago pa man maipanganak si JASPER, itinakda na ng propesiya mula sa aklat ng angkan ng mga Villaluz ang kanyang misyon. Ito'y ang pamunuan ang hukbong tatapos sa pamamayagpag ng mga kampon ng ka...