KABANATA 23

48.3K 1.4K 160
                                    

Jasper's P.O.V.

"Bakit ka nakukunsens’ya?” tanong ni uncle Manuel, nang ikinuwento ko sa kanya ang nangyari sa akin noong kabilang linggo. Dinalaw ko ito sa kanyang bahay.  Sabado, kaya wala akong pasok sa trabaho.

"Anong klaseng tanong ‘yan, Uncle?" sabi ko,  "Kasasabi ko lang sa inyo.  May bata akong nakita ro’n. Dalawa sa mga napatay ko ang kanyang mga magulang.  Nagmamakaawa s’ya na patayin ko na rin s’ya, pero bakit ko naman gagawin 'yon? Hindi naman s’ya ang nakasagupa ko, kundi ‘yung mga magulang n’ya."

"Sino nga ulit ang mga magulang n’ya?"

Hais.  Ano ba naman ang matandang ‘to.  Kanina pa ako nagkuk’wento sa kanya, wala naman palang naiintindihan. Tila nagsasayang lang tuoy ako ng laway.

"'Yun nga pong mag-asawang Tik-tik!"  Nakasimangot na ako.  Medyo nabubugnot na rin dahil tila hindi n’ya ako siniseryoso.

"Ah."  Aniya, habang itinutuloy ang pagbubuklat n’ya ng peryodiko.

Kahit paano, umasa ako na may sasabihin pa s’ya.  Reaksyon man lang sa ikinuwento ko sa kanya.  Pero wala.  Itinuloy lang n’ya ang pagbabasa na tila ba, wala akong sinabi sa kanya.  Hindi ko tuloy malaman kung nang-uulyanin na ba ang matandang ‘to, nabibingi na, o sinasadya lang n’ya na huwag akong pansinin.  Sa pagkainis ko…

"Sige na Uncle.  Aalis na po ako."  Tila nagusamot na papel ang mukha ko. Tumayo na ako at nagtungo sa pintuan.

Pipihitin ko na sana ang doorknob,  nang...

"Kung nakukunsensya ka, sumimba ka at mangumpisal." Aniya.  Hindi pa rin ito nakatingin sa akin. “O kaya naman, tumawag ka na ng diretso sa Diyos at itanong mo.”  Sumulyap s’ya sa ibabaw ng kanyang salamin, “Diyos ko…nakapatay po ako ng mga Aswang na kumakain at pumapatay ng tao. Tama po ba ang ginawa ko?  Mas maganda po ba kung nagpakamatay na lang po ako para hindi na umiyak at malungkot, ang isang batang aswang?”

“Uncle naman eh.”

“Uncle naman ano?  Ano bang mali sa sinabi ko?”
Hindi na ako sumagot.  Wala naman kasing mali sa sinabi n’ya.  Ang totoo, hinahanap ko lang ang opinion n’ya sa ginawa ko.  ‘Yung mga pagpapayo n’ya sa akin tulad ng dati, bago ako umalis papuntang Australia.

Copyright ⓒ 2014, DyslexicParanoia (Angela Atienza), All rights reserved.

“Wala po.” Medyo mahina na ang boses ko.  “Sige po,” Umambang aalis na ulit ako, “Aalis na po ako.”

“O, saan ka ba pupunta?”  Tinanong nga n’ya ako pero bumalik naman ulit s’ya, sa binabasa n’ya.

“Uuwi na.”  Magkasalubong na ang mga kilay ko.  Lumabas na ako sa pintuan.

Nasa loob na ako ng sasakyan ko, nang biglang tumunog ang cellphone ko.  May nag-text ng ilang beses.  Tiningnan ko ito.  Galing it kay uncle Manuel.

Unang Mensahe:   Pasensya ka na hijo. Kamukhang-kamukha mo kasi ang Tatay mo.

Tumunog ulit.

Ikalawang Mensahe:  Nabub’wisit ako kapag naalala ko ang Tatay mo.

Tumunog ulit.
Ikatlong Mensahe:  Magi-ingat ka sa pag-uwi. Magkita na lang tayo sa pagpupulong bukas.

JASPER, The Demon SlayerTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon