Chapter 10 - Mak-mak

83 10 58
                                    

Warning: This chapter contains description of physical abuse. Reader discretion is advised.

"Ano'ng pangalan mo?"

"Stephanie Maxine Co," mahinang sagot ng batang babae na mugto na ang mata sa kaiiyak. Panay ang iyak niya simula pa kagabi nang dumating siya sa bodega.

Siya ang pinakabagong salta dito sa bodega. Bodega ang tawag namin dito, kahit na parang bahay naman talaga ito dati. Hindi na kasi mukhang bahay, mukha na lang tambakan ng kung anu-ano. Tambakan ng basura, taguan ng kalat, tulugan ng mga batang kagaya ko na dinukot ng sindikato sa kung saan-saang sulok ng Metro Manila para mamalimos.

Ang lider nila ay si Mang Dante—kalbo, malaki ang tiyan, bulag ang kaliwang mata pero kapag hahatawin ka ng sinturon, asintado pa rin. Mag-iisang taon na yata ako rito. Nakuha ako sa palengke, napahiwalay kay Tatay tapos hindi na ako hinanap. Hindi ko alam bakit, siguro okay na rin sa kaniyang mawala ako para wala na siyang papakaining bibig maliban sa sarili niya.

"Ako pala si Japoy, Stephanie Maxine Ko..." nakangiti kong pagpapakila sa maputi at chinitang bata.

"It's Co, not Ko!" sigaw niya.

"Ay, sorry!" Napakamot ako ng ulo. "Ilang taon ka na ba? Ako, ten na! Ako pinakamatanda rito sa amin!"

Hindi umimik ang batang babae pero nagpatuloy pa rin ako sa pagdadaldal. "Si Gela, nine na 'yan." Nginuso ko ang batang may maiksing buhok na naka-indian seat sa tapat ko.

"Si Bonak, seven!" Siya ang pinakamakulit sa amin. Nangungulangot pa nga ito habang ipinapakilala ko.

"Tapos, 'yang katabi mo, si Yeye, seven din." Tulog pa si Yeye at nakasandal ang ulo nito sa balikat ng bagong salta.

"May ibang bata pa, nasa kabilang bodega naman... makikita mo sila mamaya..."

Hindi niya pinansin ang pagpapakilala ko sa mga kasamahan namin. Nakayakap siya sa mga tuhod niya at nakatingin lang sa sahig.

"Stephanie Maxine... ang haba ng pangalan mo. Puwede bang Maxine na lang o kaya Max?" tanong ko.

"Max? Pang sosyal 'yon, Japoy! Pa'no yan makakapang-limos kung sosyal ang pangalan niya?" sabat ni Gela.

Napaisip ako sa sinabi ni Gela. Bukod sa sosyal na pangalan, masyado ring maputi si Stephanie Maxine. Kaming lahat sunog na ang balat, amoy pawis, amoy araw kahit sa gabi. Maraming gasgas at mukhang kawawa. Hindi kagaya niya na halatang galing sa mayamang pamilya. Maganda siya, singkit ang mga mata, mahaba ang buhok, halatang bago rin ang suot niyang bestida.

"Mak-mak!" sigaw ni Bonak. "Kuya Japoy, Mak-mak na lang pangalan niya para magkatunog ang pangalan namin!"

"Aba! Maganda nga 'yon!" pagsang-ayon ko.

"Mula ngayon, ikaw na si Mak-mak! Okay ba sa'yo yon?" Yumuko ako para tignan ang mga mata ng bata.

"O-Okay," tipid niyang sagot, nakatulala pa rin sa sahig.

Napatayo ako nang sunod-sunod na katok ang nagpauga sa pintuang kahoy ng maliit na bodega. Tinapik ni Gela si Yeye para magising na. Nagpunas lang ito saglit ng muta at laway at saka tumayo. Naiwang nakasalampak sa sahig si Mak-mak habang kaming apat ay nakahanay na.

"Ate Mak-mak, tayo ka na po!" utos ni Bonak.

Hindi pa rin tumayo si Mak-mak hanggang sa tuluyan nang bumukas ang pintuan at isang galit na galit na Mang Dante ang bumungad sa amin.

"O! Bakit naka-upo ka pa riyan, tisay!" sita niya kay Mak-mak.

"Tumayo ka riyan!"

"I want to go home!" malakas na sigaw ni Mak-mak. Napatingin kaming lahat sa kaniya.

Reckless RomancesTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon